ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

"Untouchable Sauna, Prostitution in the City of Pines, and House Prisoners"


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Episode on October 16, 2010 Saturday after Kapuso Mo, Jessica Soho
MGA BIHAG NG PANG-AABUSO, SASAGIPIN NG IMBESTIGADOR!
Dahil daw sa kahirapan kung kaya't maraming nalalambat na biktima ang ilang mapang-abuso at mapagsamantala. Ang iba, nabibihag ng mga human trafficker na nangangako ng disente't magandang trabaho sa ibang lugar. May ilan naman na kinakagat ang prostitusyon para may maibulsang kita. Hindi rin iilan ang mga Pilipino mula sa malalayong probinsya na nadadagit ng mga recruiter para magtrabaho raw sa ibang bansa. Pero sa huli, ang mga kwento ng pang-aabuso ang namumutawi sa labi ng mga kaawa-awang mga biktima. Kaya naman hindi tumitigil ang Imbestigador sa pagsupil ng mga may pakana ng ganitong panloloko! UNTOUCHABLE SAUNA? Sa Binondo, Maynila, maraming patok na negosyo. At dito, may isang bukod-tanging dinarayo ng mga parokyano dahil sa kakaiba raw nilang promo. Ang mga masahista kasi sa Top Royal, may shower scene munang pambuena-mano sa mga bumibisita. At hindi kamay ng mga babae ang dumadampi sa katawan ng mga kustomer - kundi katawan nila mismo ang ipinangmamasahe! Kaya't ang mga otoridad kumilos na para wakasan ang ganitong kakaibang gimik sa Top Royal. Nang dumating ang mga operatiba sa lugar, may kapwa-pulis silang nadatnan na nasa isang pribadong kuwarto! Naku po, naloko na! Kaya pala kahit matagal na raw itong inirereklamo, untouchable sauna ito sa Maynila! Matapos na kaya ang maliligayang araw nila? SA 'CITY OF PINES' NAPARIWARA? Tila nakaakit ang malamig na klima ng Baguio City sa labinlimang taong gulang na dalagang si "Kyle". Dahil sa alok na trabaho sa KLEX Bar, hindi na ito muli pang nakita ng kanyang pamilya. Kaya't ang ina naman na si "Sally", hilong-talilong na sa paghahanap sa kanya. Kasama ang Imbestigador , natunton ng magulang at mga otoridad ang lugar kung saan siya umano nagtatrabaho. Kasama ng menor de edad na si "Kyle" ang mga babaeng nagsasayaw sa ibabaw ng entablado, nakiki-'table' sa mga parokyano, at mga GRO na nagbibigay aliw sa mga VIP room ng KLEX Bar. Mabawi pa kaya ng kanyang mahal sa buhay at ng mga operatiba ang may gatas pa sa labi na dalaga? BAHAY PRESO Nananatili sa isang bahay sa Bulacan , ang ilang Pilipinong galing sa Cotobato. Pinangakuan daw ang marami sa kanila ng trabaho sa ibang bansa. Pero ang siste, ilang buwan na silang nananatili sa lugar, tila wala pa rin katuparan ang mga bagay na ipinangako sa kanila. Ang ilan umalma na, at nagreklamo. Para na raw silang preso sa bahay na animo'y naging impyerno sa matagal nilang pananatili sa loob nito. Sa tulong ng Sumbungan ng Bayan, masagip kaya at mapauwi sa kani-kanilang mga probinsya ang mga kaawa-awang biktima? Mas maaksyon. Mas matapang. At mas pinagkakatiwalaang Sumbungan ng Bayan. Dahil ang mga abusado at manloloko, hinding-hindi tatantanan ni Mike Enriquez at ng Imbestigador ! Ang pagpapatuloy ng isang dekada ng pag-iimbestiga, ngayong Sabado ng gabi, pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho .