Palitan ng nobyo at nobya, tampok sa 'Karelasyon'

Sa panahon ngayon, mahirap na daw makahanap ng makakasama “forever”. Marami raw temptasyon kung kaya’t madalas hindi nagtatagal ang mga relasyon.
At ang hamong ito ay mas matindi raw para sa mga kapatid nating nasa LGBTQ (Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender and Queer) community na bukod sa pagmamahal ay naghahanap pa rin ng pagtanggap mula sa lipunan.
Ang magkapitbahay na sina Kris (Stephanie Sol), isang lesbian at Michael (Sebastian Castro) na isang bading, kuntento naman sa kanilang love life. Si Kris ay mayroon nang live-in partner na si April (Roxanne Barcelo) na kanyang tinutulungan sa pamamagitan ng pagbigay ng sustento sa anak nito. Si Michael naman ay may karelasyon din --- Si Ian (Martin Del Rosario) na isang binatang pansamantalang naka-depende sa kanya.
Ngunit sa likod ng kanilang matiwasay na pagsasama sa iisang lugar ay may gulong magbabadya. Hindi maiiwasang matukso sa isa’t-isa sina April at Ian na kalaunan ay magkakaroon ng lihim na mga pagtatagpo.
Mabubuko kaya nina Kris at Michael ang pagtataksil na ito ng kanilang live-in partners na ang nais lamang daw ay magkaroon ng mas normal na relasyon?
Ito na ba ang hudyat para masira ang maganda nilang mga samahan o magiging daan lang ito para mapagtanto nila kung kanino sila tunay na nababagay?
Tunghayan ang sunod na kuwentong tampok sa Karelasyon! Pagbibidahan nina Martin Del Rosario, Roxanne Barcelo, Stephanie Sol at Sebastian Castro, sa panulat ni Mario Banzon at direksyon ni Adolf Alix, Jr.
Samahan muli si Ms. Carla Abellana ngayong Sabado pagkatapos ng Eat Bulaga sa GMA.