'Ang Kuwento ng Kampana,' dokumentaryo ni Sandra Aguinaldo ngayong Sabado sa 'I-Witness'
Ang San Pedro Bell na kilala rin bilang Barry Bell ay naglagi sa West Point Militay Academy sa New York mula 1915. Isa ito sa mga tropeo ng mga sundalong Amerikano noong panahon ng giyera. Nanatiling tahimik ang kampana ng mahabang panahon. Tila nabaon na ito sa limot hanggang sa aksidenteng nadiskubre ito ng isang retiradong US Navy Captain na si Dennis Wright habang kinakampanya ang pagbabalik ng mga makasaysayang Balangiga Bells ng Samar.

Ang mga sumunod na pangyayari ay ang madugong pag-iipon ng ebidensya na ito ay pag-aari ng isang simbahan sa Bauang, La Union—simbahang walang ka ide-ideyang nawawalan sila ng kampana. Isang grupong pinaghalong Pilipinong may interes sa kasaysayan at mga retiradong Amerikanong sundalo ang nagkampanyang maiuwi ang San Pedro Bell sa Pilipinas. At makalipas ang 115 taon, pumayag ang West Point Academy at nagsimula na ang mahabang biyahe nito pauwi sa kanyang tahanan.
Samantala sa Samar, ang maliit na bayan ng Balangiga ay patuloy na naghihintay na maibalik ang tatlong kampana nila. Ang kampanaryo ng simbahan ng St. Lawrence Parish Church ay sinadyang iwan na walang laman, bilang pagtanda ng kanilang paghihintay sa pag uwi ng kanilang mga kampana. Isa rin itong paalala sa mga taga-roon sa naging papel ng mga kampanang ito sa kasaysayan ng kanilang bayan. Tinangay kasi ng mga sundalong Amerikano ang mga kampana nang sunugin ang buong bayan bilang paghihiganti sa masaker ng mga sundalong Amerikano sa kamay ng mga Balangiganon noong Setyembre 28, 1901.
Kung ang tingin ng ibang bansa ay tropeo ito ng digmaan, sa iba naman, ito ay kayamanan ng kultura. Mahigit isang daang taon man ang lumipas, tila hindi pa naghihilom ang mga sugat ng giyera at ang mga kampana ay nanatiling mapait na alaala ng pagkatalo. Pero para sa maraming Pilipino, ang mga lumang kampana ay nagkukuwento ng kasaysayan ng ating bansa—mga kuwento ng katapangan, paghihirap, mga naibuwis na buhay, at ang mahabang pakikibaka para sa kalayaan.
Alamin ang mga sikreto ng makasaysayang kampana, kasama si Sandra Aguinaldo, ngayong Sabado, sa I-Witness.