ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pinoy MD Question of the Week: Ano ang puwedeng lunas sa urinary tract infection o UTI?


Kaisa ng layunin ng Pinoy MD na makapaghatid ng makabuluhang impormasyon tungkol sa kalusugan, linggu-linggong sasagot ang mga Doktor ng Bayan ng isang tanong na ipinadala sa aming Facebook at Twitter account.

Ang tanong ngayong linggo ay nagmula kay Christina Valderama ng Facebook:



Ano po ba ang Urinary Tract Infection o UTI? Ano ang puwedeng gawin o lunas kung may UTI ang isang tao?

Sagot:

Ayon sa urologist na si Dr. Juliano Panganiban, ang Urinary Tract Infection o UTI ay ang pagkakaroon ng impeksyon sa urinary system o daluyan ng ihi. Kabilang dito ang bladder o pantog kung saan naiipon ang ihi at urethra kung saan naman ito dumadaan palabas ng katawan.

Isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkakaroon ng UTI ang pagpigil sa pag-ihi. May taglay kasing mikrobyo ang ihi ng tao at kapag hindi ito agad nailabas ng katawan, nananatili ito sa ating pantog kung saan dumarami ang mikrobyo at nagdudulot ng impeksyon.

“‘Yung ihi na naiiwan sa loob, especially kung may bara sa daluyan ng ihi, it becomes pus. That becomes life threatening,” ani Dr. Panganiban.

Kabilang din sa mga sanhi ng UTI ang paggamit ng maruruming palikuran at pagsusuot ng masikip na underwear. Nakahahawa ang UTI sa pamamagitan ng sexual intercourse o pakikipagtalik. Ang tawag sa ganitong kaso, “honeymoon cystitis.”

Pinag-iingat din ng eksperto ang mga taong mahilig sa mga junk food at pagkaing maaalat, dahil posible raw kasi itong magdulot ng sakit sa bato na lalong magpapahirap sa pag-ihi ng taong may UTI.

Kapag ng isang tao ay madalas na hirap sa pag-ihi o kaya'y nakararamdam ng pananakit sa lower back at sa ilalim ng ribs, makabubuti kung magpapatingin na agad sa doktor. Ito raw kasi ang mga pangunahing senyales ng pagkakaroon ng UTI.

Makabubuti rin sa taong may UTI ang pag-inom ng buko juice. Isa itong diuretic na nakatutulong para mapadali ang pag-ihi.

Kapag pinabayaan ang UTI at hindi agad ginamot, maaaring umakyat ang impeksyon sa kidney o bato hanggang sa kumalat ito sa iba pang organs ng katawan.

May mga pagkakataon naman na paulit-ulit nagkakaroon ng UTI ang isang tao. Ayon sa mga eksperto, kapag nagkakaroon ka nito tatlo hanggang apat na beses kada taon, makabubuting sumailalim na sa ultrasound at CT scan. Baka raw kasi may mas malala pang impeksyon ang pasyente na siyang dahilan ng paulit-ulit na pagkakaroon ng UTI.

“‘Yung immunocompromisation ng patient worsens the episode of UTI. It becomes more life threatening,” ani Dr. Panganiban.

Narito ang ilan pang paraan upang maiwasan at maibsan ang UTI:

1. Panatilihin ang proper hygiene.
2. Sa mga babae, regular na gumamit ng feminine wash.
3. Uminom ng walong basong tubig kada araw.
4. Kontrolin ang pagkain ng maaalat.

Kung tutuusin, simple lang naman ang mga paalalang ito pero pagdating sa sakit na UTI, malaki na ang maitutulong ng mga ito. —Rica Fernandez/CM, GMA News

Para sa inyong mga katanungan tungkol sa kalusugan, magpadala ng mensahe sa aming Facebook at Twitter account. Maaari itong sagutin ng mga Doktor ng Bayan sa telebisyon o sa pamamagitan ng "Pinoy MD" website.