Mensahe ni Bitoy sa mga botanteng Pilipino, ngayong Biyernes na!
Sa loob ng kaniyang higit dalawang dekadang karanasan sa pagpapatawa, talagang subok na ang kakayahan ni Bitoy o Michael V. bilang komedyante.
Nitong nakaraang Pasko, ipinalabas ng GMA ang ginawa niyang pagganap sa tatlong karakter na kumakatawan sa mga politikong hindi dapat pagkatiwalaan ng mga botanteng Pilipino --- sina Gary Palan, Delly N Sha at Mimi Hasa.
Si Gary Palan, ganid sa kapangyarihan
"Hindi n'yo ba ako kilala?" Ito ang madalas sambitin ni Gary Palan. Hindi lamang siya abusado sa paggamit ng kaniyang otoridad at kapangyarihan kundi gawain din niyang ipamukha sa mga tao ang kaniyang mga proyekto nang sa gayon ay makumbinse sila na siya ay karapat-dapat na paulit-ulit iluklok sa pwesto.
Si Mimi Hasa na kulang sa gawa!
Sa likod ng pagiging mabait, maamo at malambing ay may itinatagong sikreto pala itong si Mimi Hasa --- ang kawalan niya ng sapat na kaalaman at kakayahan sa kaniyang trabaho.
Ang totoo ay tamad siya at umaasa sa iba para gampanan ang kaniyang mga tunay na tungkulin. Tuwing may problema, agad niyang isasagot ay “wala akong alam diyan” At ‘yun ay dahil wala lagi naman siyang walang pakialam.
Si Delly N. Sha, kurakot!
Si Delly N Sha naman ay walang tigil sa pagnanakaw sa kaban ng bayan. Wala siyang tunay na malasakit sa kaniyang mga pinagsisilbihan dahil sariling kick back o pera ang mas mahalaga sa kaniya. Habang siya ay nasa pwesto, hindi rin siya titigil sa pangungurakot!
Kaya ang mensahe ni Bitoy sa mga mamboboto sa darating na eleksyon, huwag magpaloko, magpauto at magtiwala sa mga lider na kagaya nina Gary Palan, Mimi Hasa at Delly N. Sha.
Samahan si Bitoy at GMA News and Public Affairs sa paglulunsad ng #DapatTama ngayong Biyernes at sabay sabay tayong mangako na gagawin natin ang tama sa napakahalagang araw sa ating bansa --- ang eleksyon!