Kaso ng babaeng natagpuang nakabitin sa puno, sisiyasatin sa 'Imbestigador'

“NAGBIGTI O BINIGTI?”
Sa pagganap nina Thea Tolentino, Maria Isabel Lopez at Mon Confiado
Sabado ng hapon, February 11 pagkatapos ng Wish Ko Lang
Sa isang puno, natagpuan siyang nakabitin, nakabalot ng kumot ang ulo at naagnas ang katawan. Ito ang karumal-dumal na sinapit ng isang katutubong Aeta sa Hermosa, Bataan kamakailan. Siya si Angelique Bulatao, 22 taong gulang.
Dahil may natagpuang upuan sa ilalim ng puno kung saan nakasabit ang bangkay, inakalang nagbigti ang biktimang napag-alamang apat na buwan palang buntis.
Pero hindi naging kumbinsido ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group ng Bataan na nagpatiwakal ang babae. Sa kanilang mas malalim na imbestigasyon, tuluyang nabigyang linaw ang misteryong bumabalot sa pagkamatay ng dalaga.
Iba’t ibang ebidensiya at testigo ang lumutang kaugnay ng kaso. Nagbigti o sadyang pinatay nga ba si Angelique?
Wag palampasin ang nangungunang Imbestigador ngayong Sabado ng hapon, February 11 pagkatapos ng Wish Ko Lang sa GMA!