ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Sino ang salarin?: Lalaki tinadtad ng saksak sa Kalayaan, Laguna


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Ang kuwentong ito ay unang itinampok sa "Imbestigador." Ang mga larawang ginamit ay halaw sa pagsasadula ng kaso. Mapapanood ang "Imbestigador" tuwing Sabado ng hapon, 5:10 PM, pagkatapos ng Startalk. I-like ang official Facebook page ng Imbestigador at sundan ang Twitter account nito para sa updates.
 
Bisitahin din ang archives nito para sa iba pang kuwento ng mga kasong tinalakay sa programa.



Isang lalaki diumano ang walang-awang pinaslang sa bayan ng Kalayaan sa Laguna. Tadtad daw ng saksak ang iba't ibang bahagi ng katawan ng biktima. Ano kaya ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen na ito?
 
Si Taweng
 
Tubong Kalayaan, Laguna ang 33-anyos na si Roel Cagayat o mas kilala bilang si 'Taweng' sa kanilang bayan. Mapagmahal sa pamilya, mabuting kaibigan at matulungin sa kaniyang mga kababayan. Minsan na raw siyang nangarap na maiahon ang kaniyang pamilya sa hirap.
 
Kaya naman mula Laguna ay naisipan ni Taweng na makipagsapalaran sa Maynila para magtrabaho bilang beautician.
 
Kung may pagkakataon daw, umuuwi pa rin siya sa kanilang tahanan sa Kalayaan at madalas na nakikituloy sa bahay ng kaibigang si Juliefe Maglente o mas kilala bilang si 'Dabbie.'
 
 
Kahit daw sa Maynila na ito naghahanapbuhay, hindi pa rin nakakalimutan ni Taweng na magkawanggawa sa kanilang bayan. 
 
"Napakabait niyan. Nagpupunta 'yan dito at libreng naggugupit," ani Dabbie.
 
 
Abala rin daw si Taweng sa mga patimpalak sa kanilang bayan tulad ng Miss Gay contests. Kung minsan pa nga raw, siya na rin daw mismo ang isa sa mga kalahok.
 
Ang dagok sa buhay ni Taweng
 
Isang pagsubok daw ang dumating sa buhay ni Taweng. Noong nakaraang taon, natuklasan daw ng mga doktor na mayroong stage 4 cancer ang kaniyang ina.
 
"Palagi niyang pinupuntahan ang kaniyang nanay sa ospital. Binabantayan at inaalagaan niya ito," sabi ni Dabbie.
 
Mula noon daw ay umikot na raw ang buhay ni Taweng sa kaniyang ina.
 
Kay Dabbie raw palaging inilalabas ni Taweng ang mga problemang kinahaharap niya. Palagi raw siyang nagkukuwento tungkol sa nanay niya at sa kaniyang pamilya.
 
Pero isang bagay daw ang tila mailap banggitin ni Taweng kay Dabbie: ang kaniyang buhay pag-ibig. Hanggang sa isang lalaki raw ang napapadalas na makita niya na kasa-kasama ng kaibigan. Ang lalaking ito raw ay nagngangalang “ Danmar.”
 
Si Danmar
 
Nitong ika-8 ng Abril, 2015, nagdiwang ng kaniyang kaarawan si Dabbie. Sa gitna raw ng kasiyahan ay dumating si Danmar para sunduin si Taweng. Hindi raw pumayag na sumama si Taweng ngunit patuloy raw ito sa pangungulit.
 
Ayon kay Dabbie, napansin daw niyang inabutan ni Taweng ng pera si Danmar bago ito umalis.
 
Minsan na rin daw hiniram ni Danmar ang telepono ni Taweng ngunit hindi na raw ito naisauli sa kaniya.
 
Ika-10 ng Abril, 2015, bumisita raw si Taweng sa ospital para asikasuhin ang kaniyang ina. Kasama raw niya si Dabbie noong araw na ito. Ngunit matapos asikasuhin ni Taweng ang kaniyang ina at mag-abot ng panggastos, nagpaalam na raw ito at nangakong bibisita muli sa ika-15 ng Abril.
 
Ika-14 ng Abril, bandang alas-diyes ng gabi ay pumunta si Taweng sa basketball court ng Kalayaan para manood ng palaro. Masigla raw ito ng mga sandaling iyon ayon kay Dabbie.
 
 
Pero nang mapadaan si Dabbie sa basketball court, napansin raw niyang tila nakikipagtalo si Taweng kay Danmar. Tandang-tanda pa raw ni Dabbie ang kulay light brown at gray na t-shirt na suot nito. Hindi na lamang daw niya nilapitan ang kaibigan noong gabing iyon.
 
Ang araw ng pangako
 
Hindi na natupad ni Taweng ang pangakong pagbisita muli sa kaniyang ina sa ospital.
 
Dahil sa pagitan daw ng alas-dos at alas-tres ng madaling araw ng ika-15 ng Abril, isang katawan ng lalaki ang nadatnan ng barangay tanod na si Jose Oco sa bakuran ng simbahan sa Kalayaan habang nagroronda siya sa paligid.
 
Isang nakababahalang ingay raw ang tumawag sa pansin ni Jose kung kaya't minabuti niyang puntahan ang pinagmulan nito. Madilim daw ang paligid at hindi niya maaninag nang malinaw ang katawan. Napansin din daw niyang gumagalaw pa ito kaya naman dali-dali siyang kumuha ng ilaw sa kanilang opisina. Nagpasama na rin daw siya sa iba pang tanod na nasa tanggapan ng Barangay Longos noong gabing iyon.
 
 
Pagbalik nila sa lugar, dito na malinaw ang katawang tumambad sa kanila. Nagimbal daw sila sa kanilang nakita dahil tadtad ng saksak sa katawan ang biktima. Minabuti nilang lapitan ang mukha nito. Isang tanod naman daw ang kaagad na nakakilala sa biktima. Siya raw si Roel Cagayat na mas kilala bilang si 'Taweng.'
 
Ayon sa mga tanod, hindi na raw gumagalaw ang biktima ng mga oras na nakumpirma nila ang pagkatao nito. Agad naman silang tumawag sa mga pulis na nakatalaga sa Kalayaan.
 
Ang kinahinatnan ni Taweng
 
 

 
Labing-anim na saksak raw ang tinamo ni Taweng sa iba't ibang bahagi ng kaniyang katawan. Labing-isang saksak sa dibdib, isa sa kanang bahagi ng mukha, dalawa sa kaliwang bahagi ng leeg, isa sa kaliwang bahagi ng tiyan at  isa naman sa kanang bahagi rin ng tiyan. 
 
Kaagad namang nag-imbestiga ang mga pulis at pinuntahan ang mga lugar kung saan posibleng dumaan si Taweng. Isang t-shirt ang natagpuan nila sa crime scene. Dali-dali rin namang ipinatawag ng otoridad ang mga kaibigan at kakilala ni Taweng para magbigay ng pahayag.
 
Isa sa mga dumating ay si Dabbie. Kinilabutan daw siya nang ipakita ng mga pulis ang natagpuang t-shirt malapit sa pinangyarihan ng krimen.
 
"Alam ko kung kanino 'yung damit. Sinabi ko kay Danmar iyon," wika ni Dabbie.
 
Ang itinuturong may-ari ng damit ay si Danmar Abajir, residente rin ng Kalayaan.
 
Base sa mga testimoniya ni Dabbie, pinaniniwalaan ng mga pulis na nagsimula raw ang pagtatalo nina Taweng at Danmar nang diumano'y manghingi ng pera ang suspek na si Danmar. At mas uminit daw ang pagtatalo ng dalawa nang sabihin ni Taweng na hindi siya makakapagbigay ng pera. Hanggang sa magawi sila sa madilim na bahagi ng bakuran ng simbahan na katabi lang ng basketball court. Sa gitna ng kanilang pagtatalo at sa pagpupumilit ng suspek, lumalabas na nagdilim ang paningin ni Danmar at walang-awang tinadtad ng saksak si Taweng.
 
Ang salarin
 
Matapos magtugma ang kulay ng t-shirt na natagpuan ng mga pulis malapit sa pinangyarihan ng krimen at ang suot ng suspek na si Danmar noong gabing makita siyang kausap si Taweng, agad na isinagawa ng otoridad ang manhunt operation.
 
Nagtungo sila sa tahanan ni Danmar at kaagad namang sumama ito sa mga operatiba.
 
Sa tanggapan ng mga pulis, itinanggi ni Danmar na siya ang nasa likod ng karumal-dumal na sinapit ni Taweng. Maging ang natagpuang damit ay itinanggi niyang sa kaniya.
 
Nanindigan naman ng ama ni Danmar na si Danilo na iba ang suot na damit ng anak nito at hindi rin daw totoo ang relasyon ng kaniyang anak at ni Taweng.
 
Hustisya para kay Taweng
 
Sa kabila ng pagtanggi, inamin naman ni Danilo na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot si Danmar. Pero giit niya noong gabing naganap ang krimen, ang mga kaibigan raw umano ang kasama ng kaniyang anak.
 
Isang larawan naman ang ipinadala ni Danilo sa “Imbestigador” na kuha raw noong maganap ang krimen. Matapos daw tumambay ng anak kasama ang mga kaibigan nito, pumalaot daw ito para mangisda. At mag-uumaga na raw nang makarating sa kanilang bahay.
 
"May nakita nga akong isda na hinuli niya eh, nandiyan sa labas," wika ni Danilo.
 
Dahil taliwas ang sinasabi ni Danilo sa sinasabi ng ilang kakilala ni Danmar, pinanigan pa rin ng otoridad ang mga testigo at ang mga ebidensiyang nagdidiin kay Danmar Abajir sa kasong murder.
 
Hindi pa raw dito nagtatapos ang imbestigasyon ng mga pulis dahil lumutang pa ang ilang saksi at sinabing hindi lang daw isang tao ang gumawa sa krimen.
 
Sa ngayon, dalawang tao pa ang kanilang iniimbestigahan na maaaring may kinalaman sa pagpatay kay Taweng.
 
 
Nitong ika-22 ng Abril, 2015, inihatid na sa kaniyang huling hantungan si Roel "Taweng" Cagayat. Kalunos-lunos man daw ang kaniyang naging katapusan, mananatili raw na buhay sa alaala ng kaniyang mga kaibigan at mga mahal sa buhay ang ipinamalas niyang kabutihan.
 
Ito raw ang patuloy na magpapalakas ng kanilang loob sa pagsusulong ng kaso hanggang sa tuluyang makamit ang hustisya para kay Taweng.—Laurence San Pedro/BMS, GMA Public Affairs