'Aral ng Pag-asa,' dokumentaryo ni Sandra Aguinaldo ngayong Sabado sa 'I-Witness'
“ARAL NG PAG-ASA”
Dokumentaryo ni Sandra Aguinaldo
July 23, 2016

Si Teacher Ruel Petero ang nag-iisang Special Education teacher sa Nabua Central Pilot School sa Camarines Sur. Mayroon siyang 52 estudyante. Iba-iba ang espesyal na kalagayan ng mga mag-aaral sa klase ni teacher Ruel. Mayroong may Down Syndrome, Asperger, hirap makarinig at kung anu-ano pa. Sa klaseng ito, bawat estudyante sinasalubong ng matatamis na ngiti at mainit na yakap. Lahat tinatanggap, walang itinataboy.
Sa katunayan, sinusuyod ni teacher Ruel ang buong bayan, nagbabahay-bahay para maghanap ng maipapasok sa klase niya. At kadalasan, napapadpad siya sa barong-barong tulad ng kay Alfredo Castro, may dalawang espesyal na anak. Sina Alfie, anim na taong gulang, at Alfred, sampung taong gulang, ay parehong hindi nakapag-aral. Hindi makapagsalita si Alfie at si Alfred ay hindi rin nakakarinig. May isa silang kapatid na si Al na siyang nag-iisang pumapasok sa eskuwela. Kadalasan, naiiwan ang dalawa na mag-isa sa bahay kapag pumapasok sa trabaho bilang construction worker ang 62 taong gulang na tatay nilang si Alfredo. Pumanaw na kasi ang kanilang ina noong nakaraang taon. Ang mga estudyante tulad nina Alfie at Alfred ang sinisikap ni teacher Ruel na makumbinsing pumasok sa paaralan. At sa araw na ito, tagumpay siya. Magsisimula na ang edukasyon nina Alfie at Alfred kinabukasan.
Sa kabila ng kawalan ng pondo at kakulangan sa pasilidad, kasama ni teacher Ruel ang dalawa niyang volunteer teachers na humaharap sa malaking hamon ng pagbigay sa mga estudyante ng kaalaman para makapamuhay ng disente. Sa natatanging silid-aralang ito, hindi lamang sila mga guro, kundi mga tagapangalaga at kailbigan din.
Ngayong Sabado sa I-Witness, samahan si Sandra Aguinaldo isang espesyal na leksyon sa “Aral ng Pag-asa”, pagkatapos ng Lip Sync Battle, on GMA.