Parañaque Integrated Terminal Exchange, tututukan sa 'Investigative Documentaries!'

PETIKS sa PITX
Sa halip na solusyon, konsumisyon daw ang dulot ng Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX.

Nobyembre 2018 ay binuksan ang terminal na pabor sana para sa mga pasaherong patungo sa Metro Manila mula sa Cavite at kalapit na probinsiya.
Umabot ng P2.5 bilyon ang ginastos sa proyektong ito ng Department of Transportation (DoTR). Itinayo ang terminal sa lupaing may lawak na apat na ektarya na kasya raw ang mahigit 100,000 pasahero.

Maraming hinaing ang mga apektadong commuter sa PITX. Mas pinalala raw nito ang dati na ngang mahirap na biyahe nila. Wala raw maayos na sistema sa terminal, kulang ang bus na pwedeng masakyan at lumaki pa ang kanilang gastos sa pamasahe.
Mas marami ring oras ang nasasayang sa paghihintay dahil mahaba ang pila ng mga nag-uunahang pasahero. Ang ilan, inilabas ang kanilang sama ng loob sa social media at nanawagan na sana ay sa lalong madaling panahon ay mahanapan ng solusyon ang problema.

Sumama kami sa ilang pasahero na araw-araw ay wala namang pagpipilian kung hindi ang dumaan sa PITX. Alamin ang pakikidigma nila sa lansangan sa episode na ito ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.