ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Kalyo, vertigo, at 'super food' pag-uusapan sa 'Pinoy MD'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.




KALYO
Sa dami ng gawaing bahay at kailangang lakarin sa tuwing nagbibiyahe, mahirap maiwasang magkaroon ng kalyo sa ating mga kamay at paa.  Ang ibang talagang gustong mawala ang pagkapal ng balat na iyan, kinukutkot at hinihiwa ang mga nangapal na balat para mabawasan.  May iba naman na idinadaan na lang sa paghihilod o kaya pagpapa-spa. Ayon kay dermatologist Dr. Grace Beltran, maaring ipatanggal sa mga clinic ang inyong mga kalyo.  Puwede kasing gamitan ang mga ito ng mga laser at ng cryotherapy.  Mayroon din namang mga gamot na maaaring ipahid sa mga ito.  Pero kung kulang sa budget, may mga solusyon ang alternative medicine.  Ang pan de sal, baking soda at ang balat ng pinya puwede raw pangtanggal ng kalyo!  Alamin kung paano niyo magagamit ang mga iyan sa Sabado.





SUPER FOOD
Kung mayroon kayong altapresyon, diabetes o kaya naman arthritis, abangan ang aming mga ibibigay na payo.  Ayon kay internist, wellness expert at Pinoy MD host na si Doc Oyie Balburias, pagdating sa pagpigil at pagsugpo sa problemang dala ng mga lifestyle diseases na iyan dapat pagsamahin ang siyensiya at natural na paraan.  Di lang dapat sa gamot umasa dahil may mga pagkain na puwedeng lantakan para mapigilan ang sari-saring sakit.  Ang mga ito, siksik sa nutrisyon at nirerekomendang kainin araw-araw.  Iyan ang mga superfood!  Ang 78-taong gulang na si Rudy Bernabe, nabawasan ang kirot ng rayuma, bumaba ang presyon at antas ng asukal sa dugo nang dahil sa super foods.  Sa laki ng isinigla ni Rudy, madalas na siyang mag-boxing at mag-gym ngayon.  Ano-ano ang mga pagkaing nagpalakas sa kanya? 





VERTIGO
Kapag umiikot ang paningin at nahihilo ang isang tao, akala ng marami, high blood na yan! Pero may isa pang kondisyon na puwedeng magkaroon ng ganitong mga sintoma. Ang tawag dito, vertigo. Ang ganitong sakit, puwedeng mamana, dulot ng aksidente, o dahil sa virus.  Kailangan ding mag-ingat dito ang mga Kapuso nating medyo may edad na.  Mas puwede kasing magkaroon ng vertigo ang mga lagpas na sa edad 50.  Delikado ang pagkakaroon ng kondisyon na ito lalo na kung umatake ito nang bigla.  Para malaman kung anong mga hakbang ang puwedeng gawin para mawala ang pagkahilo na dala nito, manood sa Sabado ng Pinoy MD. 





RAFAEL ROSELL
Bata pa raw ang aktor na si Rafael Rosell, gusto na niyang maging ninja.  Kaya naman nang magkaroon ng “gauntlet workout” sa Pilipinas, agad niya itong sinubukan.  Ginagaya sa gauntlet fitness program ang mga galaw ng mga sinaunang espiyang ito ng mga hari at reyna ng Japan.  Panoorin si Rafael na subukan ang workout na ito sa aming Healthy si Idol segment.



ANO BA ANG ALS?
Sa social media, uso ngayon ang pagpo-post ng mga video ng paggawa ng  ice bucket challenge.  Sa mga kuhang ito, binubuhusan ng tumanggap ng hamon ang sarili niya ng isang timba ng malamig na tubig na may yelo.  Kapag binigyan ka ng challenge, kailangan mong mag-donate para sa ALS research.  Marami nang celebrity ang gumagawa ng ice bucket challenge pero kaunti pa lang ang kaalaman ng karamihan tungkol sa ALS o amyotrophic lateral sclerosis.  Kaya naman, ipaliliwanag namin sa inyo ang tungkol sa lumalala at nakamamatay na sakit na ito.
 
Bawat Sabado, nililinaw namin sa inyo ang impormasyong makapagpapalusog sa inyo at sa inyong pamilya.  Samahan sina Connie Sison, Dra. Jean Marquez, Doc Dave Ampil II, Dr. Raul “Dr. Q” Quillamor at Doc Oyie Balburias sa Pinoy MD, 6 hanggang 7 ng umaga sa GMA.
Tags: prstory, pinoymd