ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
PARA SA PISO : Imbestigador's 11th ANNIVERSARY SPECIAL
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
PARA SA PISO Sa ating bansa na lalong tumataas ang bilang ng mga nagugutom, gaano nga ba kahalaga ang piso ngayon? Sa ika-labing isang anibersaryo ng Imbestigador aalamin naming kung ano kaya ang kayang gawin ng isang Pilipino para lamang sa piso. Hindi maipagkakailang para sa ilan nating kababayan, ang bawat piso sa bulsa ay mahalaga. Lalo pa't ang bilang ng walang trabaho sa bansa labing isang milyon na, marami sa ating mga kababayan kapit tuko sa kakarampot na pag-asa. Pag-asang makakahanap pa rin sila ng trabaho para mabuhay ang pamilya. Nakilala ng Imbestigador si Lolo Arsi, ang 69 taong matanda na matiyaga sa paghahanap ng trabaho. 'Di alintana ang hirap at katandaan, araw-araw niyang nilalakad mula Rizal hanggang Ortigas at Makati makahanap lamang ng mapagkakakitaan. Pero ang siste, dahil na rin sa edad, umuuwing bigo ang matanda. Mangangamba na naman sa napipintong pagsala sa pagkain ng pamilya. HARD LABOR Para sa piso, ang ilan talaga namang kayod marino. Pero sa kasamaang palad, kahit gaano man ang pagsisikap nila, ang kita nila hindi sumasapat. Tulad na lamang ni Lola Cion ng Leyte na sa edad na walumpu, nagsasaka at nangangahoy pa. Ang kinikita niya walong piso lamang sa isang araw. Kulang na kulang sa pagkain niya at ng dalawang apo niya. Si Junel naman na sampung taong gulang, tumatayong padre de pamilya dahil binubuhay niya ang ina at apat na kapatid sa pamamagitan ng pangangalakal. Hindi na iniintindi ang peligro ng kalyeng kanyang ginagalawan. Ang importante makapag uwi siya ng singkwenta pesos para may pangkain ang mga kapatid niya. ODD JOBS Para sa piso, ang ilan nating kababayan kayang sikmurain ang lahat. Kahit pa anong sabihin ng iba sa uri ng kanilang trabaho. Isang ginang ang nakilala ng Imbestigador. Sikat na kilabot ng mga kuto. Ang kanyang hanapbuhay manguto ng mga bata at matanda sa barangay. Ang kanyang kinikita, limang piso isang ulo! Sa isang ospital sa Maynila, may kakaibang raket. May mga sipsip sipon kung tawagin. Sa halagang trenta pesos, sumisipsip ng uhog ng mga bata ang ilang nakilala namin. KAPIT SA PATALIM Para sa piso, ang iba kumakapit na sa patalim. Kapalit ng kaunting barya, dangal at kaligtasan ang isinasa-alangalang. Umaasa sila na ang gawaing iligal ang magsasalba sa kanila sa tag-gutom. Sa bayan ng Marinduque, nakilala namin ang ilang babae na nagbebenta ng sarili sa halagang bente pesos. Alamin kung paano sila nabubuhay sa gitna ng ganitong paghihirap. Nakilala rin namin ang mga batang walang takot sa pagnanakaw kumita lang ng kaunti. Ang mga batang tulay ng Tondo, nagnanakaw ng bakal at wire mula sa mga tulay sa Maynila. Ang mga batang bakaw naman ng Navotas, pagnanakaw ng isda ang ikinabubuhay. Mga gawaing pwedeng kapalit ng kanilang buhay at kaligtasan, pero di nila ito iniintindi. Dahil mas mahalaga sa kanila ang kikitaing pera para may pangkain sila sa araw-araw.
More Videos
Most Popular