Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Episode 15: Nag-aapoy sa galit ang mga kalaban ni Pepe


ILUSTRADO
Episode 15
 
Sunog ang lahat ng sakahan ng sinumang pinaghihinalaang nagmamay-ari ng Noli Me Tangere. Naipit si Gobernador Heneral Terrero sa mga dominikanong prayle. Wala siyang magawa kundi ibigay ang hiling ng mga iyon.
 
Abo ang nadatnan ng pamilya Mercado sa kanilang sakahan. Marahas ang parusang ipinataw nina Padre Amado. Tinanggalan niya ng kabuhayan ang mga tao, papatayin niya sa gutom ang kaniyang mga kalaban. Tatakutin niya pa lalo ang mga indio upang hindi lumaban. Gagatungan pa iyon ni Conchita na paigtingin ang galit ni Padre Amado laban sa mga Mercado.
 
Sunod-sunod ang mga binitawang pagpaparusa nina Padre Amado. Ganap na ipinagbawal ang Noli Me Tangere.
Bagama’t gustuhin ni Pepe na puntahan si Leonor ay naipit na siya sa pagtatago, hanggang sa isang gabi ay muntikan na siyang dakipin ng mag guwardiya sibil. Salamat sa tulong ng isang opisyal na si Jose Andrade na lihim siyang itinakas papalayo sa Calamba.
 
Durog na naman ang puso ni Doña Lolay at ng buong pamilya Mercado sa gagawing paglisan muli ni Pepe. Tutungo nang muli sa Europa si Pepe bago pa siya hulihin. Aalis muli sa Pilipinas nang hindi nakakapagpaalam sa kaniyang mahal na Leonor.
Hindi nagpapahinga ang kalaban. Hindi sila papayag na manaig ang mga indio at mawala ang kanilang yaman na kung saan matagal na silang nagpapakasasa. Hindi naging madali ang pagkamit ng mga pangunahing karapatan na atin nang tinatamasa ngayon. Labis na nagtiis at nagpakasakit ang ating mga ninuno, ang ating mga naunang pamilya, masilayan lamang natin ang liwanag ng pag-asang bumuti ang buhay.