ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ang bracelet ni Pabo: The Guagua double murder case story


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Ang kuwentong ito ay unang itinampok sa "Imbestigador". Ang mga larawang ginamit ay halaw sa pagsasadula. Napapanood ang "Imbestigador" tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7, 9:15 PM, pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho. I-like ang official Facebook page ng Imbestigador para sa updates.




Aminado si Geoffrey Dionisio, o "Gorio" sa kanyang pamilya at mga kaibigan, na minsan na siyang naligaw ng landas. Nalulong kasi ito noon sa masamang bisyo subalit natutunan na raw niya ang kanyang leksyon. Paglabas niya mula sa rehabilitation center ay desidido itong hindi na muling gumamit pa ng ipinagbabawal na gamot.




 
Suportado ng kanyang pamilya si Gorio. Ibinuhos nila sa kanya ang pagmamahal at pagkalinga para muling maituwid ang kanyang buhay. Sa katunayan, naging takbuhan din ni Gorio ang kanyang tiyahin na si Adelaida Santos, 67 taong gulang. Retiradong guro si Adelaida kaya naman likas itong malambing. Sa katunayan, ang tawag niya kay Gorio ay "Pabo" – siya raw kasi ang paborito nitong pamangkin.
 
Dahil walang trabaho si Pabo, ilang beses din niyang nahihingan ng pera ang kanyang Tiya Adelaida. Hindi naman mapapahiya si Pabo basta’t may mahuhugot ang ginang. Kahit pa kasi retirado, nakatatanggap naman ng suporta si Adelaida mula sa kanyang mga anak na mag-isa niyang itinaguyod mula nang mabiyuda.
 
May kanya-kanya nang trabaho ngayon ang mga anak ni Adelaida, pero madalas pa rin nilang bisitahin ang ina. Sa kanya dumidiretso ang panganay na si Ivy sa tuwing bababa ng barko at uuwi ng Pilipinas. Ngiti raw kasi lagi ang isinasalubong ng butihing ginang sa kahit sinong masalubong nito.

 
Pinagsasaksak at sinunog
 
Kaya naman hindi maipaliwanag ng mga taga-Sitio Kapilya ng Barangay Pulung Masle sa Guagua, Pampanga ang kanilang pagkagimbal nang pumutok ang karumal-dumal na balita: ang mag-inang Adelaida at Ivy Santos, natagpuang patay sa sarili nilang pamamahay. Ang bangkay ni Adelaida, tinangka pang silaban.
 
Agad rumesponde ang lokal na pulisya ng Guagua nang matanggap ang ulat tungkol sa pamamaslang. Walang sinuman sa kanilang tahimik na lugar ang mag-aakalang magiging laman sila ng balita. Nais nilang maigawad sa mag-ina ang hustisya sa lalong madaling panahon.
 
Ang inisyal na resulta ng imbestigasyon ang lalong gumulat sa lahat. Ang itinuturong suspek: ang paboritong pamangkin.
 
Ayon sa mga pulis, walang senyales na puwersahang pinasok ang bahay. Ibig sabihin, kilala ng mga biktima ang suspek. Magulo rin daw sa silid ni Adelaida na tila ba may hinalughog sa lugar. Maaaring nagtalo ang suspek at si Adelaida kaya ito nauwi sa pamamaslang. Sa tabi naman ng katawan ni Ivy ay nakita ang isang puting t-shirt ng isang lalaki. Sinasabing si Pabo ang may-ari ng damit.


 
Ang t-shirt at bracelet
 
Agad inimbitahan si Pabo sa presinto para tanungin kung may kinalaman siya sa kaso. Pinabulaanan nito ang paratang at sinabing nasa ibang lugar siya nang maganap ang mga pamamaslang. 
 
Ilang residente ang nagpatotoo sa salaysay ni Pabo, subalit walang sinuman ang nakakumpirma sa kinaroroonan ng suspek sa pagitan ng alas dos at alas tres nang hapon noong Pebrero 19. May mga nakita ring kalmot sa katawan ni Pabo subalit pilit niyang itinatanggi ang krimen. Hindi rin daw sa kanya ang t-shirt na nakita sa bahay ng mga Santos.
 
Hindi kumbinsido ang mga pulis sa mga pahayag ni Pabo, kaya siya pa rin ang itinuturing na pangunahing suspek sa kaso. Sa paggulong ng imbestigasyon, bumulaga ang isang mahalagang ebidensiyang magdidiin sa suspek.
 
Isang araw matapos ang krimen, nilinis ng mga kapitbahay ang tahanan ng mga Santos. Sa lugar kung saan nakita ang bangkay ni Adelaida, may nakitang isang bracelet. Agad itong ibinigay sa mga pulis at ipinakita sa mga kaanak ng mga biktima. Positibong binanggit ni Mark Santos, anak ni Adelaida, na kay Pabo ang bracelet.
 
Testimonya ng ama
 
Lumutang din ang isang testigo sa kaso na malapit kay Pabo. Lalu nitong pinalakas ang habla laban sa suspek. Sa gitna kasi ng labis na hinagpis ng pamilyang iniwan ng mga biktima, hindi malaman ng ama ni Pabo kung saan siya papanig. Kapatid siya ng biktima, at anak naman niya ang itinuturong salarin. Doble ang pasakit ng trahedya sa kanya kaya naman minabuti na ni Gregorio Dionisio na pumili ng isang panig. 
 
"Sa side na lang ako ng truth kasi mahirap eh," anito sa isang panayam. Tumestigo ang ama laban sa kanyang anak. Tiniyak ni Gregorio na kay Pabo nga ang t-shirt at bracelet na natagpuan sa crime scene.
 
Sa ngayon ay nahaharap sa kasong double murder si Pabo. Todo pa rin ang pagtanggi niya sa krimen at sinabing hindi raw niya ito magagawa sa tiyahing siya pa ang paboritong pamangkin.
 
Ang mga labi naman ng mag-ina ay nailibing na. Sa hinagpis na nararamdaman ng naiwang pamilya, sasandigan sana nila sa kanilang pagdadalamhati ang mga kaanak. Subalit dagdag pasakit sa kanila ang malamang mismong kadugo pala ang nagdulot sa kanila ng labis na hinagpis.—Irvin Cortez/CM, GMA News

Narito ang ilan pang mga web narratives ng mga kuwentong itinampok sa programa:
Regalong sinturon: Ang kuwento sa likod ng Kayang Massacre
Bantay-salakay: Ang pagkakatiklo ng most wanted ng Bobon
Marahas na kaarawan: Ang kuwento ng lalaking nag-amok sa Caloocan
Kawayan: Ang misteryo sa likod ng pagkamatay ni Jayvee Vitug
Ganti ng dating kasintahan: Ang kaso ng lalaking sinabuyan ng asido
Sa mga kamay ng manggagamot: Ang kuwento ng dukot-mata sa Pangasinan
Ang bisita nina nanay: Ang kuwento ng Palawan double murder case
'Taong Putik': Ang kuwento sa likod ng Kawit hostage drama
Uuwi na si Daisy: Isang 'Imbestigador' Exclusive
‘Self-Defense Instinct’: The Rafael Parricide story
Tags: webexclusive