ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pag-ibig na hanggang langit: Ang kuwento nina Vince at Grace


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

“That moment, I reflected and said na i-accept ko na talaga na Grace is really not okay and she will be leaving soon.”

Tanging pagbabalik-tanaw na lamang sa nakaraan ang nagagawa ni Vince sa tuwing nangungulila ito sa kaniyang nobyang si Grace na binawian ng buhay dahil sa leukemia.

Sa mga larawan na lang ngayon nakakapiling ni Vince ang kaniyang nobyang si Grace.

Ilang linggo na ang nakararaan nang tuluyang mamaalam si Vince kay Grace. Sa susunod na buwan na sana ang kanilang kasal kasabay ng kaarawan ng dalaga ngunit hindi umayon sa plano ang kinahantungan ng kanilang relasyon.

“I told her, ‘I'm in love with you.’”

Sa linyang ito nagsimula ang matamis na pagtitinginan ng noon ay magkaklaseng sina Vince at Grace sa isang unibersidad sa Bacolod. Dahil parehong kumukuha ng kursong Marketing, magkaklase sa ilang mga subject ang dalawa kaya’t mas lalo silang naging malapit sa isa’t isa.

Tulad ng ibang magkarelasyon, naranasan din nila ang mag-away dahil sa maliliit na bagay tulad ng pagiging late sa mga lakad at hindi pagsagot sa mga mensahe, ngunit mas mahalaga raw para sa kanila na panatilihin ang tatag ng kanilang pagsasama.

“Good thing na na-appreciate ko kay Grace is na-retain namin ‘yung friendship namin. Every time we were together, we laugh a lot, so we easily get along whatever ‘yung mga quarrel,” pagbabahagi ng binata.

Hanggang sa makapagtapos ng pag-aaral, ang kanilang mga plano ay nakaayon pa rin sa desisyon ng isa’t isa dahil ito raw ay para sa kinabukasan ng pamilyang plano nilang buuin. Sinimulan ni Vince na tuparin ang pangarap na ito nang hingin ang kamay ni Grace para magpakasal.
 

Pangarap ng dalawa na puntahan ang mga lugar na makikita sa Philippine peso. Kasama na rito ang Bohol.


“Hinug ko siya and I told her I love her so much, and I'm happy na magiging official na kami [as] lifetime partners.”

Matapos tuparin ang kanilang travel goal na mapuntahan ang mga lugar na nakaimprenta sa mga pera ng Pilipinas—underground river sa Palawan, Banaue Rice Terraces, Mayon Volcano, Bohol at Malacañan—pormal nang hiningi ni Vince ang kamay ng dalaga nitong Enero ng kasalukuyang taon.

Isa ito sa mga larawan ng proposal ni Vince kay Grace.


“No’ng nag-propose na ako, sabi niya, na-blackout talaga siya, talagang hindi niya na napapakinggan ‘yung sinasabi ko. Grabe ‘yung emotions niya, nanginginig siya, but at the same time, umiiyak and very happy,” kuwento pa ni Vince.

Hindi na nagdalawang isip pa si Grace sa pagbibigay ng matamis niyong ‘oo’ sa lalaking halos isang dekada na niyang kasama. Malinaw na ang mga bagay para sa kanila: magsasama silang dalawa, habang buhay. Ngunit parating pa lang pala ang pinakamabigat na hamon sa buhay nilang dalawa.

"Vince, you need to take Grace to the hospital,"

Ang balitang ito ni Erica, kaibigan ng dalawa, ang nagpabago ng lahat sa kanilang pagsasama. May kapatid na doktor si Erica na nakabase sa Amerika kung saan niya ipinadala ang mga larawan ng pasa ni Grace sa katawan. Matapos itong suriin ng kapatid ni Erica, hinikayat nito sina Grace na magpatingin na sa mga doktor dito sa bansa.

Nagsimulang mangamba si Vince sa kalagayan ng dalaga nang mapansin nitong matagal mawala ang mga pasa ni Grace. Nang magpatingin na ito sa mga doktor, dito na nakumpirma ang pinakakinatatakutan ng dalawa—mayroong leukemia si Grace at ayon sa diagnosis, nasa stage 4 na ang kaniyang kanser.

Dagdag pa ng doktor ni Grace, dalawang buwan pa lamang daw siya may acute promyelocytic leukemia ngunit ang uring ito ng leukemia ang pinaka-agresibo. Bukod pa rito, wala itong mga sintomas na ipakikita hanggang sa lumala na lang ito sa katawan ng pasyente.

“Paano ‘yung kasal?"

Habang umiiyak dahil sa masamang balitang natanggap nila noong ika-27 ng Hulyo, ito ang unang itinanong ni Grace kay Vince. Magkahalong lungkot at pagkabalisa ang naramdaman ng dalawa ngunit ayon kay Vince, kailangan niyang maging mas matatag para sa kaniyang mapapangasawa.

"’Yung kasal, we could postpone it anytime, what is important ngayon is to for you to be well,’” ito raw ang sagot ni Vince sa tanong ng dalaga.

Sumailalim sa chemotherapy si Grace upang mapanatili ang kaniyang lakas ngunit ilang araw lamang ay hindi na tinatanggap ng kaniyang katawan ang mga gamot at pagkaing ibinibigay sa kaniya. Ngunit, ika-31 ng Hulyo nang naging kritikal ang kondisyon ni Grace dahil nagdugo na ang baga nito at may namuo ring dugo sa kaniyang utak na nagsanhi ng comatose.

Wala pang isang linggo nang malaman ni Grace na siya ay may leukemia, binawian na ito agad ng buhay.

Hindi man natuloy ang kanilang kasal, ipinagpapasalamat pa rin ito ni Vince dahil hindi na nahihirapan si Grace.


“Isa sa mga bagay na sinasabi ko kay Lord in my prayers ay kung bakit hindi mo ibinigay kay Grace ‘yung dream wedding na pinaghirapan naming dalawa. Sinabi ko na lumipad ka na kasama ‘yung dream mo, go with the Lord, I'll be okay,” pagdadalamhati ni Vince habang namamaalam sa dalaga.

Sa libing ni Grace, suot nito ang wedding gown na gagamitin sana niya sa kaniyang kasal.

“I love you, Grace, unselfishly and unconditionally.”

Bahagi ito ng wedding vow sana ni Vince. Hindi naman niya naisip na hindi na pala ito maririnig ng babaeng sana ay pakakasalan niya.

“I am missing you so much. Despite this pain and longingness, I'm feeling this relief that I know you are now with the Lord, and I know that you lived a happy and fulfilled life. What really matters to me now is you, as long as you are okay, I will be okay,” pagpapatuloy ng mensahe ni Vince.

Halos isang dekada ng hirap at ginhawa, ng lungkot at saya at ng magkasamang nangangarap para sa kinabukasan ang mananatiling matatamis na alaala sa puso ni Vince. Mag-isa man niyang ipagpapatuloy ang kaniyang buhay, palagi pa ring mayroong isang espesyal na bahagi si Grace sa kaniyang puso.

Nauwi man sa pighati ang sana’y masayang kasalan nila sa susunod na buwan, ang mga sandaling kapiling ni Vince si Grace ay mananatiling buhay sa kaniyang mga ala-ala.
 

Ang halos isang dekadang alaalang kasama si Grace ay mananatiling buhay sa puso ni Vince.


“Farewell for now and I will see you soon. With much love, Vince.”---Joseph Sonajo/BMS, GMA Public Affairs

Mapapanood ang “Kapuso Mo, Jessica Soho” tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa aming official social media accounts: Facebook, Twitter, at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa paborito ninyong public affairs programs, sundan ang GMA Public Affairs.