Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Sexy stars noon, mga butihing maybahay na ngayon


Matatandaang noong Dekada 90 sumikat sa Pilipinas ang mga mapangahas na pelikula na kung tawagin ay "titillating films." Sa katunayan, ang dekadang ito, binansagan bilang Golden Age of Philippine Sexy Movies.

Kasabay ng pagkita sa takilya ng mga ganitong pelikula ang pagsikat ng mga sexy star. Puhunan nila ang magandang mukha at hubog ng katawan, at kanya-kanya rin sila ng mga gimik para umangat sa mga kasabayan.

Kabilang sa mga sumikat ng husto sa larangan ng pagpapa-sexy sina Amanda Page at Nini Jacinto.

Ngunit ang karera ng sexy actresses na ito, hindi rin nagtagal. Sa pagpasok ng taong 2000, tumamlay ang produksyon ng "titillating films." Tumumal ang mga proyekto para sa mga sexy star. Ang mga mapangahas na pelikula, napalitan na ng romantic comedy at drama.

Makalipas ang mahigit 10 taon, kinumusta ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" sina Amanda at Nini. Binalikan ng programa ang naging karera ng dalawang sexy actresses at inalam kung ano na ang pinagkakaabalahan nila matapos mawala sa mundo ng show business.

Mestiza sexy star

Ang sext star na si Amanda Page, o Ana Liza Macatangay sa totong buhay, kinagiliwan hindi lang dahil sa pagganap sa mga pelikula kundi pati na rin sa baluktot niyang pananagalog.

Laking Amerika kasi si Amanda at hirap siya sa pagsasalita ng Tagalog. Ngunit imbes na ituring ito bilang kahinaan, ginamit ito ni Amanda upang umangat at mamayagpag ang kanyang karera. Katunayan, napasabak din sa comedy si Amanda at nagkaroon pa ng sariling segment sa Kapuso gag show na "Bubble Gang."
 
 


 


Pinatunayan din ni Amanda na may talento siya pagdating sa pag-arte. Ito ay nang gumanap siya bilang si Josephine Bracken sa pelikulang "Rizal sa Dapitan."

Nang tumamlay ang kanyang karera, pinili ni Amanda na manirahan sa Amerika. Sa kasalukyan, nasa Ventura sa California siya kasama ang kanyang Pinoy na asawa. Mayroon na rin siyang isang anak.

Taong 2013 nang ipanganak ni Amanda ang panganay niyang si Mason. Mula noon, ang dati niyang balingkinitang katawan, nadagdagan ng timbang. Sinabayan pa ito ng pagkamatay ng kanyang ama. Ang mga pangyayaring ito, naging dahilan upang dumaan si Amanda sa mild depression.

Sa tulong ng kanyang asawa, nalagpasan ang mga ito ni Amanda. Nakabalik na rin siya sa dati niyang timbang. Ngayon ay pinagtutuunan niya ng pansin ang pag-aalaga ng kanyang anak.
 
 


 


Seiko baby

Nagsimula naman bilang isang "wholesome" na artista si Nini Jacinto. Una siyang nakilala bilang Elli Rose Apple Zuniga sa “That's Entertainment” hanggang sa nakatanggap siya ng alok na sumabak sa pagpapa-sexy sa ilalim ng Seiko Films.

Mula nang mawala siya sa showbiz, naging abala si Nini sa pag-aaral ng culinary arts. Naipon din niya ang mga kinita noon sa kanyang sexy films kaya nakapagpatayo siya ng bahay at nakabili ng sasakyan.
 
 


 


Ngayon, mayroon na siyang sariling pamilya. Sa Cavite siya nakatira kasama ang asawa na isang Senior Police Inspector at ang kanilang apat na anak. Mayroon din siyang pag-aaring mga negosyo tulad ng salon, spa at computer shop.

Madali mang natapos ang karera nina Amanda at Nini, ang mahalaga ay hindi nauwi sa wala ang kani-kanilang buhay. Naging mapangahas man ang mga papel na ginampanan nila noon, trabaho lang daw iyon. Ngayong wala na sila sa harap ng camera, mas importante na ang papel nila – ang pagiging asawa at ina. Rica Fernandez/LBG, GMA News