Pagpatay sa isang doktor sa Las Piñas, sisiyasatin sa 'Imbestigador'

DRA. HARIVELLE HERNANDO MURDER CASE
Sa pagganap nina Elizabeth Oropesa at Vaness Del Moral
Si Dra. Harivelle Hernando, 61 taong gulang. Sinaksak at tuluyang pinaslang. Ano ang motibo sa krimen?
Isang vault na pinaghihihinalaang naglalaman ng milyon-milyong halaga. Ito marahil ang naging mitsa sa buhay ni Dra. Harivelle Hernando, Dean ng School of Medicine ng University of Perpetual Help sa Las Piñas City. Natagpuan siyang duguan at patay sa sarili niyang kuwarto. Nagtamo ng apat na saksak sa dibdib ang 61 taong gulang na doktora.

Ang kasambahay niyang si Juvy Acero ang nakadiskubre sa bangkay ni Dra. Hernando madaling araw noong Mayo 11, 2018. Siya rin ang unang humingi ng saklolo matapos matuklasan ang katawan ng kanyang amo. Pero sa paggulong ng imbestigasyon ng Las Pinas Police, kalauna’y tinukoy na “mastermind” o utak sa krimen ang sariling kasambahay ni Dra. Hernando. Lumabas na may mga kasabwat din daw ang kasambahay.

Paano nga ba pinagplanuhan ang pagpaslang kay Dra. Hernando? Sinu-sino ang mga nasa likod ng krimen?