ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Maling akala: Ang babaeng nagmistulang preso sa kamay ng dating nobyo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Dinukot, iginapos, ikinulong at paulit-ulit na ginahasa.
 
Sa loob ng halos apat na buwan, nagmistulang bilanggo ang beinte-tres anyos na dalagang itatago natin sa pangalang “Diane” sa kamay ng kaniyang dating nobyo. Sumbong ng dalaga, binihag daw siya ng trenta’y-dos anyos na si Julius Cristobal sa condominium unit nito sa Cainta, Rizal.
 
Ang mas masaklap pa, si Julius umano ang may hawak ng kaniyang cellphone noong mga panahong iyon. Nagkaroon man siya ng pagkakataong makuha ito, hindi naman niya masabi sa pamilya ang kaniyang kinaroroonan sa takot na sila ay madamay. Sa halip ay nagpadala na lamang si Diane sa kaniyang kapatid ng mga larawan ng kaniyang tunay na kalagayan.
 
“Paulit-ulit kong sinasabi sa kanya gusto kong umuwi o kahit man lang makita o makamusta ko yung pamilya ko kung okay sila or hindi,” aniya.
 
Noong ika-dalawampu’t walo ng Abril, pagkagaling nila ni Julius sa isang gimikan, nagkaroon ng pagkakataong makatakas si Diane. Kumaripas siya ng takbo palabas ng condo at nagkataon namang may guwardiyang rumoronda sa oras na iyon.
 
Subalit agad din siyang naabutan ni Julius at pinagmukha pa raw siyang magnanakaw sa harapan ng guwardiyang hiningan niya ng tulong. “Nakatakbo ako tapos pinaluhod niya ako sa guard.  Ang sabi niya ‘wag akong palabasin kasi nga daw nagnakaw daw ako,” ani Diane.
 
Natawag din ang pansin ng mga opisyal ng baranggay dahil sa kaguluhan, kaya’t agad dinala sa himpilan ng Cainta Police sina Diane at Julius. Dito rin muling nagkita si Diane at ang kaniyang ina na si Mila matapos ang apat na buwang pagkakahiwalay.
 
Nagbabalat-kayong karamay
 
Ayon mismo sa kaniyang ina, madiskarteng tao raw si Diane. Kaya naman nang mahinto ito sa pag-aaral, nagtrabaho bilang part-time model sa mga car shows. Dito niya nakilala si Julius Cristobal.
 
Madaling nakapalagayan ng loob ni Diane si Julius. Noong mga panahong iyon kasi, mayroong mga tampo at hidwaan sa pagitan ni Diane at ng kaniyang kapatid, at si Julius ang siyang napagsasabihan niya ng mga sama ng loob sa Facebook.
 
“’Yung panahon na ‘yun parang nagrerebelde pa ako, so parang siyempre unang pagkakilala ko sa kaniya mabait, na parang nakahanap ako ng sandalan ko,” ani Diane.
 
Noong ikalawang Linggo ng Enero, nakipagsundo si Diane na makipagkita kay Julius habang nasa gimikan kasama ang mga kaibigan. Nang napaparami na ang kanilang naiinom, inalok daw ni Julius na ihatid pauwi si Diane, ngunit nagtaka ang dalaga kung bakit ang layo na ng kanilang binyahe.
 
‘Yun pala ay dadalhin ni Julius si Diane sa kaniyang condo unit sa Cainta. Hindi naman tumanggi ang dalaga at pumayag pang manirahan doon nang pansamantala dahil sa tampo sa pamilya.
 
Sa mga unang araw ng kaniyang pananatili kay Julius, naging maayos naman daw ang pakikitungo nito sa kaniya. “Binibilhan n’ya ako ng gamit, mga undies ko, kung ano ‘yung personal needs ko everyday,” dagdag pa ni Diane. “Nagkaroon naman ako agad ng tiwala sa kaniya na magiging okay ako dun sa bahay.”
 
Pero matapos ang isangg linggo, nang magpapaalam na raw si Diane na bumalik sa kaniyang pamilya, ayaw daw siyang payagan ni Julius at ayaw ring ibalik ang kaniyang cellphone.
 
Kaya naman isang gabi, nagtangkang umuwi si Diane sa kanila. “Sumasakay ako ng taxi dahil gusto ko na ngang umuwi, tapos ‘yung taxi driver binabantaan niya na ‘pag tumakbo papatayin nya yung taxi driver, so nakiusap sa’kin na bumaba na,” salaysay ni Diane.
 
Hindi nagtagumpay ang dalaga at hindi rin niya lubos akalain na ang pagbabalik nila sa condo ay magiging simula na ng kaniyang kalbaryo. Ang inakala niyang kakampi, siya palang sa kaniya ay mang-aapi. Ang itinuring niyang karamay, magdudulot pala ng maraming aray.
 
Patuloy ang bangungot
Hindi makapaniwala si Mila sa sinapit ng anak. Kaya naman sa muling pagkikita ni Diane at ng ina, nagpasya ang dalawa na magsampa ng kaso laban kay Julius.
 
Ngunit kung inakala ni Diane na dito na magtatapos ang kaniyang pagdurusa, ‘di pa katagalan ay isang bangungot na naman ang bumungad sa kaniya—nakapagpiyansa at nakalaya si Julius pagkatapos ng dalawang araw.
 
Agad na nanumbalik ang takot sa dibdib ni Diane. Malakas daw ang kaniyang kutob na hindi titigil si Julius hanggang hindi ito nakapaghihiganti. Kaya naman isang gabi ay nagpasya siyang takasan ang ina para harapin si Julius sa harap ng kanilang bahay.
 
“Pinaglakad niya ako nang malayo tapos isinakay niya ako sa kotse. Nandun siya sa likod ko, sabi niya dito ka sumakay ka sa puting kotse,” ani Diane. At sa isang iglap nga ay muli na namang naging preso sa condo si Diane, mula Mayo hanggang Hunyo.
 
Ngunit tila naging mabait ang suwerte sa talaga—isang araw ay nagkaroon na naman ito ng pagkakataong tumakas nang makalimutang i-lock ni Julius ang pinto dahil nagmamadaling pumunta sa gym. Kumaripas ng takbo palabas ng gusali si Diane at agad na pumara ng taxi. 
Naging matagumpay siya sa pagkakataong ito at ligtas na nakauwi sa piling ng ina.
 
Dahil sa labis na pag-alala sa mga sinapit ng anak, nagpasya si Mila na ilipat na muna ng tirahan si Diane para mailayo sa panganib. Nakapag-aral muli si Diane at nagbenta ng mga produkto sa Internet para makatulong sa ina.
 
Labis ang pagkatuwa ni Diane nang malamang may kostumer na pakyawan ang order ng binebenta niyang produkto. Napagkasunduan nilang magkita sa Daang-Hari sa Bacoor, Cavite. Ngunit ang inakala ni Diane na hulog ng langit, isa palang bangungot na nagbabalik.
Ang bago niyang parokyano, kumpirmadong nagbabalat-kayo na dating nobyo—walang iba kundi si Julius.
 
“Nag-aaway na kami sa sa loob ng sasakyan tapos kumbaga galit na galit na s’ya sa akin kasi nagwawala na ako,” ani Diane. “Parang nanlilisik na ‘yung mga mata n’ya, parang papatay na talaga siya.”
 
At sa ikatlong beses, muli na namang nagmistulang preso si Diane sa poder ni Julius. Sa pagkakataong ito, sinigurado ng lalaki na hindi na siya matatakasan ng dalaga. Iginapos umano ni Julius ang mga kamay at paa ni Diane na parang hayop at itinali pa raw ito sa kama. Ang masahol pa, kinakalagan lang daw ang dalaga tuwing balak siyang pagsamantalahan.
 
“Tuwing iiyak ako nang malakas, sasabunutan n’ya ako tapos isusubo niya sa akin yung baril,” dagdag pa ni Diane. Hindi rin daw siya makakibo tuwing tinatawag ni Julius ang ina niyang si Mila dahil natatakot daw siyang kalabitin nito ang baril.
 
Pero kung tila ayaw tantanan ng kalbaryo si Diane ay patuloy din ang pagdating ng pagkakataon. Niyaya siya ni Julius na samahan siyang magpa-tatto sa isang mall sa Taytay, at dito muling nagkaroon ng pag-asang makatakas si Diane. Bantay-sarado raw si Julius sa dalaga dahil ilang beses na siyang natakasan nito.
 
Ngunit lingid sa kaalaman ni Julius, pinakialaman pala ni Diane ang kaniyang iPad para humingi ng tulong sa Facebook. Sa kasamaang palad, agad itong nabisto ni Julius nang may tumawag sa kaniyang kaibigan tungkol sa “status” na naka-post sa Internet.
 
Kumaripas ng takbo si Diane papunta sa mga guwardiya ng mall matapos mabisto, ngunit nahabol din agad siya ni Julius. Nagawa pa raw ng lalaking hilahin si Diane pabalik sa tattoo parlor at sakalin ito hanggang sa mawalan ng malay. Sa kabutihang palad ay agad namang sumaklolo ang mga guwardiya na napansing may kaduda-dudang nangyayari sa dalawa.
 
Nakatanggap din si Julius ng tawag mula sa ina ni Diane na si Mila, at pinalabas pa umano nito na nagkaroon ng nervous breakdown ang anak sa gitna ng mall. Paliwanag pa niya, ayaw umanong ipaubaya sa kaniya ng mga guwardiya si Diane.
 
Ngunit nang si Mila na mismo ang nakipag-usap sa mga guwardiya sa telepono, hindi na ito nag-dalawang isip na magsumbong. “Binigay niya ‘yung cellphone siguro, kinausap ko ‘yung guwardiya na huwag siyang ibibigay, kinidnap ‘yan,” ani Mila.
 
Dahil dito ay sinamahan ng mga tauhan ng mall si Diane sa pinakamalapit na himpilan ng pulis upang i-report ang insidente. Dito na rin muling nagkita ang mag-ina.
 
Paglaya ng katotohanan
Base sa resulta ng medico-legal na isinagawa kay Diane, mayroong mga naghilom na sugat sa maselang bahagi ng kaniyang katawan. Patunay ito umano na posibleng totoo ang salaysay ni Diane na makailang beses siyang pinagsamantalahan ng dating nobyo sa magkakasunod na araw.
 
Dahil din sa mga salaysay ni Diane tungkol sa pagbabanta umano ni Julius sa kaniya gamit ang baril, nagkasa agad ang National Bureau of Investigation ng isang operasyon upang kumpiskahin ang mga armas ng lalaki na hindi rehistrado.
 
Hinalughog ng operatiba ang condo unit ni Julius at mayroon ngang mga nasabat na ebidensiya. Dinala si Julius sa himpilan ng NBI, at doon ay mariin niyang pinasinungalingan ang mga akusasyon ni Diane. Sa katunayan nga ay mayroon pa siyang sariling bersyon ng kuwento.
 
Ayon kay Julius, imposible raw mangyari ang bintang ni Diane na ikinukulong siya nito dahil gabi-gabi raw silang lumalabas para gumimik ng dalaga. “Ang sarap ng buhay n’ya, actually. Noong time na ‘yun may pera pa kami pang-negosyo sa amin, pabili siya nang pabili, pabiling bag, pabiling sapatos, pabiling alahas,” aniya.
 
Dahil sa mga nakumpiskang baril ay mas lalong lumakas ang kaso laban kay Julius. Sinampahan din siya ng kasong abduction at apat na counts ng rape.
 
Ngayong tuluyan nang malaya si Diane mula sa umano’y pang-aabuso ng dating nobyo, mapapanatag lang daw ang kaniyang loob kapag nakita niyang baligtad na ang sitwasyon at Julius na ang nagdurusa sa totoong mga rehas. —Yuji Gonzales/TJD, GMA News
 
Sama-sama nating ipagtanggol ang ating karapatan kasama ang nag-iisang Sumbungan ng Bayan tuwing Sabado, 4:45 PM sa GMA. Sundan din ang Imbestigador sa aming official Facebook at Twitter accounts.