‘Estudyanteng Guro’ kilalanin sa ‘Front Row’

INIHAHANDOG NG FRONT ROW
“ESTUDYANTENG GURO"
November 18, Lunes pagkatapos ng Saksi
Ipinanganak, nakatira at lumaki sa kalsada ang 14 taong gulang na si Sherwin Dacayana. Dahil walang sariling tirahan, sa bangketa na sila nabubuhay. Sa kabila nito, subsob sa pag-aaral bilang grade 7 student si Sherwin. Desidido siyang makapagtapos ng pag-aaral at tuparin ang pangarap na maging pulis balang araw.


Tuwing araw ng Sabado at Linggo at walang pasok sa eskuwela, nagtuturo naman si Sherwin sa mga batang kalsada sa mga parke sa Maynila. Sa pamamagitan ng paggabay ng isang street educator mula sa isang foundation, tinututukan nila ang pagtuturo ni Sherwin sa mga bata.


Kabilang noon si Sherwin sa mga tinuturuan ng street educator, pero nito lamang nakaraang taon nagsimula na siyang magturo rin sa mga bata. Sa ganitong paraan, kahit hirap sa buhay, nakapagbibigay pa rin daw ng dunong at kaalaman si Sherwin sa mga gaya niyang nasa lansangan.
Sundan ang dokumentaryong “Estudyanteng Guro” sa Front Row ngayong November 18 pagkatapos ng Saksi!