Karumal-dumal na pagpatay sa isang guro, sisiyasatin sa 'Imbestigador'
_2018_10_27_10_27_35.jpeg)
“TEACHER MHAI”
Sa pagganap nina Katrina Halili, Renz Valerio at Mel Kimura
October 27, Sabado ng hapon pagkatapos ng Wish Ko Lang
Mahigit apatnapung kilometro ang binabaybay ng dalawampu't tatlong taong gulang na si Teacher Mylene Durante o Teacher Mhai para makapagturo sa Origon Elementary School sa Pioduran sa Albay.
Sumasampa siya sa jeep at habal-habal at maagang umaalis ng bahay. Dahil sa layo, sa paaralan na siya naglalagi sa buong linggo habang may pasok. Pero dito pala magtatapos ang kaniyang buhay.
Kamakailan, isang lalaki ang pumasok sa paaralan kung saan natutulog si Teacher Mhai at dalawa pang mag-aaral. Bigla na lamang silang inundayan ng mga saksak. Nakaligtas ang dalawang estudyante pero sa kasamaang palad, napuruhan si Teacher Mhai at tuluyang binawian ng buhay sa loob ng bakuran ng paaralan.
Sino ang suspek at ano ang motibo sa karumal-dumal na krimen?