ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Amazon' ni Kara David


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa isang katangi-tanging television event sa Pilipinas, matutunghayan sa dokumentaryo ng Peabody Award winner na si Kara David ang pinakamalaking tropical rainforest sa buong mundo – ang Amazon sa Brazil. Mahigit dalawang araw ng paglalakbay ang kinailangan para marating ang gubat ng Amazon na tinaguriang "cradle of the species" dahil sa gubat na ito naninirahan ang may pinakamaraming uri ng mga halaman, hayop at insekto sa planeta. Sa pagpasok sa loob ng Amazon, binagtas ni Kara David ang ilog Rio Negro, ang pinakamalaking sangay ng Amazon River na tinagurian ding pinakamalaking ilog sa buong mundo. Rio Negro o Ilog Negro ang pangalan ng ilog na ito dahil sa mala-tsaang kulay ng tubig na taglay nito. Tirahan din ang ilog ng mga kinakatakutang piranha, ang isdang nagatataglay ng matatalas na ngipin na umaatake sa ibang hayop maging sa mga tao. Pero kung may mababangis na piranha, mayroon ding maaamong freshwater dolphin na nakipaglaro kay Kara sa Rio Negro. Kakaiba ang mga dolphin na ito dahil sila lang ang uri ng dolphin sa mundo na kulay rosas ang balat. Pero dahil sa polusyon at iligal na pangingisda, napabilang na rin sa listahan ng mga endangered species ang mga pink dolphin. Sa kapal ng gubat ng Amazon, hindi rin matatawaran ang mga hayop na nakitang malapitan ni Kara David tulad ng mga sloth, cayman, iguana at boa constrictor. Nagkaroon din ng pambihirang pagkakataon na makasalamuha ni Kara David ang tribung Satere Maue, isang tribu na kilala sa buong mundo dahil sa kanilang ritwal para sa mga batang lalaki. Sa loob ng sampung minuto, kailangang ipasok ng isang batang lalaki ang kanyang kamay sa isang glove na may nakatahing mga bullet ant, ang pinakamalaking uri ng langgam at itinuturing na pinakamasakit ang kagat sa buong mundo ayon sa Schmidt Sting Pain Index. Dahil sa kamandag ng langgam, napaparalisa ang kamay at braso ng batang lalaki at maari itong magtagal ng ilang araw. Alamin kung bakit lahat na yata ng ‘pinaka’ ay matatagpuan sa Amazon ngayong Lunes ng gabi sa I-Witness pagkatapos ng Saksi.

Tags: amazon, karadavid