Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Bakit nga ba nangangaliwa ang iyong ‘Karelasyon?’


Isa sa mga pangunahing tema ng GMA Public Affairs show na “Karelasyon” ang pangangaliwa bilang isa sa mga pangunahing pagsubok sa buhay may asawa. Kaya tinanong namin ang mga eksperto, ano nga ba ang dahilan sa likod ng pangangaliwa?



1. Personal Psychopathology

Ayon sa manunulat at clinical psychotherapist na si Dr. Angelo Subida, maraming maaaring pag-ugatan ang pangangaliwa. Isa na sa mga ito ang personal psychopathology o ang pagkakaroon ng mga ugaling maaaring sintomas ng mas malalim na sakit sa pag-iisip.

“Kapag may psychopathology ang isang asawa, there could be prior lifelong patterns na maaaring mag-lead sa kaniya to commit infidelity. Kung pagbabasehan natin ang official manual ng mga psychologist at psychiatrist, ito ‘yung Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders 5th Edition, nakalista diyan ang infidelity bilang sintomas ng ilang sakit tulad ng narcissistic personality disorder, pati na sociopathic and psychopathic behavior,” pahayag ni Dr. Subida.

Maaari ring mula pa sa pagkabata ang ugat ng pangangaliwa. “Kapag ang isang bata ay maagang na-expose sa pangangaliwa, puwedeng magkaroon iyon ng imprint, at may posibilidad na ma-duplicate niya ang imprint na ‘yun. Maaaring maging automatic ang reaction niya (na mangaliwa) dahil sa pamilyar na imprint. Some roots of infidelity are already there even before the marriage,” dagdag pa niya.

2. Maling impluwensiya

Maaari ring dala ito ng maling impluwensiya mula sa telebisyon at internet, ayon pa sa psychotherapist.

“Mayroon tayong easy access sa pornographic websites. At dahil diyan, nagkakaroon ng conditioning ang ating isip na ang mga kababaihan o kalalakihan ay sex objects lang. Maaaring maging ugat din ‘yan ng sexual addiction na mapunta sa pangangaliwa.”

“Maaari ring ang maling impluwensiya na mangaliwa ay mula sa mga kaibigan o kapamilya na may ganiyan ding dysfunction,” dagdag pa ni Dr. Subida.



3. Pangangailangang hindi napupunan

Para naman kay Harriet Hormillosa, isang licensed marriage counselor at founder ng Reintegration for Care and Wholeness Foundation, Inc., maaaring mangaliwa ang isang tao dahil sa pakiramdam na hindi napupunan ang kaniyang mga pangangailangan.

“Some people have unrealistic expectations of what marriage is all about. They think that their spouse can answer all of their needs, that they can be there at all times. Feelings of resentment lead some to commit infidelity,” paliwanag ni Hormillosa.

Maging pangungulila sa karelasyon ay maaaring magtulak daw sa tao na mangaliwa. “Some people commit infidelity because the other spouse is unavailable physically or emotionally, leading someone to look for affection somewhere else,” dagdag pa niya.  

4. Transitional anxiety

Ayon pa kay Hormillosa, ang ilang tao, nangangaliwa naman dahil sa stress na dala ng pagbabago sa kanilang buhay.

“It could be that the wife is pregnant and they can’t open up to the wife that being a father scares them. It could be a challenging promotion. Any major transition that’s hard to handle can be a trigger for someone to look for some kind of outlet which can be an illicit affair.”

5. Exit affairs

Isa pang dahilan sa pangangaliwa ay ang kagustuhan nang kumalas sa isang relasyon. “We call this an exit affair,” pahayag ni Hormillosa. “It can be that the relationship has gone sour already. They use the affair as an excuse to end the relationship.”



6. Spiritual disconnection

Ayon naman kay Dr. Subida, maaari ring kakulangan sa “spiritual connection” ang dahilan ng pangangaliwa. “May spiritual dimension din ang infidelity. Kapag hindi connected sa spiritual aspect of his being ang isang tao, a person can do a thing like this.”

Kasalanan ko rin ba ang kaniyang pangangaliwa?

Kadalasang sinisisi rin ng isang tao sa kaniyang sarili ang pangangaliwa ng kaniyang karelasyon pero mali raw ito ayon kay Dr. Subida.

“Maaaring may pagkukulang ang isang asawa pero puwede iyang i-address in healthy ways,” paliwanag niya.

“You can address it (the shortcoming) by talking, you can go to friends or to loved ones for support, you can undergo personal development, or practice spiritual discipline, and even separation kung ayaw talagang magbago ng asawa mo, pero hindi dapat adultery ang naging response diyan.”

Once a cheater, always a cheater?

Para kay Hormillosa, hangga't humihinga pa ang isang tao ay kaya pang magbago nito.

“I’ve seen some, who by the grace of God, changed for the better and became completely different from how they used to be, we cannot limit grace,” paliwanag niya.

Maging ang mga taong may malalang psychological dysfunction ay kaya ring mabago ayon kay Dr. Subida.

“Kailangan munang maintindihan kung anong pinag-ugatan ng mga ito. Kung mayroon siyang emotional wound fueling the infidelity; first, he has to heal that. A person can go to marriage counseling or psychotherapy, develop a new pattern of lifestyle and form a circle of support para maayos ‘yan.”



Ano ang dapat gawin kapag nangaliwa ang iyong karelasyon?

Ayon kay Dr. Subida, kung madidiskubre na ang karelasyon ay nangangaliwa, kailangang kalimutan muna ang mga napanood natin sa pelikula at telebisyon dahil marami rito ay maling pagtugon sa problema.

“Recognize that infidelity is his or her problem, not yours. Don’t act needy; you have to hold your head up high. Confront firmly but respectfully. You should be in control of your feelings. Normal lang na in your immediate discovery ay magdilim ang paningin mo but you cannot bring that to the confrontation. You can confront without attacking the person.”

Payo naman ni Hormillosa, “The confrontation has to be done soonest to let the erring partner see how much damage has been done by the affair. If he denies the act or turn the tables, you have to be firm in your belief that this (the cheating) is not your fault.”

Dagdag pa niya,“Hopefully, if there is an acknowledgement or an effort to own up to the mistake, that’s the time that the healing process can begin.”  —BMS, GMA Public Affairs

Mapapanood ang Karelasyon tuwing Sabado, 2:30 PM, sa GMA Network Channel. Maaari rin silang sundan sa Facebook at Twitter. Para sa mas maraming impormasyon tungkol sa iyong paboritong dokumentaryo, sundan ang GMA Public Affairs Facebook at Instagram.

LOADING CONTENT