Pagpapayat gamit ang detox diet, tatalakayin sa 'Pinoy MD'
Para magpapayat, isa sa mga nauusong paraan ngayon ang pagde-detox cleanse. May mga naniniwala kasi na kung prutas, gulay at fruit-and-veggie shake lang ang iinumin sa loob ng ilang araw, mawawala na ang mga toxin o lason sa katawan, malaki pa ang ibabawas nito sa timbang. Totoo nga bang epektibo ang mga detox juice cleanse na ito? Hanggang ilang araw lang ba ito dapat ginagawa?
Mahalagang bahagi ng buhay ng isang babae ang pagkakaroon ng buwanang dalaw. Pero may mga pagkakataon na ang buwanang dalaw, hindi dumarating, papalya-palya ng dating o kaya naman ay nagiging sobra-sobra ang pagdurugo. Kung isa kayo sa mga babaeng nakararanas ng ganitong mga iregularidad, manood na sa Sabado at malalaman niyo mismo mula kay Dr.Raul “Dr. Q” Quillamor, Pinoy MD OB-Gynecologist at pangulo ng Philippine Obstetrics and Gynecological Society (POGS) ang sasagot sa mga tanong niyo tungkol sa abnormal menstruation.
Isang bagong nakamamatay na sakit ang naitala ngayon sa ibang bansa. Sa labing-dalawang kaso ng novel coronavirus na naitatala, lima na ang namamatay. Pangkaraniwan ang mga sintoma ng virus na ito pero kapag napabayaan, maaaring humantong sa pneumonia hanggang sa kamatayan ang resulta.Ang mga pinakahuling balita tungkol sa novel coronavirus, alamin sa Sabado.
Kapag tumuntong na ang isang lalaki sa edad na 50, ayon kay Pinoy MD Cancer Surgeon Doc Dave Ampil II, mas tumataas daw ang tsansa niyang magkaroon ng prostate cancer. Sa sakit na ito, unti-unting kinakain ng cancer cells ang prostate o ang bahagi ng katawan ng lalaki na nangangalaga sa kanyang semilla. Kapag tinamaan ang isang lalaki nito, bukod sa malaki ang posibilidad na hindi na siya magkakaroon ng anak, makararanas pa siya ng matinding sakit sa ibabang parte ng kanyang katawan. Kung mas lumala pa, maaari niya itong ikamatay. Isa ka o isa kaya ang mahal mo sa buhay sa mga puwedeng magkaroon ng prostate cancer? Alamin sa Sabado.
Para sa mga mahihilig sa hayop, kaibigan ang turing nila sa kanilang pets. Pero kahit pa pinasasaya tayo ng ating mga inaalagaan, mahalaga pa rin na mag-ingat. Puwede kasi silang maging carrier ng sakit na maaaring ipasa sa mga tao. Malusog ba ang pet mo? Ligtas ka ba sa mga sakit na puwedeng dala niya?
Samahan sina Dra. Jean Marquez, Doc Dave Ampil II, Dr. Raul “Dr. Q” Quillamor at Doc Oyie Balburias sa pangunguna ni Connie Sison sa isa na namang usapang pangkalusugan sa Pinoy MD. Manood sa Sabado, 6 hanggang 7 ng umaga sa GMA.