Kuwento ng OFW na ikinulong ng amo sa Saudi, mapapanood sa 'Tadhana'
TADHANA presents
ANG DISGRASYADA
March 17, 2018
Sabado, 3:15pm
GMA 7

Ang pangarap na mabuo ang dream house ang nagdala kay Elsa sa Saudi Arabia para makipagsapalaran bilang domestic helper. Ang hindi niya inaasahan, ito pala ang wawasak sa kanilang tahanan.
Ayon sa pag-aaral ng Saudi Arabia Committee on Workers Overseas Welfare, 7 sa bawat 10 domestic worker sa Saudi ang dumaranas ng pang-aabuso mula sa kanilang mga amo. Isa na rito si Elsa na dalawang taong hindi pinalabas at sinaktan ng kanyang amo. Tiniis niya ang lahat para patuloy na matustusan ang mga magulang at mga kapatid sa Pilipinas. Pero higit sa pananakit, nagbunga ang paulit-ulit na panggagahasa kay Elsa.
Paano nga ba makakatakas si Elsa sa sitwasyong kinasasadlakan niya? Buhayin kaya niya ang sanggol sa kanyang sinapupunan na paalala ng ginawang kahayupan sa kanya?
Makakamit pa nga ba ni Elsa ang pangarap na tahanan?
Sa pagpapatuloy ng pagdiriwang ng Tadhana sa Buwan ng Kababaihan, tunghayan ang buong kuwento ng pagdurusa at pagbangon ni Elsa na bibigyang buhay sa natatanging pagganap ni Ms. Angel Aquino. Makakasama rin sa espesyal na pagtatanghal na ito sina Michael Flores, Dexter Doria, Sue Prado, Adrian Pascual, Al Gatmaitan, at James Wright.
Huwag palagpasin ang #TadhanaAngDisgrasyada ngayong Sabado 3:15pm sa GMA 7 pagkatapos ng finale episode ng Ika-6 Na Utos.