ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Among namamalo sa 'Imbestigador'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
IMBESTIGADOR Airing date: May 19, 2012 AMONG NAMAMALO?
 
Ilang nakababahalang video ang nakarating sa tanggapan ng Imbestigador Sumbungan ng Bayan.  Sa mga kuha ng cellphone camera, kitang kita ang isang amo na hinahampas ng paddle o pamalo ang mga empleyado. Ang ilang trabahador, tila napapatalon sa sakit. Habang ang iba naman, tila nais tumakbo ngunit wala ring kawala. Nang makita ang mga video, nagsagawa ng inspeksyon ang mga kawani ng Commission on Human Rights at Department of Labor and Employment sa kompanyang itinuro ng isang dating empleyado na nagreklamo laban sa among nasa video. Dito, malalaman ang kuwento sa likod ng tila brutal na pakikitungo ng amo sa kaniyang mga trabahador.
 
MGA MENOR DE EDAD, NASAGIP!
 
Ilang dalagita ang nasagip mula sa isang bar at hotel sa Pampanga kung saan sila inilalako umano ng isang foreigner sa kalakaran ng laman. Ayon sa mga biktima, inengganyo raw sila ng isang babae at ibinyahe raw sila papuntang Pampanga para magtrabaho. Laking gulat daw nila na isa palang “mamasang” ang babaeng nag-recruit sa kanila, at sekswal na pangaabuso pala ang sasapitin nila. Tumakas ang mga menor de edad na biktima at ngayo’y nasa pangangalaga na ng mga social worker. Ngunit nasagip man ang mga bata, nag-aalala naman sila para sa kanilang mga kasamahan na naiwan pa sa lugar. Kaya naman mabilis na ikinasa ang isang rescue operation para masagip mula sa pang-aabuso ang mga kabataan.
 
TSEKENG TINGI-TINGI?
 
Isang impormante ang dumulog sa Imbestigador hinggil sa patagong bentahan ng tseke sa Kamaynilaan. Ibinibenta raw ng ilang “fixer” ang mga tseke sa halagang P300-500 bawat piraso, depende kung orihinal o peke ang mga ito! At kung nais raw ng mamimili na magpagawa ng pekeng booklet, mayroon daw imprentahang maaaring magsuplay nito. Isa na namang iligal na gawain ang ibibisto ng Imbestigador ngayong Sabado!
 
Karaniwang mga sindikato ‘di umano ang mga parokyano ng mga fixer. Ginagamit daw kasi ang mga tseke sa panloloko. At dahil mahigpit ang seguridad ng mga bangko, hindi naipapapalit sa pera ang mga tsekeng ito. Kaya sa huli, ang mga biktimang binayaran ng mga hocus-pocus na tsekeng ito ang agrabyado!
 
Kasama ang nag-iisang Sumbungan ng Bayan na si Mike Enriquez, ang mga manloloko at abusado, hindi tatantanan ng Imbestigador!
Tags: plug