Benjamin Alves at LJ Reyes sa nakaka-in love na Alamat

Bakit kaya hugis kamay ang saging? At bakit natin sinasabing may puso ito? Ngayong Linggo sa nag-iisang animated anthology series sa Pilipinas, matutuklasan na natin ang dahilan. Tampok sina Benjamin Alves at LJ Reyes sa isang ALAMAT na puno ng hiwaga at pag-ibig.

Noong unang panahon, may isang dalagang nagngangalang Juana. Ipinangako siyang ipakasal ng kanyang ama sa mayamang si Don Felipe, para mag-buhay prinsesa. Ngunit nang makilala niya ang binatang si Aging, naisip niyang baka magbago ang isip ng kanyang ama at hahayaan silang maging maligaya. Ngunit hindi mayaman si Aging, naninilbihan lang siya sa mansyon ni Don Felipe. Dahil diyan, pinagbawalan si Juana na makipagkita kay Aging!
Kung ikaw si Juana, susundin mo pa rin ba ang iyong ama kahit hindi mo ito ikaliligaya? Ipaglalaban mo ba ang iyong nararamdaman kung ikaw si Aging? Ang kuwentong ito ba ay may happy ending?

Gaya ni Aging na nakaka-love at first sight, certified heartthrob din ang nagbigay-boses sa kanya: ang Kapuso hunk na si Benjamin Alves. Naka-aantig rin ang kanyang pagganap bilang Tagapagsalaysay sa live action sequences ng Alamat.
Habang naghihintay na mag-set up ang crew, isa lang ang request ni Benjamin: Saging! Method acting style kaya niya ito?
May transformation ring pagdadaanan si Benjamin sa episode na ito. Ano kaya ang kalalabasan niya?

Ang award-winning actress na si LJ Reyes naman ang kaniyang katambal bilang Juana. Dalang dala si LJ sa kanyang mga eksena; sa katunayan, hindi niya maiwasang maiyak habang nagbibitaw ng mga linya sa mga madamdaming tagpo ng kuwento.
Balatan natin ang misteryo sa likod ng prutas na ito sa "Alamat ng Saging", mula sa panulat ni Danzen Santos-Katanyag. Yayain ang buong pamilya para sa ikalawa sa pang-huli nating ALAMAT, Linggo 5:15pm sa GMA.
#AlamatNgSaging