Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
'The Atom Araullo Specials'

‘Pangakong Lunas’ sa gitna ng pandemya


 

THE ATOM ARAULLO SPECIALS
PANGAKONG LUNAS
Ngayong November 15, 2020

Sa mga nakalipas na buwan, sunod-sunod ang ginawang pagsalakay ng National Bureau of Investigation o NBI sa mga pinagtataguan ng mga hindi rehistradong gamot na para umano sa COVID-19. Sa gitna ng pandemya, tila nakahahanap pa rin ng paraan ang mga sindikato para mabuhay ang ilegal na kalakaran. 

Pero bago pa man ang COVID-19 pandemic, sinusundan na  ni Atom Araullo ang kwento ng ilan nating kababayan na gumagawa ng paraan para makahanap ng lunas sa kanilang karamdaman. 

Isa sa mga may pangakong lunas ang nagpakilalang faith healer na si Arturo Solon. Lahat kaya raw niyang pagalingin. Ang hindi nakakatayo, napapalakad niya. Ang may malubhang sakit, himala raw niyang napapagaling.  

Sa pagdalaw ni Atom kay Arturo, samu’t-saring kwento ng mga kababayan nating umaasang bumuti ang kalagayan ang naidokumento. Pero kasabay ng kanyang panggagamot, may mga isyung ibinabato kay Arturo. 

May nagsasabing pineperahan lang niya ang mga pumupunta sa kanya. Minsan na rin siyang sinampahan ng kasong rape ng dalawang babaeng nagpakonsulta sa kanya. Sinagot ni Arturo ang mga paratang na ito.

Si Evangeline naman, umasa na pagagalingin ng isang supplement ang kanyang breast cancer. Sa isang araw, umiinom siya ng labingwalong capsule. Pero sa halip na bumiti, lumala raw ang kanyang kondisyon.  

Noong una namin siyang binisita, nakalalakad pa siya at medyo masigla pa. Pero sa pagbabalik namin kina Evangeline, unti-unti na rin siyang iginupo ng sakit.

Bago mag-lockdown, napuntahan din ni Atom ang isa samga bilihan ng mga murang vitamins at supplement drugs. Para malaman kung peke ang mga ito, ipinasuri namin ito sa laboratoryo.

Ngayong may pandemya, tila mas lalong naramdaman daw ang mga kakulangan sa ating health care system. Hirap na nga noon ang ilan nating kababayan nating may sakit, mas doble hirap daw ngayon. 

Makaasa pa kaya sila sa PANGAKONG LUNAS?

Abangan ang isa na namang makabuluhang dokumentaryo ng The Atom Araullo Specials ngayong November 15, 3:45pm sa GMA 7.