ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ang bisita nina nanay: Ang kuwento ng Palawan double murder case


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.


Kinalulugdan sa tahimik na bayan ng Roxas, Palawan ang mag-asawang Rustico Gonzales at Lourdes Dagot. Bukod kasi sa pagiging malambing na magulang at mapag-arugang lolo at lola, bukas palad ding tinatanggap ng mag-asawa ang sinumang lumapit sa kanila. Ang kanilang likas na kabaitan at pagiging matulungin sa kapwa ang ilan sa mga dahilan kaya napamahal sa kanilang mga kapitbahay ang mag-asawa.

Makapagpapatunay sa kabaitang ito ng mag-asawa si Jose Palomar na kilala rin bilang si "Titing". Nang lumuwas kasi patungong Quezon ang kanyang mga magulang, nakitira si Titing sa mag-asawa. Ayon pa kay Marivic, anak ng mag-asawa, nang minsang magkasakit si Titing ay si Lourdes pa ang nag-asikaso sa kanya. "Inalagaan niya si Titing nung may sakit; binibilhan ng gamot, doon siya nakitira. Umuwi kasi sa Quezon ang magulang niya. Binigyan pa siya ng pamasahe para umuwi na rin sa Quezon nung gumaling," salaysay ni Marivic.

Ilang taon ang lumipas nang magbalik sa Roxas si Titing, kasama ang kaibigan na si Roy Belnas. Gaya ng dati, malugod silang tinanggap ng mag-asawa sa kanilang tahanan: kinupkop, pinakain at binigyan pa ng trabaho. Hanggang sa isang araw, naglahong bigla ang mga bisita sa bahay ng mag-asawang Rustico at Lourdes. Sa 'di kalayuan, tumambad ang karumal-dumal na katotohanan: walang-awang pinaslang ang mag-asawang kilala sa kanilang kabaitan.

Pupunta sa malayo

Ayon kay Marivic at sa anak niyang si Marichu, tila nagkaroon pa sila ng premonisyon galing kay Lourdes tungkol sa trahedyang naganap. "Naghatid pa po siya ng galunggong. Tapos narinig ko sa usapan nila ni nanay, aalis muna daw siya. Pupunta daw siya sa malayo,' yung tahimik, kasi napapagod daw siya,' kuwento ni Marichu. Hindi na niya kinulit pa ang lola kung ano ang ibig niyang sabihin.



Kinabukasan, isang kapitbahay ang nagsabi kay Marivic na puntahan ang mga magulang dahil magulo raw ang kanilang bahay. Hindi rin kasi napastol ang mga alagang baka ni Rustico, bagay na nagparagdag sa kanilang kaba.

Nang makarating sa kubo ng mga magulang, tanging bakas ng kaguluhan lamang ang dinatnan ni Marivic sa loob. "Magulo yung aparador, halatang may hinalungkat; punit-punit yung mga sako ng atsuete at bigas. Hinanap namin pero hindi namin sila nakita hanggang nagpatawag na ng tao sa barangay."

Ilang metro ang layo sa kubo ng mag-asawa, nakita ni Marivic ang mga magulang: parehong duguan at wala nang buhay.

Pinahirapan bago pinaslang

Sa pagsusuring isinagawa sa mga labi, lumalabas na tila pinahirapan muna si Lourdes bago pinaslang. Bukod sa mabababaw na saksak sa dibdib, pinagbubunot din ang mga ngipin ng biktima. Hinala ni Marivic, pinaamin muna ang ina kung saan itinatago ang kanilang salapi kaya mababakas sa mga sugat nito ang mga pasakit na dinanas niya.



Ang bangkay naman ni Rustico, halos mapugutan na dahil may gilit ito sa leeg. Basag din ang bahagi ng bungo nito dahil sa tinamong pukpok sa ulo. "Ga-sigarilyo na lang ang natira sa kanyang leeg. Pagbuhat sa bangkay, humiwalay na 'yung ulo sa katawan," kuwento ni Marivic.

Agad inimbestigahan ng pulisya ang krimen. Naglabasan ang mga testigo para sa agarang ikalulutas ng kaso. Iisa ang kanilang itinuturong salarin: sina Titing at Roy, ang mga bisita ng mga biktima.

Sa salaysay ng testigong si Alejandro Valones, nakita raw niyang magkasunod na naglalakad sina Titing at Rustico nang walang anu-ano'y pinalo ni Titing sa ulo si Rustico gamit ang isang metrong kahoy. Agad bumagsak sa lupa ang matanda. Pagkatapos ay kinaladkad ni Titing ang katawan papunta sa masukal na bahagi ng bukid.

Isa pang saksi ang naging basehan ng mga kaanak para paniwalaang si Titing din ang pumatay kay Lourdes. Lumutang na rin ang pangalan ni Roy sa imbestigasyon. "Hindi lang isa gumawa nito, pinatay nila ang mga magulang ko," dagdag ni Marivic.

Dahil nagtatago sa batas, inilabas na ng hukuman ang mandamiyento de aresto para sa dalawa. Ang masaklap, natengga ang kaso dahil mailap ang mga suspek. Labingdalawang taon na ang nakalilipas at malaya pa ring namumuhay ang mga suspek na sina Titing at Roy.

Positibong kinilala

Hanggang sa kamakailan ay nakatanggap ng lead ang mga pulisya na nagtatago raw sa karatig-bayan si Titing. Agad ikinasa ng CIDG sa Palawan ang operasyon para dakpin sa bayan ng Sofronio Espanola si Titing. Sa isang sulok ng malawak na taniman ng palma ay natunton ang kubo ng suspek. Mahinahon siyang nilapitan ng mga pulis para ipaliwanag ang kanilang pakay.

Subalit matinding pinabulaanan ng nadakip na lalaki ang bintang. Aniya, siya raw si Daniel Palomar at kapatid niya si Titing. Hindi raw siya ang may gawa ng krimeng ibinibintang sa kanya.

Positibo naman siyang kinilala ni Marivic. Hindi raw siya maaaring magkamali. Ang mga pulis naman, kumbinsidong maaaring nagpalit lang ng pangalan ang suspek lalo pa't matagal na itong nagtatago sa batas. Ilang mga testigo rin ang positibong tumukoy sa pagkakakilanlan ng suspek. Tuluyan ng inaresto si Titing, labingdalawang taon makalipas ang malagim na gabing kumitil sa buhay ng mag-asawang Lourdes at Rustico.



Eksplosibong rebelasyon

Sa interogasyon, may eksplosibong rebelasyon pang pinakawalan ang suspek. Aniya, siya raw ang nadidiin sa kaso dahil siya lamang ang kilala ng mga testigo. Sa kanyang kuwento, ang itinuturong suspek ni Titing, ang isa pang testigo na si Anesito. "Minsan narinig ko kasi si Sito (Anesito) at Dodong, nag-uusap. Mapera daw yung mag-asawa. Ayokong madamay kung anong plano nila kaya umalis na ako agad. Nagpaalam pa ako sa mag-asawa," salaysay niya.

Itinanggi naman ni Anesito ang paratang sa kanya.

Samantala, hindi pa itinuturing ng mga pulis na sarado na ang kaso. Hindi pa kasi  nahuhuli ang isa pang suspek na si Roy at iniimbestigahan pa nila ang anggulong maaaring may utak sa krimen.

Kahit unang hakbang pa lang ito para makamit ang katarungan, positibo't lubos na umaasa si Marivic na makakamit din nila ang hustisya sa pagkamatay ng mga magulang. Mabagal man ang naging pag-usad sa kaso ay magandang panimula raw ito sa katarungang kanilang inaaasam.—Irvin Cortez/CM, GMA News

Kung kayo ay may impormasyon na makakatulong sa pulisya para mahuli ang suspek na si Roy Belnas o bagong detalyeng mag-uugnay sa utak ng krimen, maaari kayong makipag-ugnayan sa tanggapan ng Imbestigador, Sumbungan ng Bayan sa numero ng telepono bilang (2) 333-7161, mula Lunes hanggang Biyernes, ika-9 ng umaga hanggang ika-5 ng hapon. Makaaasa kayong mananatiling “confidential” ang inyong pagkakakilanlan.

Ang kuwentong ito ay unang itinampok sa "Imbestigador". Ang mga larawang ginamit ay halaw sa pagsasadula. Napapanood ang "Imbestigador" tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7, 9:15 PM, pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho.

Narito ang ilan pang mga web narratives ng mga kuwentong itinampok sa programa:
Sa mga kamay ng manggagamot: Ang kuwento ng dukot-mata sa Pangasinan
Ang bracelet ni Pabo: The Guagua double murder case story
'Taong Putik': Ang kuwento sa likod ng Kawit hostage drama
Uuwi na si Daisy: Isang 'Imbestigador' Exclusive
‘Self-Defense Instinct’: The Rafael Parricide story