ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Ang mga obra nina Bitoy, Heart at Tom
Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.
Nang magsabog daw ang Diyos ng talento, sinalo na raw yata lahat nitong tatlong Kapuso stars natin. Hindi lang daw kasi sila biniyayaan ng galing sa pag-arte, pagkanta, magandang hitsura at pangangatawan, nag-uumapaw din daw sila sa husay sa larangan ng sining.
Ano-ano nga ang ba ang angking galing nina Michael V o Bitoy, Heart Evangelista at Tom Rodriguez, at paano nila napagyaman ang mga talentong ito?
Doodle art ni Bitoy
Malayo na nga ang narating ng Kapuso comedian na si Michael V., o Beethoven V. Bunagan sa totoong buhay. Nagsimula siya bilang rapper, pero kalaunan, nadiskubre rin ang kaniyang husay sa comedy. Dati rin siyang supporting role at sidekick lang, pero ngayon bidang-bida na si Bitoy.
Actor, comedian, singer, rapper, dancer magaling na host at isa rin sa utak ng longest-running gag show sa bansa ngayon. Tila wala na nga yatang hindi kayang gawin si Michael V.
Pero ang hindi alam ng marami, may secret talent pa pala si Bitoy – ang pagdo-drawing!


Binisita mismo ni Ms. Jessica Soho si Bitoy sa bahay niya sa Quezon City upang silipin ang kaniyang mga obra. At dito, ipinakita ni Bitoy ang mga doodle art niya ng mga anime character at doodle portrait ng iba’t ibang celebrities tulad nina Michael Jackson, Taylor Swift, Bob Marley at Jimmy Hendrix.
At maging ang Kapuso nating si Jessica Soho, iginuhit ng batikang komedyante sa loob lamang nang 15 minuto.


Sa panayam kay Ms. Jessica Soho, sinabi ni Bitoy na malaki ang impluwensiya ng kaniyang ama sa hilig niya sa pagguhit. Madalas daw siyang ipag-drawing ng tatay niya dahil wala raw silang pambili ng mga laruan.
“Ang ginagawa niya, kukuha siya ng mga karton ng sigarilyo, ‘yung mga pakete ng sigarilyo, dino-drawingan niya ng superheroes tapos kina-cut out, nilalagyan ng standee sa likod, ‘yun ang mga laruan ko. Pero may mga araw na dumating na wala siya, gusto kong magkaroon ng laruan. So, ang ginawa ko, kumuha ako ng comics, kinopya ko, du’n na nagsimula ‘yung hilig ko sa pagdo-drawing,” pagbabahagi ni Bitoy.
Dahil sa kagustuhan niyang magkaroon ng laruan, bukod sa drawing, natuto rin daw si Bitoy ng “scratch building” o ang paggawa ng sculpture o ng iba pang laruan gamit lamang ang mga simpleng materyal.
Bago pa man tumuntong sa kolehiyo, gusto na raw talaga noon ni Bitoy na kumuha ng kursong Fine Arts. Pero hindi ito natuloy at napilitan siyang kumuha ng Communication Arts.
“Shortly, after ako grumaduate, napasok na ako sa industriya, sa showbiz. So parang nawalan na ng pagkakataon na magamit ko ‘yung skills ko. Kaya lang siyempre dahil first love ko, hindi ko naman tinigilan. So from time-to-time, nagdo-drawing ako. Sumubok ako ng iba't ibang medium ng pagdo-drawing, mula sa oil hanggang sa acrylic, water color at saka pencils, at saka ink, lahat,” kuwento pa ni Bitoy.


Kahit na nga raw sa mahigpit na schedule ni Bitoy, nagagawa niya pang maglaan ng panahon para sa kanyang “inner artist”. Kahit nga raw sa loob lang ng 15-minutong pahinga sa taping, isinisingit niya ang pagguhit. At kahit na nga sa isang pirasong papel, nagagawa niya pa ring ipagpatuloy ang kanyang hilig.
“Dapat hindi mawala e, ayun ‘yung sikreto. Pag sinabing oh, meron pa tayong 15 minutes, 30 minutes bago mag-take, e wala naman akong gagawin nu’n, magdo-drawing na lang ako. Kaya chinallenge ko ‘yung sarili ko, kaya ko bang gumawa ng sketch within 15 minutes? Nagagawa naman,” sabi pa niya.
Pagbabahagi pa ni Bitoy, hindi lang basta natural na husay sa pagguhit ang pinaghuhugatan niya ng kaniyang talento. Pinag-aralan daw niya mismo ang tamang paraan ng pagguhit, partikular na ang anatomy ng tao para mabigyang buhay ang kaniyang mga obra.
“Bottomline, pag-aaral. Kapag pinag-aralan mo talaga, hindi lang sapat ‘yung ilalagay mo lang ‘yung puso mo du’n e, dapat ‘yung utak mo saka ‘yung puso, kasama ng kamay mo, e lahat naka-synch para gawin ‘yung gusto mong mangyari.”


Makulay na painting ni Heart
Kung gaano naman kakulay ang buhay ng Kapuso actress na si Heart Evangelista, ganoon din kakulay ang kaniyang mga painting.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami ang talento ni Heart sa pagpipinta. Sa katunayan, nakapagbukas na siya ng dalawang exhibit.
Noong nakaraang taon, nagkaroon siya ng exhibit sa Ayala Museum, ang “I am Love Marie." At ngayong 2015, binuksan naman ang kaniyang exhibit na “Love Marie” sa Raffles City sa Singapore!
Ayon mismo kay Heart, 13-taon gulang pa lamang siya nang una siyang napaibig ng pagpipinta.
“Bata pa lang ako, nagstart na akong mag-painting. Nag-umpisa ako sa mga walls or ‘yung mga magazine, dino-drawing-an ko. Or sa school book, makikita mo lagi doodles ‘yung mga libro ko, so bata pa lang ako, mahilig na ako mag-painting,” sabi pa ni Heart.


Ang una at itinuturing niyang pinakamahalaga niyang painting, pinamagatan niyang “Love’s First Blossom.”
“It was my first-ever big painting. So, du’n ko talaga na-face lahat ng fears ko of filling in the blank spots, of just going at it and not thinking of how to plant kasi I'm so organized, organized akong tao. So I love what I did there and it was my dad's favorite painting,” pagkukuwento ni Heart.


Hindi nga raw humihinto sa canvass ang mga painting ni Heart. Ngayon, nagpipinta na rin siya maging sa mga bag at sapatos! Mayroon din siyang ginagawang children’s book.
Sa kaniya raw pagpipinta, parang naisasakatuparan na raw niya ang pangarap para sa kaniya ng tatay niya.
“He was always very supportive when it was about my paintings. In fact, ayaw niya akong maging artista, gusto niya mag-aral ako sa Academy of Arts sa San Francisco. So every year, whenever we go to the States, lagi akong pini-picture ng daddy ko sa harapan ng Academy of Arts, ‘yun ‘yung dream niya para sa akin,” kuwento ni Heart.


Dagdag pa niya, ang painting ang nagiging emotional outlet sa iba’t ibang pangyayari sa kaniyang buhay.
“I'm so used to tapping my emotions and that's really the one that inspires me and motivates me to act and to paint. So at that time, I was going through a rough patch with my family… Meron akong certain high na nararamdaman pag nagpe-paint ako kasi it brings back good memories,” pagtatapos ni Heart.
Digital art ni Tom
Good looks, galing sa pag-arte at kahit na nga magandang tinig sa pagkanta, isa rin Kapuso hunk Tom Rodriguez sa mga biniyayaan ng maraming talento kabilang na ang pagdo-drawing.
Bata pa raw si Tom nang simulan ang kaniyang pagguhit. Nagsimula raw ito nang bigyan silang magkakapatid ng kaniyang tatay ng isang tablet kung saan puwede silang gumawa ng iba’t ibang art. Nasa Amerika raw sila noon, at dahil wala pa silang gaanong kilala, natuon daw ang kaniyang atensiyon sa tablet na binigay ng kaniyang tatay.


First love daw talaga ni Tom ang pagguhit, maging ito may ay sa papel o gamit ang kaniyang gadget.
“Wala namang difference whether you are drawing it on paper or on computer, as long you use the same values when you are drawing. There are drawings on paper that you can improve on using the computer and vice versa,” paglalahad ni Tom.
Ayon kay Tom, masasabi niyang nasa dugo na ng kaniyang pamilya ang hilig sa arts. Hilig ng kaniyang ama ang pagguhit, ganoon din daw ang kaniyang mga kapatid.
Ang mga digital painting ni Tom, inspired daw ng iba’t ibang characters tulad na lang ng mga bida sa pelikulang Ant-Man at sa anime na Dragon Ball Z. Mahilig din siyang gumawa ng iba’t ibang karakter na likha lamang ng kaniyang imahinasyon.


Matatandaang minsan din niyang iginuhit si Pope Francis at ipinost ito sa kaniyang Instagram account.
“Kapag shine-share ko ‘yung drawings ko sa Instagram, it’s one way of giving back the support that the people are giving me. It’s like giving them my appreciation by showing a part of me that’s personal,” sabi pa ni Tom.
Nang bisitahin ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" si Tom sa kaniyang bahay, ipinakita niya sa amin ang ilan sa kaniyang mga sketches na kadalasan daw niyang nagagawa kung mayroon siyang “down time.”




Kuwento niya, sa kabila ng kaniyang mahigipit na schedule, naghahanap pa rin daw siya ng panahon para sa kaniyang pagdo-drawing. Tuwing taping nga raw, lagi siyang may dalang mga sketch pad at minsan dala rin daw niya ang drawing gadget.
“Bukod sa traditional and digital art, I’m also trying to learn a lot of new things. Naniniwala kasi ako na ang lahat ng bagay natututunan,” pagbabahagi ni Tom.


Sina Bitoy, Heart at Tom ang ilan lamang sa mga patunay na mayroon talagang buhay sa labas ng show business na nakita natin sa kakaibang kahusayan nila sa larangan ng sining. Ang higit pang mahalaga, naibabahagi ang talentong ito upang makapagpasaya ng maraming tao. Dahil dito, kahit sa simple nilang mga pamamaraan, maitururing rin silang mga modernong alagad ng sining!---Carlo Isla/BMS
More Videos
Most Popular