ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Paolo B: ang #MakeUpTransformation master


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Bago pa man sumikat ang make up transformation meme, patok na patok na sa social media accounts ni Paolo Ballesteros ang mga larawan niyang ginagaya ang ilang Hollywood celebrities.

Pero paano nga ba nagiging kamukha ng isang male celebrity ang mga sikat na babaeng personalidad ng showbiz?

Precious Paola Nicole

Bagaman 13 taon na siya sa showbiz, lubos na sumikat si Paolo Elito Ballesteros IV noong gayahin niya sa “Eat Bulaga” ang beauty queen na si Precious Lara Quigaman.

“‘’Yun ‘yung name na binigay sa akin ni Ruby, Precious Paola Nicole,” kuwento ni Paolo “Tuwing magpapambabae na kami, iyon na ‘yung pangalan ko.”



Nang maging hit sa “Eat Bulaga” ang pagdadamit-babae ng mga male host nito, naging staple character na ni Paolo si Precious dahil siya ang parating nagwawagi sa kanilang mga beauty pageant.

Magmula noon, kumabit na sa kaniya ang karakter ni Precious na magpahanggang ngayon, siya pa ring tawag sa kaniya ng Dabarkads sa likod ng entablado.

Make-up bilang sining

Nasa dugo ni Paolo ang sining. Lolo niya kasi ang National Artist ng Pilipinas na si Fernando Amorsolo. Kaya naman hindi na nakapagtataka na marunong din si Paolo na magpinta at mag-charcoal drawing.

Pero mas naipapakita raw niya ang paborito niyang sining kapag ang mukha na niya ang nagsisilbing canvass.

Iba raw ang pakiramdam kapag naglalagay siya ng make-up kaya hindi rin maiwasan ni Paolo na mahumaling sa sining na ito.

“May mga times na hindi ko talaga nakakamukha pero talagang pagpupuyatan ko nang pagpupuyatan. Halimbawa, nasa bahay lang ako or nasa sasakyan, iniisip ko ganito ‘yung ilong noon e. Paano ko ba gagawing ganoon ‘yung ilong ko?” kuwento ni Paolo.



Lahat ng paghihirap ni Paolo, bawing-bawi naman dahil tila na-perpekto na niya ang pagkopya sa mga mukha ng mga artista.

Kamakailan lamang ginaya ni Paolo ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera. Sa hindi na mabilang na pagkakataon, bumenta na naman sa mga netizen ang kaniyang make-up transformation.


Pero ayon mismo kay Paolo, may mga pagkakataon pa ring nahihirapan siya sa paggaya ng mga artista ---tulad na lang nang gayahin niya ang international star na si Beyonce Knowles.

“Hindi ko alam, naiinis nga ako sa kaniya,” natatawang kuwento ni Paolo “Tatlong linggong gabi-gabi na napupuyat ako. Magmi-makeup ako [para lang magaya ko siya.]”

Buti na lang daw madaling baguhin ang kaniyang mukha. “Parang blanko kasi, walang masyadong feature na kakaiba.”

Sa likod ng kolorete

Nang tanungin kung sino siya sa likod ng kamera, simple lang ang sagot ni Paolo. Nobenta porsyento raw ng kaniyang pagkatao, alam na ng lahat dahil kung sino siya sa entablado ay siya rin sa likod nito.



Ang natitirang sampung porsyento, iyon daw ang kaniyang pagiging ordinaryong tao tuwing Linggo. Nakakapunta pa nga raw si Paolo sa mga mall para bumili ng make-up.

“Kaya kong pumunta sa [mall] nang mag-isa, ‘yung hindi ako maghahanap ng kasama,” ani Paolo “Tatanungin ko doon ‘yung mga saleslady, ‘Ate, saan dito ‘yung eye shadow ninyo?’”

Tuwing Linggo rin niya nakakasama nang matagal ang anak niyang si Keira na kaugali niya raw sa maraming aspeto.

“Maarte din kasi,” natutuwang kuwento ni Paolo “Kapag nilagyan mo ng lipstick hindi mo na siya mapapakain ng candy. Ayaw niyang magugulo ‘yung lip niya.”



Hindi maiiwasan na marami ring babatikos sa napiling sining ni Paolo. Pero ang aktor, nagkikibit-balikat lang daw sa mga isyu.

“‘Pag sinabi nila na, ‘Ay! Baka bakla!’ nagiging positive ‘yung sasabihin nilang bakla. ‘Ah bakla kasi pero ang galing, ang ganda.’ So okay lang,” sabi niya.

Tunay ngang pagdating kay Paolo Ballesteros, “What you see is what you get,” ---simple lang sa kabila ng tagumpay at kasikatan. May kolorete man ang mukha o wala, nananatili pa ring makulay.—ARP/BMS

Mapanonood ang “Kapuso Mo, Jessica Soho” tuwing Linggo, 7:45 PM, sa GMA-7. Para sa mga karagdagang impormasyon, sundan ang programa sa Facebook at Twitter at Instagram.