Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Episode 7: Pepe laban sa mga guwardiya sibil


ILUSTRADO
Episode 7
October 28
 
Bugbog sarado si Pepe. Iniwan siyang nakahandusay sa kalsada ng mga guwardiya sibil. Mag-uumaga na nang magkamalay si Pepe at tiempong papaalis na sana si Leonor papuntang La Concordia kasama ang kanilang kasambahay. Matatagpuan si Pepe na duguan at maga ang mukha. Agad na sasaklolo si Leonor at gagamutin niya si Pepe.
 
Hindi magtatagal ay mababalitaan ng mga kapatid at ni Doña Lolay ang nangyari kay Pepe. Agad silang susugod sa Maynila upang makumusta siya.
Sa muling pagkikita nang mag-anak, mababahala si Doña Lolay sa sinapit ni Pepe. Hihikayatin niyang umuwi na lamang sa Calamba at tumulong sa pamamahala ng sakahan at tubuhan, sapat na raw ang kanyang nalalaman. Nakakatakot para sa isang taong maraming nalalaman.
 
Sa pagtatagpong iyon, mababahala din si Pepe sa kakaibang kinikilos ng kanyang ina, kukutuban siyang lulmulubha na ang mag mata ni Doña Lolay. Dahil sa kakulangan ng mga eksperto at manggagamot sa mata sa bayan ay minabuti ni Pepe na siya na mismo ang gagamot sa kanyang ina.
Nagpalit ng kursong medisina si Pepe habang ipinagpapatuloy niya ang pagkahilig sa pag-uukit. Sa isang tagpo, habang nag-uukit si Pepe ay sosorpresahin siya nina Leonor at Carmen sa kanyang eskwelahan. May bagay na ginawa si Pepe na matutuklasan ni Leonor, at ikakatuwa niya ito.
Patuloy pa din sa paghihikayat sa kaniya si Eduardo na umanib na sa samahan lalo na’t nakaranas na siya ng pambubogbog ng mag guwardiya sibil. Inalok din si Pepe na samahan siya ni Eduardo sa tanggapan ng Gobernador Heneral upang magsampa ng reklamo. Hindi sila papapasukin sa tanggapan. Mapapagtanto at maipapakita ni Pepe na sa bayang ito, siya na isang aral at galing sa pamilyang may-kaya ay hindi makakatanggap ng hustisya, paano na lang ang simpleng mamamayan.