ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Paano ba maging beauty queen?

 


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

I-Witness airs every Saturday, 10:30 PM, on GMA-7. For more information about the show, follow I-Witness on Facebook and Twitter. For updates on your favorite documentaries, follow also the official Facebook page of GMA Public Affairs.
 



Madalas na biro lang para sa atin ang salitang “tiis-ganda.” Pero alam n’yo bang sa isang silid sa Quezon City, may mga taong siniseryoso at ginagawang kabuhayan ang katagang ito?

Katunayan, si Joy Demura, 18 taong-gulang, minsan nang nahimatay sa hirap matagalan lang ang pagsusuot ng high heels.


Photo courtesy: Norman San Diego and Jhong Sudlon

Si Demura kasi ay kasulukuyang nagsasanay sa Kagandahang Flores, isang boot camp para sa mga nangangarap na maging beauty queen. Dito, anim na oras silang gumagawa ng mga ehersisyong makatutulong sa kanilang postura at pagrampa, habang naka-high heels.



“‘Yung muscle po masakit dahil doon talaga napupunta ang lakas. Ang hirap po talaga. Noong first time po hinimatay ako, parang nabigla ako tapos pinagpawisan ako nang marami sa sobrang pagod ko,” kuwento niya.

Dating souvenir vendor si Joy sa Boracay bago siya nadiskubre at naipasok sa Kagandahang Flores. Sa loob ng anim na oras kada-training, hindi lang katawan, kundi katatagan ng loob ang nasusubok sa boot camp. Pero hindi lang pangarap na maging beauty queen ang nagpapatatag kay Joy kundi maging ang kaniyang mga magulang at pitong kapatid sa Boracay.


Photo courtesy: Jhong Sudlon

“Kailangan ko po talaga itong gawin para makatulong, at least maiahon [sila] sa hirap, hindi habang buhay hanggang hirap na lang, ” ani niya.

Hindi rin maiwasang mapilayan ang ilang nagsasanay. Minsan na raw itong nangyari kay Angela Aninang, na ngayon ay limang beses nang nakasali sa mga beauty contest.

“Midnight na noon tapos [I was] medyo tired na. I was walking with other candidates tapos pak, nasa ground ako, parang two seconds [lang ay] nawalan [na] ako ng malay. Masakit ‘yung foot ko but [I] kept on walking pa rin. Pagdating ko sa bahay, doon ko lang na-feel na parang na-sprain na ako,” kuwento ni Angela.



Maging ang mga sikat na beauty queen, dumaan din sa ganitong hirap. Ang 1999 Miss Universe Runner-up na si Miriam Quiambao-Roberto, 100 beses daw na pinarampa, maperpekto lang ang kaniyang lakad.

“For 100 times maglalakad ako doon sa isang kuwarto na surrounded with mirrors tapos meron isang catwalk doon na L-shaped at maglalakad ako for one end to another in my bathing suit,” kuwento ng beauty queen.

Pero sulit na sulit naman daw ang hirap.

“Naging effective siya, noong una akong sumali sa Binibining Pilipinas ‘yung lakad ko talaga [ay] mahinhin, dalagang Pilipina, pero ‘pag kinumpara mo after ng training ko, tapos pinanoood mo ‘yung videos ko noong lumaban ako, talaga namang ‘yung lakad ko naging, pak, pak, pak! Iba na ‘yung kembot,” sabi ni Quiambao.

Bukod sa paglilinang ng postura, sinasanay rin sa boot camp ang pagsagot sa mga question and answer portion sa mga beauty contest. Hindi raw sapat na matalino at mabilis ang pagsagot dito. Ayon sa trainor na si Jerome Balute, kailangang sundin ang formulang PREP (Point-Resolution-Exposition-Point) para ang matalinong sagot ay makapag-uwi ng korona.


Photo courtesy: Norman San Diego and Jhong Sudlon

Pagpapaliwanag pa ni Balute, “They (the audience) would only see the girls for two hours during the airing of a pageant, kapag nalaman mo, kapag na-experience mo mismo gaano kahirap, how much it (the training) needs your dedication, you will come to realize it (being a beauty queen) is not superficial.”



Si Demura, bukod sa pagsasanay sa boot camp, naka-high heels na rin ngayon kahit gumagawa lang ng mga gawaing-bahay. Pero hindi lang ito simpleng “tiis-ganda” dahil hindi naman kailangang rumampa at maging kaakit-akit sa loob ng sariling bahay, kundi tunay na sakripisyo para sa pamilya at minimithing korona.---Annalyn Ardona/BMS