ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
'Kinilaw', emo-look, sex transplant and janitor fish
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Episode on November 3, 2007 Saturday, 8:30 p.m. Kinilaw Sariwang isda, karne at maging prutas o gulay, haluan lang ng suka, sili at iba pang pampalasa - meron ka nang kinilaw. Saan mang bahagi ng Pilipinas ay kilalang-kilala ang putaheng ito. At bawat rehiyon ipinagmamalaking kinilaw nila ang pinakamasarap. Naglakbay kami mula sa inat-ibang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao para matikman ang ibinibida nilang mga kinilaw. Sa Ilocos Norte, ang kanilang kinilaw, espesyal dahil may halong papait - ang trademark na lasa ng pagkaing Ilokano. Sa La Union naman, tiyak, mapapatalon ka din kapag natikman mo ang kanilang Jumping Salad - mga buhay na hipon na sinasawsaw sa kalamansi o suka bago kainin. Gata naman ang secret ingredient ng mga Bisaya sa kanilang kinilaw. At sa Mindanao, lalo na sa mga Davaoeño, lahat ginagawang kilawin - mapa-seafood, karne o prutas man. Emo Printed t-shirt, masikip na pantalon, bangs, eyeliner at mga borloloy sa katawan - ito ang tinatawag na "emo" look, ang nauusong gayak sa mga kabataan ngayon. Ang ganitong klase ng pananamit ay maiuugnay sa isang klase ng musika na dumaan sa maraming pagbabago, ang Emo rock. Bagkus sa pagiging rock ng musikang ito, ang tema naman ng melodya't liriko'y may kurot sa puso. Kaya naman ang mga taong maramdamin ay nakakasabay sa alon ng musikang emo. May mga taong nagsusulat ng kanyang damdamin sa pader at ang iba naman ay sa pananamit inilalabas ang emosyon. Ngunit paano na kung ang bugso ng damdamin ay hindi na mapigilan at humantong sa isang hindi kanais-nais na eksena. Kagagawan pa nga ba ito ng musika na sinasabing umaantig ng damdamin ng isang tao? Halika't pasukin ang mundo ng mga taong Emo at sabayan ang saliw ng kanilang musika. Sex transplant Matagal ng isyu sa lipunan ang pagtanggap sa mga taong miyembro ng third sex, lalong-lalo na ang mga transsexual. Kadalasang tampulan ng tukso at pangmamata ng ibang tao. Sila ang mga ipinanganak na adan at pinagsisikapan na maging kalahi ni Eba. Handang silang gumastos ng malaking halaga para makamit ang pinapangarap na pigura, pangalan, at kasariang 'di naikaloob sa kanila. Sa kabila nito, pursigido pa rin silang maging ganap na babae kahit sa pamamagitan lamang ng mga dokumento. Katulad na lang ni Rommel Silverio. Nitong nakaraang linggo, naging laman ng mga pahayagan ang kanyang petisyon na gawing legal ang pangalan niyang "Mely". Ngunit 'di ito inaprubahan ng Korte Suprema. Pero hindi ito hadlang upang isantabi nila ang kanilang pangarap na tuluyang matanggap ng lipunan. Janitor fish Sa Laguna de Bay umaasa ang maraming mangingisda para sa kanilang kabuhayan, ngunit sa mismong lawa rin na ito nanatili ang isa sa kanilang pinakamalaking kaaway - ang janitor fish. Maliban sa kumokonti ang mga isdang nahuhuli nila, may mga ilang bahay na rin sa tabing-ilog ang gumuho dahil sa mga butas na inuukit ng janitor fish sa lupang kinatatayuan nila. Ngunit kung peste sila para sa mga mangingisda, kumikitang kabuhayan naman sila para sa mga taga-Marikina. Ito ay dahil sa mga proyekto ng gobyerno at ng mga paaralan na naglalayong tumuklas ng iba't ibang gamit ng janitor fish - wallet, bio-fuel at animal feed. Kaya naman ang janitor fish na dating perwisyo, pwede palang maging biyaya.
More Videos
Most Popular