ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
PUBLIC AFFAIRS WEB EXCLUSIVE

#LoveWins: ang istorya ng isang beki at lesbian na nagmamahalan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Si Cyrus, beki. Si Haije, lesbian. Pero silang dalawa, nagka-in-lovan!  Ang nakakaloka at nakakakilig nilang love story ay magpapatunay raw na sa huli, pag-ibig pa rin ang maghahari.

Ang magkasintahang sina Hajjie at Cyrus
 
Ang parloristang si Cyrus at ang sekyung si Haije


Mula’t sapul pa lang, hindi na raw talaga nagkakagusto sa kapwa niyang lalaki ang beking si Cyrus. Hangga’t maari, ayaw rin niyang makipagrelasyon sa mga ito. Paano kasi, mas nahuhulog daw ang loob niya sa mga lesbian!

Hindi rin naging makulay ang kaniyang buhay pag-ibig dahil ilang beses na rin daw ito pinaiyak ng mga nakarelasyong lesbians.  Sa katunayan, 15 years-old siya ng kaniyang unang matikman ang pait ng pag-ibig. Wasak na wasak ang kaniyang buhay at kailanman ay hindi na niya inakalang siya ay magmamahal muli.

“Iba na ang tingin ko sa pakikipagrelasyon, siguro nag-mature na rin siguro ako na tama na ‘yung pagka-happy-go-lucky ko. Kung mayroong dumating, mayroon, kung wala, eh di wala," kuwento to ni Cyrus.

Ang lesbiana naman na si Haije, tila wala raw suwerte sa pag-ibig kaya ibinuhos na lang niya ang kaniyang atensyon sa trabaho.

“Siguro may pahinga ka lang ng 30 minutes, tapos balik ka na naman sa trabaho. Wala na po akong pahinga tapos 24 hours pa ang duty ko," paglalahad
ni Haije.

Pero ang kupido, tila may ibang plano.

Nakilala ni Haije si Cyrus sa Facebook at dito, tila nabuhay ang kaniyang natutulog na puso. Sa hindi niyang maipaliwanag na dahilan, alam niyang natagpuan na niya ang “The One."

“Mga isang taon ko din po siya sinubaybayan sa Facebook. Kaso nga lang po may mga tropang humahadlang sa akin na makita siya, kasi nga po may karelasyon siya," kuwento ni Haije.

Noong una, nag-aalangan daw si Haije na magpakilala kay Cyrus pero isang gabi noong September 2014, nilakasan na ni Haije ang kaniyang loob! Isang party ang kaniyang pinuntahan kung saan naroon si Cyrus at dito na nagsimula ang kakaibang love story ng dalawa. The rest is history, ‘ika nga!

“'Yung buong gabi na ‘yun na magdamag, naging close kami, Hanggang sa ayun na nga, inamin niya na gusto daw niya ako. Tapos sabi ko sa kaniya, hindi pa ako handa pero gusto ko ‘yung ugali niya at saka the way na makipag-usap siya sa akin," sabi naman ni Cyrus.

The proposal


Limang buwan nang magkasintahan at nagsasama sa iisang bubong sina Haije at Cyrus.

Ayon kay Haije, ibang klase ang pag-aalagang binibigay sa kaniya ng nobyo. Sa katunayan, siya ang tumatayong haligi ng kanilang tahanan. 

“Ipinagluluto niya po ako. Minsan po naglalaba rin po siya ng uniform ko. ‘Pag may sinasabi ako, ginagawa niya agad. Parang umiiwas din po siya na magkatampuhan kami kasi nga po pagod ako sa trabaho," matamis
na kuwento ni Hajie.

Si Haije naman daw, grabe kung makapagselos ayon kay Cyrus.

“Kahit ‘yung babaeng didikitan ko, pinagseselosan niya na! Ako na lang po ‘yung lumalayo,"
pabirong kuwento ni Cyrus.

At sa hinaba-haba man ng prusisyon, sino ang mag-aakala na sa simbahan rin pala matutuloy ang one-of-a kind love story nina Cyrus at Haije!

Para pormal nang basbasan ng simbahan ang kanilang pagmamahalan, nito lamang nakaraang buwan, nag-propose si Haije kay Cyrus sa harap ng kanilang mga kaibigan. At siyempre, isang matamis na “oo” ang kaniyang binigay sa kaniyang irog.

“Nakita ko na agad lahat sila na sumisigaw, naghihiyawan! Nanlamig na ako. Nawala na ako sa sarili ko! Halo-halo na talaga ‘yung naramdaman," kuwento
ni Cyrus.

Love Wins

Ang kuwento ng pagmamahalan nina Cyrus at Haije, binabasag ang steryotipikong pagtingin ng lipunan kung sino ang dapat mamahalin nino. Patunay lamang na ang pagmamahal, kapag naramdaman, walang pinipili anoman ang kulay mo sa bahaghari.

“Lahat tayo ay binigyan ng Diyos ng puso, ibig sabihin lahat tayo ay may karapatan magmahal," matapang na pahayag ni Cyrus.-- Kimberlie Refuerzo/ BMS, GMA Public Affairs

Mapapanood ang “Kapuso Mo, Jessica Soho” tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs Program, sundan ang GMA Public Affairs.