Unico hijo: Ang kaso ng pagpaslang kay Gab Dominos

Mula sa simula, tanging magandang buhay lang ang pinangarap ni Paul para sa pamilya, subalit tila hindi yata talaga ito ang nakatakda para sa kanya.
Matapos isilang ng kanyang asawa ang kanilang kaisa-isang anak na si Gab, bigla na lang itong umalis ng walang paalam. Dahil dito, napilitang tumayo bilang ama at ina sa kanilang anak si Paul.
Gayunman, hindi ito naging hadlang para maiparanas sa unico hijo ang komportableng buhay. Hindi man sila mayaman, nagsumikap si Paul na mapunan ang anumang puwang sa buhay ng lumalaking si Gab. "Malambing po at inalagaan ko talaga ng husto dahil iisa nga lang po yun eh. Hinahatid ko po sa school kahit binata na," pahayag ng ama.
Dahil abala rin si Paul sa pagtitinda sa palengke, kumuha siya ng kasambahay na lalaki para mabantayan ang anak at maasikaso rin ang kanilang tahanan. Madaling araw pa lamang kasi ay kumakayod na si Paul kaya naman kung minsa'y wala na rin siyang oras para sa gawaing bahay.
Dahil kilalang palakaibigan sa kanilang lugar sa Dasmariñas, Cavite, hindi rin naman nahirapang makisama sa mga kapitbahay ang mag-ama. Sa katunayan, minsang nang naging kasambahay nina Paul si Saddam, kapatid ng kapitbahay nilang si Roger. Kilala rin sa tawag na "Sandara" si Saddam dahil na rin sa personalidad nito na malambot.
Kasambahay na si Saddam
Noong una, wala naman daw problema kay Saddam si Roger at nakatutulong pa ito sa negosyo at sa bahay. "Masipag siya. Mabilis din siyang kumilos kaya gustung-gusto ko siyang kasama sa bahay," kuwento pa ni Paul. Habang nasa palengke kasi ang amo, si Saddam ang nagluluto ng pagkain nila sa bahay. Siya rin ang taga-laba at taga-linis doon.
Pero hindi naglaon, unti-unti raw naging pasaway si Saddam. Sa tuwing magpapaalam daw kasi ito para magbakasyon, namamasukan ito sa iba at natatagalan bago ito bumabalik sa kanila.
Tinatanggap pa rin naman siya ni Paul sa tuwing siya'y nagbabalik. Katuwiran ni Paul, kilala na rin naman kasi niya ito kahit papaano kaya tiwala na siya rito.
Umabot din ng pitong taon ang pagiging kasambahay ni Saddam kina Paul. Sa kabila ng pakiusap ni Saddam na huwag muna siyang tanggalin sa trabaho, napatid na rin ang pisi ni Paul matapos malaman ang ilang kalokohan ni Saddam.
"Minsan, pagkagaling ko sa palengke, bilang na bilang ko yung pera ko na may natitira pa akong tag-P1,000. Minsan, P500 na lang ang natitira eh tapos pinipilit na wala raw syang nakuha," saad ni Paul.
Isang sumbong din mula sa binatilyong anak niyang si Gab ang nakaabot kay Paul, at hindi na talaga ito napalampas ng ama. Sa pinaglalaruang computer shop kasi ni Gab ay may naisumbong ito sa bantay. Binobosohan daw siya ng kasambahay nilang si Saddam sa tuwing siya'y naliligo. Nakarating ang sumbong na ito kay Paul kaya minabuti na niyang paalisin na lamang ang kasambahay.
Akala ni Paul, doon na magtatapos ang problema niya kay Saddam. Isang nakagigimbal na pangyayari pala ang nakatakda pang maganap.

Ang gabi ng krimen
Ika-8 ng Agosto ng kasalukuyang taon, nagkayayaang mag-inuman ang mga magkakapitbahay sa lugar nina Paul. Kaarawan kasi ng asawa ni Roger, kapatid ni Saddam. Nagkaroon man ng hindi pagkakaunawaan noong una, inimbita pa rin si Saddam sa maliit na salu-salo. Nagpasabi pa nga itong doon kina Roger matutulog kaya ipinaghanda rin daw ito ng banig.
Sa kalagitnaan ng inuman, napansin ng mga kainuman na tinamaan na ng espiritu ng alak si Saddam. Iba na raw ang kilos ni Saddam at minamasahe pa ang isang kainuman. Sa bawat hagod daw ng mga kamay ng dating kasambahay, medyo bumababa ito sa maselang bahagi ng lalaking kainuman. "Nanghihipo na siya," kuwento ni Ian, isa sa mga kasama nilang nag-iinuman. "Hinahayaan lang siya, pero sinasabihan namin, 'Umayos ka ha. Umayos ka.’"
Dahil nasasaway, nagpasya na lang daw si Saddam na umalis. Nagpaalam na lang itong uuwi na dahil lasing na rin daw ito at medyo wala na sa sarili.
Dakong ala-una naman ng umaga, bumangon na si Paul para pumunta sa bagsakan ng gulay. Iniwanan niyang natutulog ang nag-iisang anak na si Gab sa kanyang silid.
Pagbalik ni Paul sa kanilang bahay matapos ang isang oras, ang malamig na bangkay na lamang ni Gab ang kanyang dinatnan.
"Nakabulagta yung anak ko, duguan; labas ang bituka at andaming saksak," salaysay ni Paul. Wala ring saplot ang binatilyo nang makita ang kanyang bangkay.
Sa paunang imbestigasyon ng mga pulis, lumalabas na isang tao ang pumasok sa bahay nina Paul dakong-alas dos ng madaling araw. Maaaring sa mismong kusina nila kinuha ang kutsilyong ginamit sa krimen.
Dahil magulo rin ang loob ng bahay nang datnan ito ni Paul, lumalabas na pinagnakawan din siya ng suspek. Kinumpirma naman ni Paul na nawawala ang aabot sa P20,000 na kanyang sinisinop sa loob ng bahay.
Halos pagtakluban ng langit at lupa si Paul dahil sa nangyari. Hindi niya lubos maisip na sa isang iglap, ang pinakamamahal niyang unico hijo ay babawiin na lamang sa kanya ng basta-basta. Nangako naman sa kanya ang pulisya na gagawin ang lahat ng kanilang makakaya para sa agarang ikalulutas ng kaso.
Mabilis din namang lumutang ang mga testigo.
Damit, tsinelas at tricycle
Isa sa tumestigo ang kanilang kapitbahay na si Elenita, at nagsabing may nakita umano niyang pumasok si Saddam sa bahay nina Paul ilang oras bago matagpuang patay ang binatilyong si Gab. Tandang-tanda rin daw niya ang kulay ng pang-itaas na saplot ni Saddam: violet.
Isang duguang T-shirt na kapareho ang kulay ang natagpuan sa crime scene. Pinaniniwalaang pag-aari ito ng suspek.
Nagbigay din ng sinumpaang salaysay ang tricycle driver na si Tony. Madaling araw din daw noong mangyari ang krimen nang naging pasahero niya ang isang lalaking tumutugma ang deskripsyon kay Saddam. "Ang boses po, baklang-bakla po sir eh. Tapos, ang height niya mga 5’3” o 5’4”. Medyo may kapayatan din naman po siya na parang medyo may pagkakulot yung buhok niya," pahayag ni Tony. Tila nagmamadali raw ito at nanginginig pa. Basang-basa ang katawan at wala ring suot na tsinelas.
Nagpababa ang lalaki sa kalapit na barangay para daw makabili ng tsinelas. Binayaran naman daw siya ng pasahero kaya umalis na rin si Tony at inakalang wala lang sa sarili ang napasahero.
Dahil sa tugma-tugmang salaysay ng mga saksi, itinuring ng pangunahing suspek ng mga pulis si Saddam. Isinama rin bilang ebidensya ang duguang pang-itaas na nakita sa crime scene, at ilan pang mahahalagang ebidensya gaya ng panaksak na nakita sa likod-bahay. Creek ang nasa likod ng bahay nina Paul kaya pinaniniwalaang dito rin dumaan si Saddam kaya basang-basa ito nang makita ng driver na si Tony.
Kasong murder ang isinampa laban kay Saddam at dahil wala ring saplot ang biktima nang matagpuan, hinihintay din ng mga pulis ang resulta ng ilang mga pagsusuri para malaman kung ginahasa rin ito.
Patuloy pa ring pinaghahanap ng mga pulis ang suspek na si Saddam at nangako sila kay Paul na hindi titigil hangga't hindi ito nahuhuli. "Patuloy po ang pagkalap ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng suspek.
Kung mayroon kayong nalalaman sa kinaroroonan ni Juan Gonzales alyas Saddam, Sandara, Sandra at Jazz, makipag-ugnayan po kayo sa opisina ng Dasmariñas City PNP," apela rin ng hepe ng pulisya.
Sa ngayon, inihatid na sa huling hantungan si Gab subalit patuloy pa rin siyang ipinagluluksa ng ama. Magdiriwang na sana ng ika-14 na kaarawan si Gab pagsapit ng Setyembre 27, at may isang bagay daw siyang hinihiling sa ama noong nabubuhay pa ito. "Nangungulit po, ang sabi niya sa akin, yun ang pa-birthday ko sa kanya," ani Paul.
Sa pag-usad ng kaso, iba na ang gustong i-regalo ni Paul sa pumanaw na anak. Gusto niyang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng unico hijo niya.—Irvin Cortez/LG, GMA News
Para sa iba pang web narratives ng mga kasong itinampok sa programa, bisitahin ang archive ng Imbestigador at mag-click dito.