Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
PUBLIC AFFAIRS WEBEXCLUSIVE

Ang nakakikilabot na ganda ng parola ng Cape Bojeador


Makapigil-hiningang tanawin ang naghihintay sa mga turista sa pag-akyat nila sa tuktok ng parola ng Cape Bojeador.

Paano kung ang educational tour ng inyong eskuwelahan o ang bakasyong matagal na pinagplanuhan ng inyong pamilya o barkada ay mauwi sa isang kakila-kilabot na engkuwentro sa mga kababalaghan? Ganito ang personal karanasan ng ilang mga turistang minsan ding bumisita sa Cape Bojeador sa Burgos, Ilocos Norte.

 

Maituturing na isa sa pinakamatatag at pinakamagandang parola ang Cape Bojeador sa buong Pilipinas.

 

Pinakamatatag dahil mula nang una itong ilawan noong 1892, panahon pa ng mga Kastila, nananatiling nakatayo pa rin ang istruktura nito at patuloy na nag-iilaw sa dalampasigan ng bayan ng Burgos. At pinakamaganda dahil mula sa tuktok ng parola, taglay nito ang makipigil-hiningang tanawin kabilang na ang Bangui Windmills mula sa Silangan at ang nakahahalinang asul na tubig ng West Philippine Sea.

 

Dahil na rin sa mayamang kasaysayan nito, isa nang cultural heritage ang parola ng Cape Bojeador. Sa katunayan, idineklara itong National Historial Landmark noong 2004 at National Cultural Treasure noong 2005.

 

Pero sino nga bang mag-aakala na maraming kababalaghan at katatakutang nagaganap sa sikat na tourist destination na ito, hindi lamang sa gabi kundi kahit na nga mataas ang sikat ng araw?

 

Para local historian ng Ilocos na si Pepito Alvarez, totoong mayaman parola ng Cape Bojeador, hindi lamang sa mga kuwento ng kasaysayan, kundi sa mga kuwento ng katatakutan. Kung tutuusin, hindi na raw nakapagtataka ito dahil marami ang namatay dito habang ang parola ay itinatayo.

 

“Nahirapan silang gawin (ang parola) kasi ito ay nasa tuktok ng isang bundok na nakausli sa dagat. Rocky ito, ibig sabihin matigas, mahirap gawan. Ang taas-taas niya, I think ang bundok na yun is about 336ft. Tapos naglagay pa sila ng another 66ft na tower at ang kanilang gamit ay ‘yung materyal na gamit ay bricks, so talagang mahirap” pagkukuwento ni Pepito.

 

Tinungo ng programang “Kapuso Mo, Jessica Soho” ang Cape Bojeador at dito nalaman ang iba’t ibang kuwento na personal na narasanan ng mga taong bumisita at nananatili rito.


Horror Tour

Bilang isa sa mga pinakaunang travel agent sa Ilocos, marami nang naisamang turista si Pepito sa parola ng Cape Bojeador. At karamihan nga sa kaniyang mga kliyente ay mga estudyante na nagmula pa sa Metro Manila.

Personal daw niyang nasaksihan ang mga pangyayari dahil siya mismo ang sumasama sa educational tour. Isa raw sa hindi niya malilimutang karanasan ay nang may “sumingit” sa litrato ng isang estudyante na isang mala-Kastilang lalaki.

Sino nga bang mag-aakala na mayroong nagaganap na kababalaghan sa parola ng Cape Bojeador kahit na nga mataas ang sikat ng araw?

“Nu’ng paalis na kami, ‘yung isang bata, sa tuwa niya, kinuhanan niya yung tower. Nu’ng pagtingin niya dun sa monitor, humiyaw na siya. Tapos, nang ipinakita sa teacher, siya mismo umiiyak na siya e. Kasi naka-close up na lalaki na may bigote na mestizo, matangos ang ilong, mukhang Espanyol. Kaya sabi ng teacher, ‘I-delete mo na! Kasi sasama sa atin yan,’" pagsasalaysay ni Pepito.

Isang grupo rin daw ng mga estudyante mula sa all-girls school ang nakakita ng mga dayuhang “guwardiya” na tila nagbabantay sa veranda ng parola. At nang napagtanto raw ng mga dalaga na mga multo ang kanilang nakita, dali-dali raw silang nagtakbuhan pababa ng parola.

Pero ang isa raw sa hindi malilimutang karanasan ni Pepito ay nang diumano’y sapian ng mga espiritu sa parola ang ilang estudyante na bumisita rito. Kuwento niya, hapon na raw nang umakyat ang mga estudyante sa parola dahil may iba pa raw na binisita ang mga ito.

Pagbaba raw mula sa parola, tatlo sa mga estudyanteng umakyat, dalawang lalaki at isang babae, ang kumikilos na ng kakaiba. Ang isang batang lalaki, naging magaspang na raw ang pananalita at pinigilan pa ang kanilang grupo sa pagdarasal.

Sa huli, dinala nila ang mga estudyante sa Laoag Cathedral upang mabendisyunan ng pari.

Sa kabila nito, ipinagmamalaki pa rin ni Pepito ang Cape Bojeador at naninindigang dapat itong bisitahin ng bawat Pinoy

“Kung ikaw ay Pilipino at hindi ka pa nakapunta sa (Cape Bojeador) lighthouse, you're missing a lot. Hindi lang kalahati ng buhay mo ang nawawala, baka mahigit pa. Alam ninyo kung bakit? Ito ay punong-puno ng historical facts,” pagmamalaki ni Pepito.

Horror vacation

Para kina Almer Purganan, Editha Nepomuceno, King Pajarillaga at iba pa nilang mga kaibigan, ang unang beses nilang pagpunta sa Ilocos noong 2010 ay isang adventure na hindi nila malilimutan. Ang inaasahan kasi nilang bakasyon na puno ng kasiyahan ay nabalot ng takot dahil sa mga kababalaghan.

Ibinahagi nina Almer, Editha, King at iba pa nilang mga kaibigan ang kakila-kilabot na karanasan nila sa parola.

Kuwento ni Almer, binalak nilang pumunta sa Ilocos noon upang makapag-relax at maipasyal na rin ang kaniyang kasintahan. Nagba-balikbayan kasi noon si Almer mula sa pagiging Overseas Filipino Worker. At hindi naman daw lingid sa kaalaman niya ang mga kuwento sa Cape Bojeador.

“At the back of my head, I was looking forward actually to experience being there in the location. Pero somewhat, mayroong inhibition or parang takot din na baka nga eventually ‘yung sa mga nabasa ko, mayroong magkatotoo,” kuwento ni Almber.

Ayon naman kay Editha, hindi naman prayoridad ng grupo ang pagpunta sa Cape Bojeador. Pero dahil kasama ito sa Ilocos Tour package na kanilang kinuha, hindi na rin nila sinayang ang pagkakataon.

“’Yung sand dunes, talaga ‘yung talagang gusto naming puntahan. Pero, hindi na rin namin siya napuntahan kasi medyo malayo na at saka late na rin. Nagtagal rin kasi kami sa (Bangui) windmill,” sabi pa ni Editha.

Nagsimula ang kababalaghan at katatakutan nang makaakyat na ang kanilang grupo sa itaas ng parola. Habang abala ang lahat pagtingin sa napakagandang tanawin, dali-dali raw na nilisan ni Editha ang grupo at bumaba.

“Nagulat kami, kasama ko yung girlfriend ko at that time. Parang nagkatinginan kami kung anong reason kung bakit niya gustong bumaba bigla. Then, eventually, nung nasa baba na si Editha, sabi niya sa asawa niya, ‘Jake, bumaba ka na diyan kasi may kasama kayo, nakatingin sa'yo,’" pagkukuwento ni Almer.

Agad na bumaba ang kanilang grupo at nagdesisyong umalis ng Cape Bojeador. Pero hindi pala dito natatapos ang kanilang kalbaryo. Dahil ang isa sa mga nagpaparamdam sa kanila, sumama pa at sumakay sa kanilang sasakyan.

“Pagpasok ko sa van, nandu’n na ‘yung friend ko na si CJ na mayroong third eye. Sabi ko sa kaniya, ‘Parang mayroong kakaiba dito sa loob.’ Tapos tinanong niya ako, "Nakikita mo ba?" Sabi ko, ‘Hindi ko nakikita pero nararamdaman ko siya, ang bigat.’ Tapos sabi niya, ‘Buti ka pa, nararamdaman mo lang, ako nakikita ko,’ gumanu’n siya,” paglalahad ni Editha.

At nakita raw ni CJ kung kanino sumama ang kaluluwang ligaw – kay King.

Kuwento nina Almer, Editha at King, sumama ang isa sa mga kaluluwa na nasa Cape Bojeador hanggang sa pagpunta nila sa Bangui Windmills.

Ayon kay King, hindi raw niya alam na may sumamang kaluluwa sa kaniya pagkagaling sa Cape Bojeador. Ang tanging natatandaan lang daw niya ay mabigat ang kaniyang pakiramdam nang makarating na sila sa Bangui Windmills, ang kanilang sunod na destinasyon.

“May one time na umalis ako sa grupo e. Humiwalay ako sa kanila. Parang wala ako sa sarili. ‘Yung tipong hindi normal na ikaw… Parang iba ‘yung pakiramdam mo na medyo mabigat,” paglalarawan ni King.

Nang makita na ng kaibigan nilang si CJ si King na mag-isa, nilapitan niya ang lalaki upang kumprontahin at tulungang maitaboy ang espiritung sumama sa kaniya.

“Kinuha niya ‘yung kamay ko. Sabi niya sa akin, pumikit ka at ulitin mo ‘yung sasabihin ko. Tapos ‘yun, nagdasal kami na ina-address namin yu’ng espiritu. Parang short prayer lang siya na sabihin mo na ‘Please lang, lubayan mo na kami, gusto lang namin mag-enjoy sa trip namin. Kung maaari, umalis ka na sa amin, sa grupo namin,’” pagkukuwento pa ni King.

Matapos daw noon, naging maayos na ang pakiramdam ni King. Gayunman, may pagkakataon pa rin daw sa pagbalik nila sa kanilang tinutuluyang hotel na may narinig siyang boses na tumatawag sa kaniyang pangalan. Pero ipinagwalang-bahala na lang daw niya ito.

Ayon kay Editha, maaaring sumama raw ang espiritu sa kanila dahil nagambala nila ito noong umakyat sila ng parola. Kaya ang tanging maipapayo niya sa mga pupunta pa sa lugar, “Kapag first time sa isang lugar, kahit dito sa Maynila, dapat marunong tayong magpasintabi,” sabi pa ni Editha.

At para naman kay Almer na siyang nagyaya sa kaniyang mga kasama, nag-enjoy pa rin naman daw sila sa kanilang bakasyon sa kabila ng kanilang mga kakila-kilabot na naranasan.

“Talagang nag-enjoy kami sa lahat ng mga napuntahan namin. Parang nag-reconnect kami sa buong barkada, after ilang years na hindi kami nagkita-kita at nagsama-sama. Bukod pa sa mga experiences and stories na we will be sharing with each other, babalikan namin yung trip namin na ‘yun sa Ilocos... kahit pa nga nakakatakot,” sabi pa ni Almer.

Masisilayan pa rin ang ganda ng parola ng Cape Bojeador kahit sa pagsapit ng dapit hapon.


Hindi maikakailang sa dinami-rami ng istorya ng kababalaghang naikuwento na tungkol sa parola ng Cape Bojeador, marami na rin ang nagdadalawang-isip sa pagpunta rito. Pero hindi dapat mahigitan ng kuwentong ito ang mayamang kontribusyon ng lugar sa ating kultura at kasaysayan. ---CPI/ BMS, GMA Public Affairs


 

Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.