OFW na niloko ng mister habang nasa Hong Kong, tampok sa 'Tadhana'

TADHANA presents
DREAM HOUSE
June 10, 2017
Sabado 3:15pm
GMA 7
Ano ang dream house mo? Para kay Donna, isang maayos na bahay na matatawag nilang kanila.
Ito ang mga nagtulak kay Donna para makipagsapalaran bilang domestic helper sa Hong Kong. Isang volunteer teacher si Donna at construction worker ang kanyang asawa.Hindi sasapat ang kanilang kinikita para tustusan ang pangangailangan ng lumalaki nilang pamilya. Tulad ng maraming OFW, tiniis ni Donna na mawalay sa kanyang mga anak sa pag-asang mabibigyan sila ng mas magandang bukas.
Pero hindi lang pala pangungulila sa mga anak ang kailangan niyang harapin pagdating sa ibang bansa. Sa kamay ng malupit na amo napadpad ang kanyang kapalaran. Bawat pasa at masasakit na salita, tiniis ni Donna. Lahat ng pananakit hindi niya ininda. Balot man ng pangungulila at pasakit, ang pangarap na magandang bahay at buhay ang nagpatatag sa kanya.
Limang taong nagtiis si Donna sa Hong Kong. Pero may hihigit pa pala sa sakit ng mga pasang natamo niya sa ibang bansa. Paano kung malaman mong ang lahat ng iyong tiniis at pinaghirapan, mauuwi sa wala? Ano nga ba ang pakiramdam na hindi makilala ng sarili mong anak?
Ang hindi matapos-tapos bang mga problema ang tutuldok sa buhay ni Donna?
Ngayong Sabado sa Tadhana, tunghayan ang kuwento ng pangungulila, sakripisyo, at pagbangon. Pangungunahan ito ni Rochelle Pangilinan kasama sina Luis Alandy, Miggs Cuaderno, Mosang, Arny Ross, at Leanne Bautista.
Samahan ang nag-iisang Kapuso Primetime Queen Marian Rivera sa paglalahad ng isang kuwento ng pagsisikap sa TADHANA ngayong Sabado 3:15pm pagkatapos ng Ika-6 Na Utos. #TadhanaDreamHouse