Estado ng kabuhayan ng street vendors sa Maynila
INVESTIGATIVE DOCUMENTARIES: TAKBO!
28 NOVEMBER 2019
HUWEBES, 8:00 PM SA GMA NEWS TV

Mula nang ipagbawal ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagtitinda sa Mabuhay Lanes, kani-kaniyang diskarte na ang mga nagtitinda sa mga apektadong kalsada sa Maynila.
Sa ilalim kasi ng Executive Order No. 27-1, ipinagbabawal ang pagtitinda sa Soler St., Juan Luna St. mula Recto hanggang Plaza Lorenzo Ruiz, sa Blumentritt St. mula Rizal Ave., hanggang Aurora Blvd., sa ilang bahagi ng Plaza Miranda, sa Raon St., C. Palanca St., Kalaw Ave., UN Ave. mula Roxas Blvd. hanggang Taft Ave., Padre Faura St., at Pedro Gil St.

Araw-araw nag-iikot ang mga tauhan ng Manila City Hall para bantayan ang mga nagtitinda sa kalsada. Kinukumpiska ang mga gamit sa pagtitinda ng mga mahuhuli.

Para iwas-huli, styrofoam sa halip na istante ang gamit ni Jocelyn sa pagtitinda ng biscuit, candy, at inumin sa Juan Luna St. Nilagyan niya ito ng tali para madaling hilahin kapag may manghuhuli.

Inihaw na pusit ang itinitinda ni Girly. Kariton ang gamit niya para madaling makatakbo kung may manghuhuli.

Absuwelto naman sa huli si Rita dahil isinasabit niya sa braso ang mga itinitindang bag. Dahil walang kariton, mas malaya siyang nakapaglalakad-lakad para magbenta.

Sumunod naman si Marilyn sa patakaran ng lokal na pamahalaan. Nagparehistro siya sa Bureau of Permits sa Manila City Hall para magkaroon ng sariling puwesto. Bente pesos kada araw ang bayad niya rito. One meter by one meter ang sukat ng puwestong ibinibigay sa mga rehistradong nagtitinda, at may itinakdang guhit ang lokal na pamahalaan kung hanggang saan lang sila puwedeng pumuwesto.

Paano babalansehin ang karapatan ng mga tao sa paggamit ng bangketa? Paano magkakaroon ng kita ang mga nagtitinda habang tiyak naman ang mabilis na daloy ng tao at sasakyan?
Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV.