Kawayan: mga kwento ng pagkatatag sa 'Motorcycle Diaries'
Ang kawayan, hindi raw iginugupo ng anumang bagyo. Yumuyukod man sa bayo ng hangin, nananatili namang buhay at nakatayo. Tulad din daw nating mga Pilipino ang mga kawayan, matatag sa anumang pagsubok sa buhay.
Tuwing umaga bago pumasok sa eskwela, umaakyat ng bundok ang trese anyos na si Oliver at onse anyos na si Argel. Kaakibat ng pag-akyat ng magkapatid ang peligro dahil maputik at matarik ang daan. Ang kanilang pakay, manguha ng buho na isang uri ng kawayan. Mapanganib rin ang pagkuha ng buho. Kaya naman doble ingat ang magkapatid dahil bukod sa maaari silang masugatan ng itak na ginagamit, maaari rin silang matusok ng pinagputulan ng buho. Pero hindi nila alintana ang peligro.
Katumbas kasi ng buhong maibebenta nila ay perang pambili ng bigas at pantustos sa iba pang gastusin sa bahay.

Tuwing Sabado at Linggo, kasama naman ni Tatay Jolito ang kanyang mga anak na sina Jolito III at Jerwin sa tuwing nangunguha sila ng buho sa bundok. Halos dalawang oras silang naglalakad bago makarating sa pagkukunan ng buho. Isinasama niya ang kaniyang mga anak para maranasan nito ang hirap ng pagtatrabaho nang sa gayon ay mas bigyang halaga ng mga ito ang pag-aaral. Hindi kasi nakapagtapos ng elementarya si Tatay Jolito kaya hindi raw siya nakakuha ng magandang trabaho. Tangi niyang hiling sa mga anak, magtapos ang mga ito hanggang kolehiyo para sa kinabukasan nila.

Tunghayan ang kuwento ng sipag at tiyaga, at pangarap ngayong Huwebes 10pm sa GMA News TV channel 11, sa New York Festivals World Bronze Medalist, ang Motorcycle Diaries!