18 nanay, rumoronda tuwing gabi sa Pateros para mapanatiling ligtas ang lugar

LABINGWALONG INA
March 2, 2020 / Lunes ng gabi, pagkatapos ng Saksi sa GMA

Sa kalagitnaan ng gabi, makikitang nagroronda sa madidilim na kalye at eskinita ng Pateros ang labingwalong ina. Taong 2016 nang buuin ang grupo ni Jenny Helo, tatlumpu’t siyam na taong gulang. Nagroronda raw sila para mapigilan ang iba’t-ibang krimen sa kanilang lugar partikular ang pagpatay ng mga hindi kilalang hitman.

December 2016 nang masaksihan ni Jenny ang pamamaril ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo sa kanilang kapitbahay na pinaniniwalaang sangkot sa droga. Dahil sa takot, sila mismong mga ina ang nagboluntaryong magbantay sa lugar nila.


Delikado man ang napili nilang adbokasiya, hindi raw nila ito ititigil para na rin sa seguridad ng kani-kanilang pamilya. Minsan na rin silang kinilala ng PNP at lokal na pamahalaan dahil sa kanilang boluntarismo.



Sa kabila ng magdamag na pagbabantay, walang pagod si Jenny sa pag-aasikaso ng kaniyang pamilya. Doble-alaga siya sa kanyang mentally challenged na anak na si Justine, labimpitong taong gulang. Nagkaroon si Justine ng sepsis meningitis noong siya’y ipinanganak.

Mamangha sa kanyang kwento sa dokumentaryong “18 INA”, sa Front Row ngayong Lunes ng gabi, March 2, 2019 pagkatapos ng Saksi sa GMA.