ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Kilalanin si Sen. Miriam Defensor Santiago sa 'Powerhouse'
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
POWERHOUSE SENATOR MIRIAM DEFENSOR SANTIAGO
Airing date: April 24, 2012 Martes, 8:00 ng gabi sa GMA News TV Channel 11
Sa wakas, mapapanood na rin sa Powerhouse ang isa sa pinakamakulay na personalidad sa larangan ng pulitika, si Senador Miriam Defensor Santiago.
Sa unang pagkakataon, bubuksan ng senadora ang kaniyang malawak na French at Italian-inspired na tahanan, siya raw mismo ang nagdisenyo ng eleganteng interiors nito. At dahil lagi raw siyang nakatoka sa mga family reunion, apat ang ginawa niyang living rooms ng kanyang bahay.
Ipakikita din ng senadora ang kaniyang koleksiyon ng paintings, partikular na ang mga obra ni Cesar Buenaventura. Ipasisilip din niya ang pribadong library sa loob ng kaniyang bahay kung saan makikita ang malawak na koleksiyon ng mga libro na umaabot na raw sa isang milyong piraso. Ayon kay Senadora Santiago, ang lahat daw ng ito ay nabasa na niya.

Sa kaniyang masayang one-on-one interview ni Mel Tiangco, masaya niyang ikukwento ang kaniyang kabataan sa Iloilo. Ayon sa senadora, hindi tulad ng ibang normal na batang babae, hindi raw siya naglaro ng bahay-bahayan: “I thought that was ridiculous. It really sent me to tears of laughter when I went out of our house, all the neighborhood would play bahay-bahayan.” Dahil pangarap niya noon maging scientist, mas gusto raw niya maglaro ng mga chemical.
Magiliw din niyang ibabahagi ang buhay-estudyante niya sa Unibersidad ng Pilipinas, ang maraming manliligaw niya, at ang unang pagtatagpo nila ng kaniyang asawang si Atty. Narciso Santiago, Jr.: "I was editor of the Philippine Collegian and at that time, our printing press was in Sta. Cruz, and I was living in UP Diliman. My husband had a brand new sports car and we needed a car at that time, so I intended to date people with cars."
Buong tapang ding sasabihin ng senadora ang kanyang opinyon tungkol sa nagaganap na impeachment trial at sa kasalukuyang gobyerno. Sasagutin din niya ang ilang kontrobersiya at personal na isyu, kasama na riyan ang saloobin niya tungkol kay dating Pangulong Fidel Ramos: “As far as I’m concerned, he doesn’t exist."
Maging ang mga tanong tungkol sa kanyang fashion style, game na game ring sasagutin ng senadora . May sarili siyang stylist na pumipili ng mga isusuot niya at mayroon din siyang suking parlor: "I know that it is part of my daily crucifixion, so I offered it to the Lord." Hindi rin pala bag lady si Senadora Santiago, mas hilig daw niya ang mangolekta ng mga sapatos: “Hand bags, I don't at all like them because they occupy my hands. My hands always have to be ready in case I need to slap somebody!”
Isang prangka at nakatutuwang kwentuhan ang matutunghayan ngayong Martes sa Powerhouse, ika-walo ng gabi sa GMA News TV Channel 11.
Tags: plug
More Videos
Most Popular