ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Photo gallery: Eksklusibong silip sa bakasyon ng award-winning journalist Jessica Soho


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Maraming beses na siguro nating narinig sa mga kuwento o napanood sa telebisyon na hindi biro ang buhay ng isang mamamahayag.


Dahil sa kanilang taos-pusong pagyakap sa kanilang responsibilidad na maghatid ng tamang impormasyon sa bayan, naisasakripsyo ang kanilang kaligtasan, oras ng pahinga, at kahit ang mga sandaling dapat sana ay inilalaan sa kanilang pamilya. Serbisyong totoo, ‘ika nga.

Maging ang beteranang mamamahayag na si Jessica Soho, bihira lang kung makauwi sa La Union – ang lugar kung saan siya nagmula. Kung kaya’t tuwing bibisita siya roon, tinitiyak niyang sulit ang bawat segundo.

Noong Huwebes, ika-10 ng Hulyo, sa isang pambihirang pagkakataon ay ibinahagi ni Jessica sa mga manonood ng “Kapuso Mo Jessica Soho” ang kanyang muling pagbisita sa La Union.

Paano nga ba ginugugol ng isang award-winning news anchor ang kanyang day off?


Dahil likas umano sa kanilang pamilya ang hilig sa pagluluto, siguradong sagana sa masasarap na putahe tuwing magkaroon ng pagtitipon sa tahanan ng mga Soho.

“Ang daddy kasi, since Ilokano and Chinese descent kami, kahit anong dishes, marunong,” kuwento ni Jessica.

Sa edad na 16, sanay na raw magluto si Mr. Abelardo "Ka Abe" Soho ng iba’t ibang mga putahe. Ngayon, makalipas ang mahigit limang dekada, bagama’t may edad na ay hindi pa rin siya tumitigil sa pagluluto, lalo na para sa kanyang pamilya.

“Hindi kumpleto ‘yung aking bakasyon dito kung walang lulutuing pinapaitan ang Daddy ko na siya mismo ang nag-imbento,” kuwento ni Jessica.

Namana kaya ni Jessica ang galing sa pagluluto ng kanyang ama? “Mahusay. Magaling [siyang] magluto,” pahayag ni Ka Abe.



Kung ang mga Bikolano mahilig sa maaanghang na putahe at ang mga Kapampangan mahilig sa malalasang ulam, ang mga Ilokanong katulad ni Jessica naman, mapapait na putahe raw ang pambato.

Sa araw na iyon, pinapaitan ang napili nilang lutuin ni Ka Abe para sa agahan. “Masarap ito sa umaga, para bang mami, hinihigop mo ‘yung sabaw,” ayon sa nakatatandang Soho.

Kabilang sa tipikal na inihahain para sa agahan ng mga Soho ang longganisa at tapang baboy.
Ibinahagi pa mismo ng ama ng mahusay na mamamahayag ang sikreto kung bakit kakaiba ang kanyang bersyon ng pinapaitan: “Crosswise dapat ang hiwa ng karne. Medium rare.”

Bukod sa Pinapaitan, kabilang sa tipikal na inihahain para sa agahan ng mga Soho ang longganisa na recipe mismo ng lola ni Jessica at tapang baboy na isa rin sa mga espesyal na recipe ni Ka Abe.

Kung masarap na pagkaing-dagat at magandang tanawin ang inyong hanap, dapat lang na mapabilang ang La Union sa listahan ng inyong mga bibisitahing lugar.

Matapos ang masarap na agahan sa kanilang tahanan, sumunod na pinuntahan ni Jessica ang Riverfarm Seafood Restaurant sa Bacnotan, La Union. Ang mga pagkaing-dagat na kanilang inihahain sa mga customer, kinukuha mismo sa kalapit na Baroro River.

“From the river straight to the kitchen or to the dining table,” ‘ika nga ng beteranang mamamahayag.



Mahigit 12 taon na raw ang naturang restaurant na dinarayo ng maraming turista at mga taga-La Union na nagbabalik-bayan.

Dito, maaaring kumain sa mga kubo na nakalutang sa ilog o ‘di kaya ay sa mahahabang mesa kung saan probinsyang-probinsya pa rin ang dating. Higit sa lahat, kung gusto mong sulitin ang pagbisita rito, huwag mahihiyang kumain nang naka-kamay!

Isa sa mga paboritong merienda ng mga taga-La Union ang tupig.
Pagdating sa pagkaing pang-meryenda, hindi rin magpapahuli ang mga taga-La Union. Katunayan, sa munisipalidad ng Agoo, binisita pa ni Jessica ang mga gumagawa ng paborito niyang tupig – isang uri ng kakanin na gawa sa malagkit na bigas at buko.

“Ako na ho ang magsasabi, isa sa pinakamasarap na tupig dito sa Agoo ang Rolex Tupig,” pahayag niya.

Pag-aari ng mag-asawang Rose at Alex Galvez ang Rolex Tupig. Ang kanila raw sikreto kung kaya’t pinagkakaguluhan ang kanilang produkto, nasa kalidad ng malagkit na bigas na kanilang ginagamit.

Mabusisi ang proseso sa paggawa ng tupig kaya para sa mag-asawa, maituturing din na puhunan sa negosyong ito ang sipag at tiyaga.

Kuha ni Jessica kasama ang may-ari ng Rolex Tupig na sina Rose at Alex Galvez at ang isa sa kanilang dalawang anak.
“Medyo mahirap pero kailangan para makaraos,” dagdag ni Manong Alex.

Noon daw, sideline lang ng mag-asawang Galvez ang paggawa ng tupig. Ngunit dahil sa kakaibang sarap ng kanilang produkto, unti-unting nakilala ang kanilang negosyo.

Makalipas ang 19 taon, ang dating simpleng kubo na tirahan nila, naging konkreto na. Bukod pa riyan, napagtapos na rin nina Rose at Alex ang kanilang dalawang anak sa kolehiyo.

Sina Rose at Alex ang patunay na basta may dedikasyon at pagmamahal sa napiling kabuhayan, tiyak na may naghihintay na biyaya kapag lumaon.

Bago bumalik sa Maynila mula sa La Union, naging panata na raw ni Jessica ang pagdaan sa Our Lady of Manaoag Church sa Pangasinan upang magdasal.

“Marami kasi sa mga hiniling ko sa Kanya, ibinigay niya, kaya lagi ‘yun, I find time to kneel and pray,” aniya.

Wala pa rin talagang tatalo sa pakiramdam habang kapiling ang iyong mga minamahal. At sa huli, saan ka man dalhin ng tadhana, ang mahalaga’y marunong kang tumanaw muli sa lugar kung saan ka nagsimula. —LBG, GMA News

Related articles:

Music throwback: Whatever happened to the Pinoy boyband behind the hit 90s song '
Nanghihinayang'?

'Til death do us part: The viral wedding video that brought us all to tears
‘Kapuso Mo, Jessica Soho’ interview with Richard Gutierrez, Sarah Lahbati and baby Zion