Jaclyn Jose: Queen of under acting noon, Cannes’ Best Actress ngayon!

Ang sabi ng marami, hanapin mo raw kung saan ka magaling at pag-igtingin mo ang kakayahang ito hanggang sa maging pinakamagaling ka sa larangang napili mo. Dito mo raw ibuhos ang buhay mo at paghusayan mo sa abot ng iyong makakaya. Ngunit, hindi ito ang kuwento para sa ilan tulad ni Jaclyn Jose, na aminadong hindi ninais maging artista buhat noon pa man.
Pero paano? Paanong naiuwi niya ang prestihiyosong parangal mula sa Cannes? Paanong siya ang unang Pilipino na nagwagi sa kategoryang Best Actress, at lalo’t higit pang una mula sa Timog Silangang Asya?
Ipinanganak sa Angeles, Pampanga noong 1953 si Jaclyn Jose o Mary Jane Santa Ana Guck sa tunay na buhay. Pangalawa sa anim na magkakapatid si Jaclyn. Dating singer sa club ang kaniyang ina, habang isang German-American na sundalo naman ang kaniyang ama. Ni minsan ay hindi niya nasilayan ang ama at hindi rin daw niya sinubukang hanapin ito.
“Actually, it was my brother ang naghanap, my brother. I never saw my dad. Wala akong desire, no, wala. Life goes on without you, parang ganyan,” sagot ni Jaclyn.
Maagang namulat ang mata ni Jaclyn dahil lumaki siyang salat sa yaman ang kanilang pamilya. Frustrated actress daw ang kaniyang ina na siya ring nagsasama kay Jaclyn sa Sampaguita Pictures noon. Umaasa ito na ang anak ang magpapatuloy sa naunsiyami niyang pangarap. Lingid sa kaniyang kaalaman, ang tunay na pangarap ni Jaclyn noon ay ang makapag-Japan!
Ani Jaclyn: “Noong araw kasi, during the early 80s, late 70s... mid-70s, ang tanging paraan lang ng mga Pilipino para kumita ng mas malaki sa dapat inaasahan para ka makapamuhay ng isang malaking pamilya ay makapag-abroad ka sa Japan - Japan lang, hindi pa OFW, wala pa lahat ng mga yan, Japan lang, singer, entertainer.”
Pinilit ni Jaclyn na matutong umawit kahit na parang nagtatampo sa kaniya ang mga nota. Nag-aapoy daw ang kaniyang pagnanais na maiahon sa kahirapan ang kaniyang pamilya. Hindi man sumang-ayon ang tadhana kay Jaclyn, patuloy pa rin ang kaniyang buhay. Umabot pa sa puntong nagtinda ng puto bumbong at bibingka si Jaclyn. Ngunit, dahil maliit lamang ang kaniyang kinikita rito, sa pagkakataong ito unti-unting nagbukas ang pinto ng showbiz.

Ang kaniyang kapatid na si Veronica Jones daw ang talagang naunang mag-artista at si Jaclyn ang kaniyang PA o personal assistant. “Siya ang artista actually, siya ang leading lady nila Ace Vergel, nila Rudy Fernandez sa Asiong Salonga, nasa kaniya yung glitz and blitz ng glamour ng showbiz dati: tall, Wonder Woman looking type of a woman.”
Taong 1984 nang mabigyan si Jaclyn ng kaniyang break sa showbiz sa pelikulang “Chikas” na sinundan ng “Escort Girls” at nagsunod-sunod na ang kaniyang mga pelikula buhat ng mga ito. Napansin siya ng batikang direktor na si Lino Brocka at kinuhang bida sa pelikulang “White Slavery.”
Ito ang simula nang malinya si Jaclyn sa pagpapaseksi hanggang sa maging torera sa pelikulang “Private Show.” Itinuring ito bilang isa sa pinakamapangahas na role na ginampanan ni Jaclyn, pero sa pelikulang “Takaw Tukso” niya unang nasungkit ang Best Actress Award mula sa URIAN.
Itinuturing nga raw na stepping stone to become a star ang pagsabak sa bold movies noon, pero iba ang tingin ni Jaclyn dito: “Sila Brillante rin ang kasama ko diyan, so magkakaibigan kami, grupo kami niyan, sila Bing Lao, Armando, Lao, Ricky Lee, sila Leo Abaya, sila Brillante, Mendoza, Eden Estrella, so... Chito Rono, ang objective namin iisa, hindi para, excuse the word ‘palibugin ang audience,’ kung hindi, ipakilala sa kanila itong klase ng tao na 'to na nag-e-exist sa society natin, and pakinggan natin siya't tignan natin siya, bigyan natin ng solusyon yung problema niya.”
Hindi raw naapektuhan si Jaclyn sa tingin ng mga tao kahit nagsimula sa showbiz sa kaniyang bold movies. Noong una raw siyang sumabak sa mga sensitibong tagpo, dalawang linggo raw siyang niligawan ng direktor na si Chito Rono para mapapayag. Halos takbuhan at hindi raw niya tanggapin ang role na inaalok nito, ngunit ipinaliwanag daw sa kaniya ang karakter na nais nilang ibigay sa kaniya.
“…I fell in love with Myrna, with the character, ayokong mapunta sa iba dahil baka mapabayaan yung pagpapakilala. Kaya pikit mata, tinanggap ko yung mga sexy scenes, bold, because na-inlove ako dun sa character.”

Fast forward sa kasalukuyan, nakilala si Jaclyn Jose sa kaniyang tatak na pag-arte na kung tawagin ay under acting. Ito ay ang paraan nang pag-arte na parang hindi umaarte. Natural kumbaga, wala masyadong palabok o palamuti. Ang tinaguriang Queen of Under Acting, aba naman, siya rin ang tinaguriang hindi lang unang Pilipino, kundi unang South East Asian na nagwagi ng Best Actress Award mula sa Cannes.
Tulad ng ibang magagaling na mga artista na may pinaghuhugutan upang makapagpalabas ng matinding emosyon, si Jaclyn daw ay hindi nakaasa sa ganito. Sadya lamang daw maaga namulat ang kaniyang social awareness, dahil lumaki siya sa salat na pamilya. Pero laking pasalamat niya na napasama siya sa mabubuting mga tao sa industriya na naging mga kaibigan niya magpahanggang sa ngayon.
Hindi raw niya sukat akalain na siya ang mananalo, dahil sapat na raw ang makapunta sa ganoong kaprestihiyosong gawad parangal. Aniya, “Yung Jaclyn, medyo ano dumugtong yung Jose, ako 'to kako - Jaclyn Jose. Ay ako 'to! Sabi ko, Diyos ko!”
Ang pelikulang “Ma’Rosa” ay tungkol sa isang ina na nakatira sa puso ng Maynila na kapos ang kinikita sa sari-sari store, kaya’t nagtutulak ng droga kasama ang kaniyang asawa.

Nang tanungin kung bakit sa palagay niya ay siya ang nanalo, ito ang sagot ng batikang aktres, “Maganda kasi yung pelikula, documentary type siya. Kuwento ng isang Ma' Rosa, maraming Ma' Rosa. Sabi nga ni Brillante, marami ng Ma' Rosa all over the world, matapang lang si Dante na ipakilala ito at ipaalam. At sana nga mabigyan ng pansin ng mga audience and the government also to finally see that there is talagang these things are really happening.”
Sapat na raw ang nakapaglakad siya sa red carpet ng Cannes kasama ang kaniyang unica hija na si Andi Eigenmann, kung kaya ganoon na lamang ang kaniyang galak at pagkagulat nang hirangin pa bilang Best Actress para sa pelikulang “Ma’Rosa.”
Si Jaclyn Jose ang patunay na talagang world-class talent ang mga Pinoy! Higit sa lahat, pinatunayan din niyang ang kahit anong bagay na nagmula sa puso ay tiyak na matatapatan ng spotlight ng tagumpay! Bilang kapwa mo Pilipino, nagbibigay pugay kaming lahat sa iyong pagkapanalo at sa karangalang inihatid mo sa ating bansa!
Mabuhay ka, Ms. Jaclyn Jose!---Mamie Grace Clemente/BMS, GMA Public Affairs
Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.