Mga lihim na lagusan sa bayan ni Juan, gagalugarin ng 'I Juander'
Anu-ano ang natatagong lihim ng mga lagusan sa bayan ni Juan?
Sa ilalim ng modernong mundo na ginagalawan ni Juan, sinong mag-aakala na mayroon palang mga lagusan na tila nalibing na sa limot. At ang bawat pasikot-sikot ng mga nito, may kasaysayang ikinukuwento.
Habang pataas nang pataas ang mga istrukturang itinatayo sa Bonifacio Global City sa Taguig, matatagpuan naman sa ilalim nito --- ang isang malawak na lagusan. Nagsilbi raw itong bomb shelter at underground highway noong ikalawang digmaang pandaigdig. Pero totoo rin kaya na dito nakatago ang pinaghahanap ng marami na Yamashita Treasure?


Sa isla naman ng Corregidor, maraming mga secret passage na hindi pa nasisilayan ng publiko. At sa kauna-unahang pagkakataon, makikita ang mga ito sa telebisyon.
At sa bayan naman ng Nagcarlan sa Laguna, matatagpuan ang isang underground cemetery kung saan may nagaganap umanong mga kababalaghan. Paniniwala rin ng mga taga-rito, konektado ito sa isang lagusan na umaabot umano hanggang sa Mt. Banahaw.


Samahan sina Susan Enriquez at Cesar Apolinario na pasukin ang mga lagusing ito, at alamin ang natatago nilang mga sikreto. Abangan yan sa I Juander, ngayong Miyerkules, alas-otso nang gabi sa GMA News TV.