ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
WATCH

Ang I-Witness documentary ni Howie Severino na ‘Ako si Patient 2828’


Isa lamang si GMA News pillar at beteranong dokumentarista na si Howie Severino sa maraming tinamaan ng sakit na COVID-19. Tunghayan ang kaniyang pagdokumento ng kaniyang halos na pagharap sa kamatayan at kung paano niya ito nalagpasan sa I-Witness: "Ako si Patient 2828."

Kasabay ng pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa ang pagkakaroon ni Howie ng lagnat na ayaw bumaba. Nang magpa-x-ray, na diskubre na mayroon siyang pneumonia na tila puting ulap sa kaniyang baga.

Matapos ang apat na araw, lumabas ang resulta na positibo siya sa COVID-19.

"Marami na kaming lumalaban pero ang totoo, mag-isa mo itong haharapin," sabi ni Howie, dahil sa ina-isolate ang mga pasyente para hindi makahawa.

"Sa aking pag-iisa, sumagi rin sa isip ko na baka hindi ko kayanin ang pagsubok na ito," saad ng dokumentarista.

Sa lagpas 10 araw ni Howie sa ospital, dito na napaiyak ang asawa niyang si Ipat Luna.

"Noong gabing 'yon siya tumawag na medyo nagdedeliryo na at nagpapaalam, nagsasabi ng passwords," kuwento ni Ipat. "Napaka-unexpected nu'ng impact sa kaniya ng pagkakakulong eh dahil hindi niya alam na 'yun ang mangyayari," sabi pa niya.

Sa pananatili ni Howie sa ospital, nakita niya ang sakripisyo ng nurse na si Gab para alagaan siya.

Tinulungan din siya ni Ipat para mag-meditate at malabanan ang mga negatibong pag-iisip.

"She said 'No, no, no, you're not going to die. Maganda pa 'yung vital signs mo, hindi ka lang makatulog. It's all mental.' She boosted my confidence, reminding me of when we first met, when I proposed, 'yung mga memories namin because at that night, I was starting to be delirious eh and I was seeing visions of death," kuwento ni Howie.

Matapos ang 11 na araw, wala na sa hukay ang isang paa ni Howie.

"Sa mga nurse na nag-alaga sa akin, ang kabayanihan niyo ay 'di ko malilimutan," mensahe ni Howie sa mga medical frontliner na nag-asikaso sa kaniya, na isinulat niya sa isang board.

Sa paglabas ni Howie sa ospital, isang masigabong palakpakan ang sumalubong sa kaniya mula sa mga medical frontliner ng ospital. — Jamil Santos/DVM, GMA News