Limang milyong Pilipino, wala pa ring birth certificate?
INVESTIGATIVE DOCUMENTARIES: REHISTRADO
JANUARY 30, 2020
HUWEBES, 8 PM SA GMA NEWS TV
Sa pagpasok sa paaralan, pasaporte, at mga serbisyo ng gobyerno, ang birth certificate ang pangunahing hinihinging dokumento. Ito kasi ang pangunahing pagkakakilanlan ng bawat isang tao. Pero ayon sa Philippine Statistics Authority o PSA, 5 milyong Pilipino ang walang birth certificate.

Nagmula si Bai Lita sa Manobo-Matigsalug Tribe, isang Lumad community sa Davao del Norte. Sa itaas ng bundok sa Barangay Palma Gil nakatira noon ang pamilya ni Bai Lita, kaya’t hindi raw naasikaso ng mga magulang ang birth certificate. Dahil dito, hindi niya alam ang edad niya. Wala rin siyang natatanggap na serbisyo mula sa gobyerno.

Problemado naman si Jocelyn dahil walang birth certificate ang anak niyang si Princess. Grade 10 na dapat ito pero hindi makapag-enroll sa high school. PSA-authenticated birth certificate daw kasi ng bata ang dapat ipasa. Ayon sa pamunuan ng ospital kung saan siya nanganak, hindi tinapos nina Jocelyn ang proseso ng pagpaparehistro.

Wala ring birth certificate ang dalawang anak ni Michelle. Sinamantala niya ang free late registration program ng kanilang munisipyo.

Ayon sa batas, kailangang iparehistro ng doktor, midwife, nurse, o ng mga magulang ang kapanganakan ng bagong silang na sanggol sa loob ng 30 araw. Pero bakit may limang milyong Pinoy pa rin ang walang birth certificate?
Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV.