In sickness and in health: Mga sakripisyo ng isang ginang para sa asawang may brain cancer
Sa sulok ng kaniyang kwartong gawa sa kahoy, nakaratay ang tila unti-unting nauupos niyang katawan. Hindi makagalaw. Walang lakas. Wala na halos pakiramdam. Sa araw-araw, pareho ang imaheng makikita. Paghihirap. Karamdaman. Pakikipaglaban.
Ang katawan ni Junbert, inaalipin ng nakamamatay na sakit—kanser sa utak. Saksi ang kanilang tahanan sa lahat ng sigaw, daing at iyak na umalingawngaw dulot ng naturang karamdaman. Ang haligi ng pamilya na siya sanang pinaghuhugutan ng lakas ng bawat isa, walang kalaban-labang pinahihirapan at pinahihina ng sakit na tila hindi na malulunasan. Ngunit sa kabila ng dilim, may isang tinig na nagbibigay ilaw. Tinig ng pag-asa. Kalinga. Pag-ibig.
Awit ng pag-ibig
Sa gitna ng katahimikan ng asawa, umaawit si Rochelle ng mga kantang tungkol sa pag-ibig at Diyos. Paraan daw niya ito para ipabatid kay Junbert ang kaniyang nag-uumapaw na pagmamahal para sa kaniya.
Katunayan, kamakailan lang ay kumalat sa social media ang video ng mag-asawa habang pinapakain ni Rochelle ang nanghihinang si Junbert sa saliw ng awiting pag-ibig. Palibahasa’y hirap nang gumalaw, isang manipis na tubo na lang ang nagsisilbing tulay para makakain si Junbert. Ito ay direktang nakapasok sa kaniyang bibig. Katas na lang din ng prutas ang kaya niyang kainin. Mahirap. Nakakaawa.
Bagaman hindi biro ang ginagawang pag-aalaga ni Rochelle sa asawang walang kasiguraduhan kung hanggang kailan tatagal, pursigido siya. Batid niyang ang sakripisyong kaniyang ginagawa ay walang-wala kumpara sa mga sakripisyo ng kaniyang asawa mula noon hanggang ngayon para sa kaniya at sa kanilang mga anak.
“Ibibigay ko ang buhay ko sa kaniya. Ganyan ko siya kamahal. Kahit anong sakripisyo basta para sa kaniya,” ani Rochelle.
Enemies turned lovers
Tulad ng marami, ang kuwentong pag-ibig nina Rochelle at Junbert ay may malalim na pinag-ugatan.
Nagsimula sa hindi maganda ngunit nagtapos sa matamis na pagsasama. Noong una, hindi raw nila gusto ang isa’t isa ngunit nang mabigyan nang pagkakataon para mas magkakilala, doon daw nag-iba ang istorya.
Si Rochelle, napatunayan na malinis ang intensyon ni Junbert nang tumupad ito sa kanilang kasunduan na maghihintay nang anim na buwan para siya’y makapagtrabaho sa Maynila. Taong 2008 nang ibigay niya ang matamis na “Oo” kay Junbert. 2010 nang sila ay mag-isang dibdib. Biniyayaan ng dalawang anak na sina Yanzy at Carly. Makalipas ang halos anim na taon, nanalasa ang isang suliraning gumimbal sa kanilang tahimik at masayang pagsasama.
Till death do us part
Ang sakit na dumapo kay Junbert, ayon sa mga espesyalista , ay kritikal at lubhang nakamamatay. Hindi maaaring operahan. Tanging chemotherapy lang ang puwedeng asahan. Ang brainstem glioma o cancerous tumor na tumubo sa kaniya ay nakaposisyon kasi sa gitnang bahagi ng kaniyang utak kaya hindi ito maaaring galawin.
Kadalasang umaabot lang nang hanggang dalawang taon ang buhay ng isang taong tinamaan nito. Unti-unti siyang pahihirapan. Unti-unting papatayin. Mawawalan ng paningin, pandama kakayahang gumalaw at magsalita. Wala itong pinipiling edad, kasarian, kulay, relihiyon.
Sa ngayon, si Junbert, tila nalantang gulay. Darating ang bukang liwayway, ang tanghali, ang hapon nang hindi siya halos gumagalaw. Pakakainin, paliliguan at bibihisan siya ni Rochelle sa isang sulok kung saan una siyang naratay. Sasapit ang gabi ng walang pagbabago. Sisikat ang araw kinabukasan, parehong siklo muli ang haharapin. Ang mundo ng kaniyang pamilya, umiikot na lang sa apat na sulok ng kanilang tahanan. Isang sumpa para sa iba, pero himala para sa kaniyang pamilya. Himala na sa araw-araw ay magkakasama pa rin sila.
Walang kasiguraduhan. Maaaring bukas, sa makalawa, susunod na linggo, buwan, taon o dekada, wala na siya. Ang kanser ay isang traydor na sakit. Bagama’t handa si Rochelle sa ano mang posibleng mangyari, patuloy pa rin siyang naniniwala, umaasa, nananalig na isang araw ay bumalik sa dati ang sigla at lakas ng asawang nakahiga na lang sa kama. ---Jules Garcia | BMS, GMA Public Affairs
Para sa mga nais tumulong kay Junbert, maaaring tawagan si Rochelle Robiso gamit ang numerong ito: (0926) 575-5658
Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.