'Mt. Kinabalu,' dokumentaryo ni Kara David ngayong Sabado sa I-Witness
Mount Kinabalu
I-Witness Kara David Team
Airing Date: December 3, 2016
_2016_12_02_13_52_17.png)
Dalawang dekada nang umaakyat ng bundok ang dokumentaristang si Kara David. Tatlong beses na niyang narating ang tuktok ng Mt. Apo, ang pinakamataas na bundok sa Pilipinas. Naakyat na rin niya ang taluktok ng South Korea (Mt. Hallasan) at ng Japan (Mt. Fuji), pati na rin ang tahanan ng mga diyos at diyosa- ang Mt. Olympus sa Greece. Narating na rin niya ang pinakamalaking lawa ng asido sa mundo, ang pusod ng bulkang Kawah Ijen sa Indonesia. Marami pa siyang bundok na nais maakyat. At isa rito ang bundok ng matarik na bato sa Malaysia.
Sa taas na 4,095 meters (13,435 feet), isa ang Mount Kinabalu sa pinakamataas na bundok sa Timog Silangang Asya. Popular ito dahil sa magandang tanawin mula sa tuktok, kung saan walang katapusan ang asul na langit at dagat ng mga ulap. Ngunit hindi madaling maakyat ang Mount Kinabalu. Ang mababang parte nito ay rainforest, kung saan walang humpay ang pag-ulan, at ang itaas ay isang malaking pader ng matarik na bato. Kilala ang bundok bilang “sagradong lugar ng mga patay”- at hindi ito nakakapagtaka. Sa gitna ng ulan, sa malamig na klima, tibay ng loob at tatag ng katawan ang kailangang umiral patungo sa tuktok. Ang “Mount Kinabalu” ang pinakamataas at pinakamahirap na akyat ni Kara David at ng kanyang I-Witness team.
Mapapanood ang dokumentaryo sa I-Witness, GMA 7 ngayong Sabado, December 3, 2016 pagkatapos ng Superstar Duets. Magtweet o magpost sa I-Witness @IWitnessGMA (official Twitter at Facebook accounts) ng mga aral o paboritong eksena (gamitin ang #MtKinabalu) at manalo ng “The Best of Kara David, Vol. 2”. Maaari ring magtweet kay Kara David, @karadavid.