Mga Pilipino, bakit tila takot magpabakuna?
24 October 2019 Episode
Turok
Nitong Setyembre, nagdeklara ng polio outbreak ang Department of Health o DOH, matapos makumpirma ang dalawang kaso ng polio. Napatunayan ding may polio virus ang dalawang sewage samples sa Maynila at Davao.
Ayon sa DOH, mas mataas ang tiyansa na magkaroon ng polio ang mga taong walang maayos na palikuran. Sa datos ng DOH, mahigit 3.5 milyong Pilipino ang walang maayos na palikuran sa buong bansa.
_2019_10_22_17_56_06_0.jpg)
Tatlong taon nang nakatira sa Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila si Marilyn kasama ang asawa at apat na anak. Tatlong pamilya silang naghahati-hati sa kanilang palikuran na diretsong pumapatak sa tubig ang dumi. Hindi niya pinabakunahan laban sa polio ang mga anak dahil daw sa takot. Mahaba rin daw ang pila sa mga health center.
_2019_10_22_17_56_06_1.jpg)
Ayon sa DOH, kumpletong bakuna ang kailangan para makaiwas ang mga bata sa polio at sa iba pang sakit. May nakatakdang schedule na dapat sundin sa unang taon at marami ang di nakasusunod dito.
_2019_10_22_17_56_06_2.jpg)
Pagkapanganak sa ospital, dapat mabakunahan ang sanggol kontra Hepatitis B at ng Bacille Calmette-Guerin o BCG na panlaban sa tuberkulosis. Ibinibigay naman sa ika-anim na linggo ng sanggol ang Oral Polio Vaccine o OPV laban sa polio, ang Pneumococcal Conjugate Vaccine o Penta laban sa dipterya, tetano, Hepatitis B, pertussis, pulmonya, at meningitis.
Sa ika-10 linggo ng sanggol, ibinibigay ang ikalawang turok ng PCV at Penta, at ang ikalawang patak ng OPV.
Sa ika-14 na linggo naman ibinibigay ang huling turok ng PCV at Penta, at ang huling patak ng OPV. Kasabay nito, ibinibigay din ang Inactivate Polio Vaccine o IPV na panlaban din sa polio.
Sa ika-siyam na buwan at sa ika-isang taon ng sanggol, huling ibinibigay ang bakuna laban sa tigdas, beke, at German Measles.
_2019_10_22_17_56_06_3.jpg)
Sa datos ng DOH, mula 2014, bumaba ng 12% ang mga Fully Immunized Children o FIC o iyong mga batang isang taong gulang pababa na nakakumpleto ng mga bakuna.
_2019_10_22_17_56_06_4.jpg)
Paalala ng DOH, walang dapat ikatakot sa pagpapabakuna. Libre din itong makukuha sa mga health center sa buong bansa. Maaari ding pabakunahan ang mga batang hindi pa kompleto ang bakuna.

Bakit bumababa ang bilang ng mga batang nababakunahan at ano ang ginagawang aksyon ng DOH dito?
Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.