ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Taong Putik': Ang kuwento sa likod ng Kawit hostage drama


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Tahimik at simple ang buhay ng barberong si William Villanueva, na kilalang si "Bayani" sa kanyang mga suki at kaibigan. Sa Malabon City nakatira si Bayani kasama ang 3 taong gulang niyang anak. Mag-isa niya itong itinataguyod nang mangibang-bansa para magtrabaho ang ina ng bata.
 
Pero tila masaklap yata ang naghihintay na kapalaran para kay Bayani. Kalaunan kasi ay nagkalabuan sila ng karelasyon at nauwi ito sa hiwalayan. Labis na dinamdam ni Bayani ang pangyayari. Ani Nelia Villanueva, kapatid ni Bayani, nanamlay sa trabaho at parating tulala ang kanilang bunso matapos hiwalayan ng kinakasama. Umabot pa raw sila sa puntong ipinasuri na sa espesyalista sa pag-iisip si Bayani dahil sa kanilang pag-aalala. Dahil dito, nagpasya silang iuwi ang bunsong kapatid at anak nito sa kanilang bahay sa Kawit, Cavite.
 
Doon pala magaganap ang isang bangungot na gigimbal at magdudulot sa kanila ng hinagpis.
 
Tumalon sa putik
 
Hapon ng Pebrero 6, araw ng Huwebes, ginulat si Nelia ng isang sumbong mula sa isa niyang anak. "Ma, si Tito, tumalon sa putik!" Tila wala raw sa sariling kinarga ni Bayani ang anak at saka ito tumalon sa putikan. Dali-dali itong umahon at iniwan ang bata. Agad namang sumaklolo sa anak si Nelia subalit labis na siyang nag-aalala para sa kapatid na tumalilis palayo. "Hinanap ko siya, nag-aalala ako para sa kapatid ko," ani Nelia.
 
Sa kalapit na barangay, umalingawngaw ang sigaw ng mga taong nabalot ng takot. Isang taong putik kasi ang namataan sa kanilang lugar: nanlilisik ang mata, nakakuyom ang mga kamao at tila isang mabangis na hayop—iyon na pala si Bayani.
 
Sinugod ng taong putik ang ipinapagawang bahay ni Marianne Ortiz at saka nito niyakap ang babae. Napasigaw ang ale kaya naman nasaklolohan siya agad ng isa mga trabahador nito. Pinukpok ng kahoy sa ulo ang taong putik, dahilan para makawala si Marianne sa pagkakayakap nito. Muling tumakbo palayo si Bayani na para bang isang mabangis na hayop na hindi mapakali.
 
"Hindi ko palalayain ito!"
 
Hanggang sa mapasok ni Bayani ang isang bahay kung saan nagpapalipas-oras ang isang ginang at ang kanyang tatlong anak. Mabilis ang mga pangyayari at bigla na lang hinablot ni Bayani ang 8 taong gulang na biktimang itatago natin sa pangalang "Gary". Sa salaysay ng kanyang ina, agad daw tinutukan ni Bayani ng patalim sa tagliliran ang walang-muwang na si Gary.




 
Doon unti-unting nabuo ang pangyayari: na-hostage na ni Bayani ang batang si Gary kaya naman rumesponde na ang lokal na pulisya ng Kawit, Cavite. Mabilis na kumalat ang balita kaya naman natunton na rin nina Nelia ang kinaroroonan ng kapatid. Tensiyonado ang buong lugar, natatakot sa maaaring kahinatnan ng mala-pelikulang dramang nagaganap noong gabing iyon.
 
"Kinausap ko kung anong gusto niya. Binigyan namin ng tubig, pagkain. Gusto raw ng media," pahayag ng kapitan ng Brgy. Samala sa Kawit. Tumagal ng limang oras ang negosasyon subalit nagmatigas si Bayani na hindi raw niya pakakawalan ang batang si Gary.
 
Limang putok
 
Dito na nagdesisyon ang mga operatiba ng Cavite SWAT para matapos na ang hostage drama. Kinuhanan ng larawan ang buong bahay at saka inalam kung saang sulok nakakubli ang suspek at ang kanyang biktima. Nang magawa ito ay pumuwesto na ang mga kawani ng pulisya para hintayin ang hudyat na tatapos sa tila mahabang gabi ng Huwebes.
 
Limang sunud-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw noong gabing iyon sa Brgy. Sumala. Lahat, tumama sa katawan ng suspek na si Bayani. Nang mapasok ng mga pulis ang bahay, ligtas nilang nakuha ang biktimang si Gary habang naliligo naman sa sarili nitong dugo ang 39 taong gulang na suspek. Humantong sa isang madugong wakas ang insidente.
 
Labis ngayon ang hinagpis ng pamilya ni Bayani. Anila, kung pinairal lang ng mga pulis ang maximum tolerance ay baka buhay pa sana ngayon ang kanilang kapatid. 
 
Giit naman ng mga pulis, may diperensiya sa pag-iisip ang armadong suspek kaya naman tiniyak lamang nila ang kaligtasan ng buhay ng biktima. Iniimbestigahan pa sa ngayon kung may nangyaring paglabag sa karapatang pantao ng suspek ang pulisya.
 
Samantala, lumipat na ng tirahan sina Gary at kanyang pamilya. Nais na kasi ni/lang kalimutan ang madugong pangyayari. Isang gabing kinuha siya ng taong putik.—Irvin Cortez/CM, GMA News

Ang kuwentong ito ay unang itinampok sa "Imbestigador". Ang mga larawang ginamit ay halaw sa pagsasadula. Napapanood ang "Imbestigador" tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7, 9:15 PM, pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho.

Narito ang ilan pang mga web narratives ng mga kuwentong itinampok sa programa:
Sa mga kamay ng manggagamot: Ang kuwento ng dukot-mata sa Pangasinan
Ang bisita nina nanay: Ang kuwento ng Palawan double murder case
Ang bracelet ni Pabo: The Guagua double murder case story
Uuwi na si Daisy: Isang 'Imbestigador' Exclusive
‘Self-Defense Instinct’: The Rafael Parricide story
Tags: webexclusive