Balikan ang mga kuwentong sinundan ng Investigative Documentaries ngayong 2019
INVESTIGATIVE DOCUMENTARIES: ID UPDATES
DECEMBER 26, 2019
HUWEBES, 8 PM SA GMA NEWS TV


Setyembre 2019, nagdeklara ang Department of Health o DOH ng polio outbreak matapos makumpirma ang dalawang kaso ng polio. Noong Oktubre 2019, inilunsad ng DOH ang sabayang patak kontra polio sa National Capitol Region. Nobyembre naman nang ilunsad ito sa buong Mindanao. Bumaba kaya ang bilang ng kaso ng polio sa bansa o nadagdagan pa ito sa paglipas ng buwan?
Sa Sitio Macantog sa Tanay, Rizal naman, kinamulatan na ng mga residente ang kawalan ng koryente at tubig, kahit pa tuwing eleksyon, koryente at tubig ang ipinapangako ng mga nanliligaw na politiko. May mga tumupad kaya sa pangakong koryente at tubig sa sitio?

Reklamo naman ng mga residente ng Sitio Mantae sa Barangay Pudi, Nueva Vizcaya ang sirang hanging bridge sa kanilang lugar. Oktubre 2018 nang masira ito dahil sa bagyong Rosita. Poste na lang ang natira sa tulay.


Kaya ang mga residente, kailangang tawirin ang ilog kung pupunta sa bayan. Delikado ito lalo na kung masama ang panahon. Paano kaya ito inaksyunan ng lokal na pamahalaan?
Naghambalang naman ang mga basketball court at sasakyan sa ilang mga kalsada sa Maynila kahit pa ipinagbabawal ito ng batas. Sa State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Hulyo, iniutos niyang alisin ang mga nakaharang sa mga pampublikong daan. Paano kaya ito inaksyunan ng pamahalaan?

Balikan natin ang ilang mga kuwentong tinutukan ng Investigative Documentaries ngayong taon. Ano na kaya ang mga ginawang aksyon dito?
Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV.